6,223 guests

Sanggol pinatay sa sapak ng tiyuhing adik

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 117

KALUNUS-LUNOS ang sinapit ng isang buwang sanggol na lalaki na nasawi matapos na umano’y pagsasapakin ng kanyang adik na tiyuhin na umano’y naalimpungatan sa malakas na iyak ng bata kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Natuklasan lamang ni Rowena Cornelio, ina ng biktimang si Mark Genesis Cornelio, ang pagkasawi ng sanggol nang gisingin siya ng limang taong gulang na pamangking lalaki upang ipabatid ang nasaksihang pananapak ni Ryan de Belen Cornelio, 25, sa sanggol dakong alas-7 ng umaga.
    
Lumabas sa imbestigasyon na katabing matulog ng kanyang ina ang sanggol sa loob ng kanilang bahay sa 651 BMBA Compound, 2nd Avenue, Bgy.  120, habang doon din natutulog ang tiyuhin ng bata at limang taong gulang na pinsan ng sanggol na nakasaksi sa ginawang pananapak.
    
Wala umano sa naturang bahay ang ama ng sanggol na si Nino dahil namamasada umano ito ng tricycle nang mangyari ang insidente.
 
Inaresto naman ng mga nagrespondeng pulisya ang suspek na umaming nasapak niya ang sanggol subalit ikinatuwiran na hindi niya ito sinasadya dahil nananaginip umano siya na may mga lalaking naka-bonnet na papatay sa kanya kaya’t nagawa niyang manlaban.
    
May hinala naman ang pulisya na nasa impluwensiya ng droga ang suspek at posibleng naalimpungatan lamang ito sa pagtulog nang magising sa palahaw ng sanggol. Nahaharap siya ngayon sa kasong infanticide sa Caloocan City Prosecutor’s Office.