6,864 guests

Hindi dapat magpabaya ang BoC

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 248

LALONG hindi dapat magpabaya ang mga taga-Bureau of Customs (BoC) sa mga nalalabing araw ng 2016.   

Kailangang magpakitang gilas sila kung ayaw nilang masabon pagpasok ng bagong taon.

Kagaya ng mga nakaraang taon, laging nakatuon sa kanila ang paningin ng masang Filipino.

Ang tingin kasi sa kanila ng taumbayan ay mga tiwali.
   
Napaka-unfair naman nito sa kanila dahil iilan lang naman ang mga “bugok na itlog” diyan sa BoC.
   
Malas lang ang mga matitino dahil nadadamay sila sa mga kalokohan ng  mga bugok.
   
Sa totoo lang, determinado ang mga matitino at masisipag na taga-BoC na gumanda ang performance ng ahensiya sa larangan ng tax collection.
   
Ang problema lang, nakadepende ang laki ng koleksyon nila sa volume at value ng importasyon natin.
   
Ang ibig sabihin nito, kung kakaunti ang importasyon ay kaunti rin ang papasok na pera sa kaban ng bayan.
   
Tama ba kami, Finance Sec. Carlos Dominguez?

* * *   

Sumasakit na ang ulo ng mga magulang ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.
   
Sana naman daw ay ipagbawal na ng gobyerno ang Christmas party sa mga eskuwelahan.
   
Hindi sa ayaw ng mga magulang ng kasayahan.
   
Wala lang talaga silang pera na pambili ng regalo para sa exchange gift, pati na bagong damit na isusuot sa okasyon.
   
Napipilitan silang umutang sa mga nagpapa-5-6 dahil naaawa naman sila sa mga anak nila.
   
Huwag nating kalimutan na maraming mga nag-aaral sa public schools ay anak ng mga mahihirap.
   
Kaysa nga naman ibili nila ng regalo at bagong damit, ipambibili na lang nila ng bigas o pambayad ng kuryente at tubig.
   
Ang mahalaga ay may kaunting pagsasaluhan ang pamilya pagdating ng Noche Buena.
   
Inuulit natin. Hindi masama ang pagkakaroon ng Christmas party.
   
Ang problema lang, maraming magulang ang hirap na hirap ngayon dahil sa kawalan ng trabaho.

* * *   

Pagpasok ng Disyembre ay hindi na mahahagilap ang marami nating lokal na opisyal.
   
Naging kaugalian na kasi na hingan sila ng kaunting Pamasko tuwing holiday season.
   
Hindi bale ang mga mayayamang opisyal kayang-kaya nilang mamigay ng Pamasko sa kanilang mga kababayan.
   
Ang kawawa ay ang mga mahihirap na lingkod-bayan.
   
Gustuhin man nilang mamigay ng Pamasko, hindi nila ito magagawa.
   
Ang sahod kasi nila ay kulang pa para sa kani-kanilang pamilya.
   
Hindi rin sila makapagtago dahil wala naman silang mapuntahan.
   
Kinakapalan na lang nila ang kanilang mukha.
   
Kung sabagay, marami naman ang nakakaunawa sa kanila.
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa # (0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)