6,658 guests

Normal delivery

  • Written by Jun Nardo
  • Published in Showbiz
  • Read: 650

TATAY na naman si Robin Padilla! Isinilang na si Baby Maria Isabella nila ng misis na si Mariel Rodriguez nitong Lunes, Nobyembre 14 sa Amerika, 7:56 a.m., na ibinahagi ng Action King sa kanyang Instagram account kahapon.

May timbang na 7.3 pounds at 21 inches ang sukat ng baby. 

Twenty-one hours nag-labor si Mariel pero normal delivery naman ang nangyari.

Todo ang pasasalamat ni Robin sa mga taong naging bahagi ng pagsisilang ni Mariel lalo na’t maselan ang naging pagbubuntis niya hanggang sa panganganak.
   
Ang father ni Mariel na si Abelardo Termulo ang pumutol ng umbilical cord ni Isabella.
   
Ang Tita Maricon Termulo at si Eric Tamesis naman, pumayag na magsilbing hotel ang bahay at naging driver bodyguard ng asawa.
   
Pero kahit hindi nabigyan ng visa, nagpasalamat din si Robin sa Amerikanong nurse, midwife at staff dahil sa genuine concern nila sa panganganak ni Mariel pati sa mga doktora na sina Dra. Eileen Manalo at Dr. Mangubat.
   
Higit sa lahat, nagpasalamat si Binoe sa mga Pinoy sa buong mundo na nagdasal at nagsalmo para maging maayos ang kabanata sa buhay ng mag-ina.
   
“Mabuhay po at pagpalain nawa tayong lahat ng Panginoong May Likha!” bahagi ng caption ni Robin.

* * *

PINASOK na rin ng Japanese actor na si Jacky Woo ang restaurant business. Bahagi siya ng binuksan kahapon na Kusina Lokal na located sa Centris Walk sa Quezon Avenue corner EDSA.
   
Kahit Japanese, gustong ipatikim ni Jacky ang kakaibang lutong Pinoy sa mga gustong kumain dito.        
   
Palibhasa ilang taon nang nanatili sa bansa, ang pinakapaborito niyang Pinoy food ay crispy pata.
   
In fairness, masasarap ang Pinoy food na pinakain sa guests gaya ng sinigang na ribs, kare-kare, seafood sa gata at iba pa.
   
Present sa ribbon cutting sina Jaclyn Jose, Director Joel Lamangan at brother ni Jacky na Japanese. Present naman ang komedyanteng si Diego at Jackie Forster na kasama ni Jacky sa Bubble Gang, Director Arman Reyes at iba pang nakatrabaho ni Jacky sa indie movie na Tomadachi.

* * *

NAGUGULAT na lang si Konsehal Wardee Quintos ng 4th district ng Maynila kapag kinu-congratulate siya sa husay ng anak na si Mikee Quintos sa Encantadia.
   
Si Mikee ang pumapapel bilang Lira, anak ni Sang’gre Amihan (Kylie Padilla).
   
Birong tugon ng konsehal, anak daw ’yon ng asawa niyang dating Konsehal Jo Quintos.
   
Lalong tumataba ang puso ni Kon. Quintos kapag sinasabi ng tao sa kanya tuwing umiikot sa barangays na naglipatan na sila sa GMA dahil kay Mikee.
   
Fresh na fresh kasi ang dating ng Kapuso actress sa telefantasya at lutang na lutang ang galing niya sa pagpapatawa.
   
Kung dati ay may tanong pa si Direk Mark Reyes sa kakayahan ni Mikee, ngayon ay saludo na siya dahil sa husay umarte.
   
Nagagawa pa niyang pagsabayin ang pag-aartista at pag-aaral ng Architecture sa UST, huh!