7,293 guests

Todos los Santos: Solusyon sa trapik

  • Written by Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 193

ANG sarap magmaneho nitong nagdaang tatlong araw. Walang trapik, ang linis ng kalsada. Bakit? Dahil holiday. Walang pasok sa trabaho at eskwela. Todos los Santos kasi o araw ng mga patay.

Sabi ng driver ko, “Sir, sana araw-araw, araw ng mga patay, para walang trapik. Ang sarap magmaneho, hindi nakakapagod.”

Ang sagot ko, “’Di kailangan araw-araw holiday. Pero kung daragdagan ang holiday ng bawat lungsod sa Metro Manila, tiyak na luluwag ang trapik.”
   
Ito’ng matagal ko nang sinasabi at aking solusyon sa problema ng trapik sa Metro Manila, ang ASOS o Additional Sunday Observation Scheme.
   
Maraming beses akong sumulat tungkol sa ASOS, subalit ’di pinansin ng dalawang administrasyon. Sana’y isipin ito ni Pangulong Duterte, sapagkat totoong makatutulong ito sa pagpapagaan sa malaking problema natin sa trapik.
   
Narito ang aking sinulat tungkol sa ASOS, ang sagot sa matinding trapik sa Kalakhang Maynila.
   
“Para sa akin, simple ang solusyon sa malubhang trapik sa MM. Bakit nagtatrapik? Dahil sa magkakasabay na dami ng mga sasakyan at taong bumabiyahe sa kalsada.
   
Hindi ba’t ’pag Mahal na Araw ay walang trapik? Ang linis ng kalsada at sarap magmaneho. Bakit? Dahil ang mga tao’y walang pasok at nasa probinsya.
   
Hindi ba’t ’pag Linggo’y maluwag ang mga kalsada at walang trapik? Bakit? Sapagkat walang pasok sa gobyerno at pribadong kumpanya at walang pasok sa eskwela at karamihan sa mga mamamayan ay nasa bahay, kasama ang pamilya.
   
Bilang solusyon sa trapik, iminumungkahi ko ang ASOS o Additional Sunday Observation Scheme.
   
Sa sisteng ito, ang bawat lungsod sa MM ay bibigyan ng karagdagang “Linggo”, dagdag sa regular Sunday, upang ang mga tao’y manatili sa bahay at makabawas sa dami ng mga nagtatrabaho, nagtatransaksyon, nag-aaral  at nagbibiyahe sa MM, mula Lunes hanggang Biyernes.
   
Halimbawa, ang dagdag na Linggo sa Manila ay Lunes. Sa sisteng ito, tuwing Lunes, lahat ng nagtatrabaho sa gobyerno at pribadong sector at lahat ng mag-aaral, mula kinder, hanggang kolehiyo at graduate studies ay walang pasok.
   
Isipin kung ilang milyong tao, mga nagoopisina, trabahador, mag-aaral at mga sasakyan, mula ibang lungsod o probinsya, ang hindi papasok at lalabas ng Manila sa araw na ito? Ang ’di nila pagpasok sa trabaho at eskwela at pag-uwi sa tahana’y malaking tulong sa ikaluluwag ng mga lansangan sa MM.
   
Martes ang dagdag na Linggo sa Quezon City, kung saan milyun-milyong tao at estudyante ang ’di magtatrabaho, magta-transaksyon at papasok sa eskwela.
   
Miyerkules ang dagdag na Linggo sa Makati, Pasay, Parañaque at Taguig. Isipin kung sabay-sabay walang pasok sa 4 lungsod, ilang milyong sasakyan at tao ang mababawas sa mga bumabiyahe sa MM?
   
Huwebes ang dagdag na Linggo sa Marikina, Pasig, Mandaluyong at San Juan City at Biyernes ang dagdag na Linggo sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas & Valenzuela).
   
Sa ’di pagpasok ng mga kawani ng gobyerno at pribadong sector at milyun-milyong estudyante sa mga paaralan, aabot isang milyon o higit pa, ang hindi magku-commute o maglalabas ng sasakyan sa mga nasabing araw, kaya’t bababa ang bilang ng mga tao at kotseng pumapasok, umiikot at nagbibiyahe sa MM.
   
Hindi lugi ang gobyerno, private sector at mga mag-aaral sa sistema, dahil ang mawawalang 8 oras sa trabaho at eskwela’y idaragdag sa bawat natitirang 4 araw o dagdag 2 oras sa trabaho at eskwela  kada araw,  sa 4 na araw sa 1 Linggo.
   
Ito’y mabuti ’di lang sa gobyerno, pribadong sector, subalit sa pamilyang Pilipino, dahil mabibigyan ng dagdag na araw para mag-bond ang mag-asawa at kanilang mga anak, na ikatatatag ng pamilya.
   
Samahan ito ng pagtanggal sa lahat ng obstruction sa kalye, paghuli sa mga kolorum na sasakyan, phase-out ng mga lumang sasakyan, pagkulong sa mga pasaway na driver at commuter at tiyak na giginhawa ang biyahe sa MM.”
   
Kung mapapairal ang ganitong sistema at mai-adjust ang oras ng trabaho sa gobyerno at pribadong sektor, upang hindi magkasabay-sabay ang kanilang pagpasok at pag-uwi, magsimula man ang malalaking infrastructure projects ng gobyerno sa MM, hindi gaanong mahihirapan ang ating mga mamamayan.
   
Dapat itong ipatupad ni Pangulong Rody Duterte. Simple lang, subalit ang tamang solusyon sa ating malaking problema sa trapik.
   
Sa simpleng ASOS at disiplina ng mga mamamayan, malulutas natin ang pesteng trapik sa Metro Manila.