5,694 guests

Ginipit sa airport

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 297

PINASASAMPAL ni Pangulong Digong ang mga pasaway sa Customs at mga taga-Immigration na manggigipit sa ating mga kababayang dumarating mula sa abroad.

Palagay ko kailangan nang ihasa ni Presidente ang kanyang palad para siya na mismo ang sumampal sa ilang taga-Immigration.

Bagama’t bago pa lang naman ang direktiba na ito ng Chief Executive sa ating mga kababayan, ikukuwento ko na rin ang naging karanasan ng isang Filipino-American na magbabakasyon nito lang July 2016.
   
Nang dumaan siya sa Naia 3, hindi agad siya nabigyan ng clearance na makapasok dahil may kapangalan siya na may kasong murder.
   
Sampung araw na bakasyon lamang ang pakay niya nang siya’y dumating sa bansa pero naubos ang pitong araw niya sa pag-aasikaso ng kanyang mga dokumento para lang linawin na hindi siya ang wanted person. Mga ilang oras din siyang na-hold sa isang opisina sa airport.
   
Pero matapos ang pamamagitan ng isang abogadong may kakilala sa Immigration, pinayagan din si Mr. X na makalabas subalit kailangan pa rin niyang makakuha ng court clearance sa Quezon City na pinagmulan ng warrant.
   
Ang malungkot, kahit daw sa QC court nahirapan din siya at kailangan niyang magpadulas ng P500 para lang mapabilis ang proseso.
   
Sa kuwento ni Mr. X sa akin, halos nakaubos siya ng P10,000 sa lahat ng ahensiyang nilakaran niya ng papel kasama na ang Immigration.
   
Tsk, tsk, tsk.
   
Hindi natin puwedeng ibunton ang sisi sa Duterte administration dahil nangyari ito halos kauupo pa lang ng bagong administrasyon.
   
Ibig sabihin, ang mga gagong nagpahirap sa kababayan natin ay latak pa ng tuwid na daan na nasanay sa ganoong klaseng sistema.
   
Ang gusto nating puntusan dito ay kung ano ba ang sistema natin sa mga wanted person?
   
Kailangan ba talagang mahirapan ang ating mga kababayan kapag sila ay may kapangalang kriminal?
   
Hindi ba’t ang tamang proseso ay kapag nag-document ka ng taong wanted, dapat man lang may inisyatibo ang korte, ang pulis at mga awtoridad sa ating nga daungan at paliparan na masamahan ng picture ng tunay na akusado?
   
Karaniwan, alam na ng awtoridad ang address at mga kamag-anak ng wanted kaya nga umabot na ’yan sa husgado dahil nakapagsagawa na sila ng imbestigasyon at background checking.
   
Puwede namang makakuha ng picture o anumang pagkakakilanlan ng akusado kung wala mang finger printing verification sa airports. Si Mr. X na hinarang nila ay may middle name and initial pero iyong akusado raw ay wala.
   
Thirty years nang naninirahan sa America si Mr. X kaya kung talagang walang mangyayaring panggigipit, ang daming paraan upang matukoy na ang wanted at siya ay magkaibang tao.
   
Bakit ang burden of proof ay nakaatang sa balikat ng inosente sa halip na ang awtoridad dapat ang may kakayahang magsabi na siya nga o hindi siya ang wanted?
   
Terible ang pahirap na dinaraanan ng mga kababayan nating may kapangalan kaya sana lang ay maisipan ng Immigration at DOJ kung paano ito hindi magamit sa pangingikil at panggigipit.
   
Pabilisin n’yo na sana ang sistema bago pa kayo pagsasampalin ni Pangulong Digong!
 
This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.