5,632 guests

Palusot na bigas, nasabat ng ComCen!

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 204

BAGO ang lahat, binabati natin ang Bureau of Customs sa pagkakasabat nila ng 12 container van ng smuggled na bigas. 

Ayon sa ulat, ang nasabing kargamento ay inalerto ng ComCen (command center) na nasa ilalim ng tanggapan ng Office of the Commissioner.
   
Ang nasabing kontrabando na nagkakahalaga ng P20-milyon ay dumating sa Port of Manila noong nakaraang Agosto at idineklarang leather materials.
   
Ayon sa ating miron, ito ang unang pagkakataon na makasabat ng malaking huli ang bagong tatag na Comcen.
   
Ayon kay Commissioner Nic Faeldon, balak nilang  i-donate ang bigas sa DSWD upang maipamahagi sa mga biktima ng kalamidad.
   
Kaisa tayo sa balak ni Faeldon.
   
Sa totoo lang, lahat nga dapat ng mahuhuling bigas at asukal ay i-donate na lang sa DSWD upang hindi na makabawi ang nga smuggler.
   
Hindi naman kaila -- na karamihan sa mga nahuhuling bigas at asukal -- ay nababawi din ng mga may-ari sa pamamagitan ng auction. Sa ganitong paraan, hindi nga naman malaki ang nalulugi sa kanila dahil kahit papaano ay nakakabawi sila.
   
Kaya sana huwag nang bigyan pa ng pagkakataon ni Comm. Faeldon na makabawi pa ang mga smuggler.
   
Dapat apurahin na rin ng BoC ang seizure proceedings ng mga nahuling bigas para maipamahagi na agad sa mga kababayan  nating biktima ng kalamidad.
   
At muli, congrats kay Comm. Faeldon at ComCen!

* * *   

Hindi papayag si Pangulong Rodrigo Duterte na masabotahe ang kanyang kampanya laban sa iligal na droga, korapsyon at kriminalidad.
   
Alam niyang meron lang siyang anim na taon para bigyang solusyon ang tatlong problemang ito.
   
Kaya inuna niyang bigyang solusyon ang unang problema dahil malala na ito.
   
Maging siya nga ay nagulat, pag-upo niya sa Malakanyang  na ganu’n na pala ka-grabe ang sitwasyon.
   
Pagkatapos ng illegal drug problem ay isusunod na niya ang paghabol sa mga tiwali sa gobyerno at iba pang kriminal sa bansa.
   
Inaasahan ng marami na pagpasok ng 2017 ay sisimulan na niyang tingnan kung nagawa na ng kanyang mga itinalagang hepe ng iba’t ibang opisina ang kanilang “homework.”
   
Ang kanilang “homework” ay patigilin ang korapsyon sa kani-kanilang departamento at ahensya.
   
“Madugo” rin ang kampanya laban sa graft and corruption.
   
Huwag nating kalimutan na hindi basta mawawala sa eksena ang mga tiwali dahil sa laki ng pakinabang nila.
   
Maraming masisibak sa puwesto dahil nandiyan pa rin ang mga “bugok na itlog” sa gobyerno.
   
Pinaigting niya ang kampanya laban sa smuggling, red tape at iba pang problema.
   
Mula nang maupo siya sa puwesto ay gumanda ang koleksyon ng buwis at taripa.
   
Bumilis ang pagproseso ng mga papeles.
   
Kaya nga bumilis din ang release ng mga kargamento na umani ng papuri.
   
“Dahil sa mabilis na paglabas ng mga importasyon ay bumaba ang gastos ng mga importador at broker,” ayon sa isang port user.
   
Ang madalas na reklamo noon ng mga port user ay lumalaki ang kanilang gastusin dahil sa “delayed release of shipments.”
   
Unti-unting nabibigyang lunas ni Faeldon ang problemang ito.
   
Marami ang umaasa na maaayos lahat  ang mga problema sa aduana bago umalis sa Malakanyang si Pangulong Duterte.
   
Ito ay kung lahat ng stakeholders ay magtutulungan at hindi magsisiraan.

* * *   

Marami ang hindi sumasang-ayon sa madalas na pagmumura ni Pangulong Duterte sa kanyang mga talumpati.
   
Pero subukan mong matrapik sa EDSA ng ilang oras at siguradong mapapamura ka din,  lalo na kung may hinahabol kang isang mahalagang miting o pagpupulong.
   
Kung may dinadala kang pasyente ay baka matigok ito dahil sa usad-pagong na daloy ng trapiko sa mga busy street ng Metro Manila.
   
Kagaya ng lagi nating sinasabi, ang tanging solusyon ngayon sa problema ay ang bawasan ang bilang ng mga sasakyang bumibiyahe sa Metro Manila.
   
Kung paano gagawin ay nasa gobyerno na ito.
   
Kung punung-puno ng sasakyan ang mga kalsada, kahit maglagay ka pa ng isang tambak na traffic enforcers ay wala silang magagawa.
   
Saan nila padadaanin ang mga sasakyan?
   
Wala silang magagawa kundi pailing-iling na lang habang sila’y minumura ng mga motorista at pasahero.
   
Kawawang mga Pinoy.

* * *  

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).