4,976 guests

May matanggap kayang tulong mula sa US at EU?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 304

HABANG isinusulat ko ito kahapon ng umaga ay wala pang malinaw na larawan kung gaano kalaking pinsala na ang idinulot ng super typhoon Lawin na nagpakita ng ngitngit sa halos buong Luzon region.

Maaaring mas malakas ang bagyong Yolanda na rumagasa noong Nobyembre 2013 kumpara  nitong bagyong Lawin. Umabot kasi sa 315 kph ang lakas ng bagyong Yolanda, samantalang itong bagyong Lawin ay umabot ng 220 kph ang lakas ng hangin base sa pagtaya ng PAGASA noong Miyerkules ng gabi.
   
Gayunman, higit na malaki ang diameter na sinakop ng bagyong Lawin dahil 800 kilometro ang dayametro ng distansya ng hinagupit nitong lugar kumpara sa 600 kilometro ang dayametro na layo ng bagsik ng Yolanda.
   
Sa Visayas nanalasa ang bagyong Yolanda na kumitil sa buhay ng 6,340 katao; nagtala ng 1,061 kababayan nating nawawala at gumiba ng ari-ariang aabot sa $2.86 billion (P137 billion), base na rin sa ulat ng Japan Meteorological Agency (JMA).
   
Tulad sa Yolanda, todo rin ang ginawang paghahanda ng Duterte administration sa pagdating ni Lawin. Pero dahil maaga pa, wala pang tiyak na ulat kung ilang katao ang nasawi o nasugatan sa bagyo kahapon.
   
Sa nangyaring pagragasa ng Super Bagyong Lawin, dito natin makikita ngayon kung magbibigay pa ba  ng tulong ang bansang Amerika at European Union (EU) sa Pilipinas.
   
Makailang ulit kasing sinabi ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kailangan ang limos na nanggagaling mula sa mga higanteng bansa dahil sa panghihimasok  sa isyu ng karapatang pantao bunsod na rin sa giyera kontra droga.
   
Dahil dito, mararamdaman natin ngayon kung gaano kaimportante ang ipinadadalang tulong ng malalaking bansa sa tuwing nagkakaroon ng kalamidad sa Pilipinas.
   
Noong Yolanda kasi, nagtayo ang international community ng website na tinawag na FAiTH o Foreign Aid Transparency Hub upang maging ‘transparent’ ang anumang tulong na ipinadalala ng iba’t ibang bansa para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
   
Isa ang bansang Amerika at European Union, gayundin ang bansang Australia sa may pinakamalaking tulong na ibinigay sa Pilipinas.
   
Pero tulad ng sinabi ng Pangulong Duterte, kung panghihimasukan din lang ng malalaking bansa ang kanyang desisyon tungkol sa kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot, mabuti pang hindi na tumanggap ng ayuda ang Pilipinas mula  sa kanila.
   
Kaisa tayo ng Pangulong Duterte sa paninindigan niyang ito.
   
Ang tanong na lang ngayon, kaya na ba talaga nating tumayo sa sariling paa sa tuwing may mangyayaring kalamidad na katulad ng bagyong Lawin?

* * *   

Samantala, inutil pa rin ang National Telecomunications Commission (NTC) sa pagpapatupad ng Republic Act 10639 na naglalayong magpadala ng ‘mobile alerts’ sa lahat ng cellphone subscribers bago pa man o sa kasagsagan mismo ng bagyo.
   
Tinawag na ‘The Free Mobile Disaster Alerts Act,’ ang RA 10639 ay ganap nang naging batas noon pang Hunyo 20, 2014.
   
Malaking tulong po sana kung bawat oras ay may magte-text sa ating mga cellphone bago pa man ang kalamidad para mabigyang babala ang lahat kung saan tatama ang bagyo; saan may baha, walang kuryente, sirang kalsada at tulay.
   
Mabuti pa ang mga media sa radyo at telebisyon dahil may ‘special coverage’ sila sa tuwing may mga kalamidad na ganito. Hindi na kinailangan ng batas na tulad ng RA 10639 dahil inuuna talaga ang serbisyo publiko sa masa.
   
Pero ang mga telco na aabot na sa 117 million na ang mobile subscribers, wala silang ginawa kundi ang mag-text lamang ng kanilang mga company promo ngunit kapag may kabalbalan na katulad ng ganitong bagyo -- hindi nila magawa kahit itinatadhana na sa batas.