4,749 guests

Naiwang PBB housemates, nag-iyakan

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 725
Marco Gallo Marco Gallo

UMIYAK ang mga naiwang housemates ng Pinoy Big Brother: Lucky Season 7 nang ma-evict ang kanilang kasamahan, ang Fil-Italian na si Marco Gallo laluna ang naging best friend niya sa loob ng Bahay ni Kuya , ang Fil-British na si Edward Barber.

Although naging very close si Marco sa lahat ng housemates, kakaiba rin ang kanyang closeness sa dalawa pang housemates na sina Vivoree Esclito at Kisses Delavin.  May gusto si Marco kay Vivoree habang si Kisses naman ay may gusto kay Marco.  Bago ma-evict si Marco ay silang tatlo nina Vivoree at Kisses ang mga nominado for eviction pero si Marco ang nakakuha ng may pinakamababang boto  kaya siya na-evict at pinakamataas naman si Kisses.

Kung may pagkakataon na nagseselos si Kisses kay Vivoree dahil sa pagiging close sa kanya ni Marco, humingi naman ng tawad si Kisses kay Vivoree dahil sa kanyang inasal at inamin din nito ang kanyang damdamin sa lumabas na si Marco.

Puring-puri ng televiewers ang pagiging totoo ni Kisses sa kanyang damdamin sa na-evict na si Marco na ang turing naman sa kanya ay isang kaibigan.

Paglabas ng Bahay ni Kuya ni Marco ay doon lamang na-realize ni Kisses na si Vivoree ang gusto nito at hindi niya kaya siya (Kisses) nag-apologize kay Vivoree na agad namang tinanggap ng huli.
   
Kung ang televiewers ang tatanungin, magiging very close ang fight sa pagitan nina Kisses at May-May Entrata ang magiging teen housemate big winner dahil pareho silang gusto na manalo.
   
Nakikita ng mga televiewer si Melai Cantiveros kay May-May ang pagiging totoo and big sister sa kanyang mga kasamahan sa loob ng Bahay ni Kuya.  Nagpapakatotoo rin si Kisses sa kanyang sarili kaya siya gustung-gusto ng mga manonood.

ELISSE AT MCCOY, NEXT IN LINE

MUKHANGmay bagong goldmine  ang ABS-CBN dahil bini-build-up na nang husto ng Kapamilya Network ang tambalan ng dalawang dating PBB housemates na sina Elisse Joson at McCoy de Leon na nabuo sa loob ng Bahay ni Kuya.
   
Hindi pa man, may product endorsement na agad ang bagong magka-loveteam at ipinasok silang dalawa sa toprating at long-running primetime TV series ni Coco Martin, ang “FPJ’s Ang Probinsyano”.
   
Hindi rin kami magtataka kung may inihahanda nang bagong TV series na sila ang mga pangunahing bituin at kasunod na rito ang pelikula.
   
Bago pumasok ng Bahay ni Kuya ay naka-loveteam ni McCoy ang teen actress na si Maris Racal sa nagtapos na panghapong TV series na “We Will Survive” na pinagbidahan nina Pokwang at Melai Cantiveros pero agad itong napalitan ng tambalan nina McCoy at Elisse na tinatawag ngayong McLisse.
   
Bago si McCoy ay naging boyfriend ni Elisse ang isa pang Kapamilya actor na si Jerome Ponce.

NERI, MANGANGANAK NA

ANYDAY soon ay nakatakdang isilang ng Kapamilya actress na si Neri Naig ang magiging first baby nila ng husband niyang Chito Miranda.  Baby boy ang inaasahang iluwal ni Neri ay may naghihintay na pangalang Alfonso.
   
Si Neri ay nagka-miscarriage noong isang taon pero muli siyang nabuntis nitong taon lamang.

SPOTTED: JOHN LLOYD AT ANGELICA, MULING MAGKASAMA

KAHIT may ilang buwan nang hiwalay ang magkasintahang John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban ay nanatili pa ring magkaibigan ang dalawa and they both remained loveless and single hanggang ngayon.
   
Kamakailan lamang ay nakita ang dalawa na magkasamang kumakain sa isang restaurant sa Rockwell, Makati City kaya nag-conclude ang mga nakakita sa kanila na tila nagkabalikan ang dalawa.
   
Matagal din ang naging relasyon nina John Lloyd at Angelica na inakala ng marami na ito’y mauuwi sa kasalan.  Pero hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang mga fans ng dalawa na baka silang dalawa pa rin sa huli dahil pareho pa rin silang un-attached hanggang ngayon after their much publicized break-up early this year.

GET WELL SOON, BIBSY

MAGKAKASAMA naming dinalaw nina Ricky Lo at Ronald Constantino ang aming kaibigan at kasamahan sa panulat na si Bibsy Carballo sa St. Luke’s Medical Center (QC) nung Lunes ng hapon at hindi namin maalis ang aming pagka-depress sa kalagayan ngayon ng veteran entertainment writer.

Hindi na kasi halos kumakain si Bibsy kaya sobra ang payat nito ngayon.  
   
Biniro pa namin si Bibsy na lumabas na ng hospital nang siya’y makapag-deadline na at bahagya itong nangiti.
   
Get well soon, Bibsy.  We continue to pray for your speedy recovery.  God loves you.