4,840 guests

100 days na ang Duterte administration

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 1352

Hala bira!

KINASUHAN naman daw ni Jaybee Sebastian si Senator Leila De Lima sa Ombudsman dahil sa graft at torture.

Parang kailan lang, ibinibida ni De Lima na asset ng Aquino administration si Sebastian pero ngayon biglang may kasuhan portion na?

Ano  na naman bang palabas ’yan?

* * *

Mukhang pinahahanga tayo ni Senador Dick Gordon sa kanyang performance bilang chairman ng Senate Committe on Justice.

Pareho sila ni Senador Ping Lacson na pinakikinabangan ng bayan sa ginagawa nilang pagdinig ng komite sa extrajudicial killing na inaakusa ni De Lima.
   
Mataas ang kalidad ng pagka-senador ang ipinakikita nina Ping at Dick kaya hindi ako magtataka kung may makaisip na Lacson-Gordon sa 2022.

* * *
   
Kunsabagay, kahit si Senador Alan Peter Caye­tano ay nakikitaan natin ng talas sa pag-iimbestiga ng komite.
   
Wasak kay Cayetano ang “extrajudicial lying” ni Matobato na kumbinsido ang marami nating kababayan na may nagdidikta lang sa mga sinasabi nito.
   
Sa maraming tanong ni Cayetano, natalisod si Matobato kaya kitang-kita sa camera na may mga tao sa Senado na parang sinisilihan ang tumbong at hindi mapakali.
   
Maging si Senador Manny Pacquiao ay nakikitaan ng mga ismarteng pagkilos kaya may mga taong hindi naman bumoto sa kanya noong eleksiyon pero mahal na siya ngayon.
   
Si Senador Sonny Angara ay napaka-refine at matalino rin magbato ng mga tanong kay Matobato.
   
Mahaba pa ang karera ng batang Angara na panalo din ang bayan sa kanya. Manang-mana sa kanyang amang si Manong Ed.
   
Ang totoo, in general, maganda ang performance ng Senado maliban lamang sa mga “nagkakalat” na hindi malaman kung im­bestigador o abogado ng testigo.
   
Congratulations sa buong Senado na nagdiriwang ng kanilang ika-100 taong founding anniversary.
   
Mabuhay ang Mataas na Kapulungan!

* * *
   
Naka-100 araw na ang Duterte administration.
   
Sa dami ng naging accomplishments ng gobyerno, hindi tayo makapaniwalang  tatlong huwan at 10 araw pa lang pala si Pangulong Duterte sa Palasyo.
   
Kabilang sa mga pro­minenteng nagawa ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagtiyak sa peace and order, basic services, national security, seryosong peace talks at sistematikong paglilingkod sa ating mga kababayan.
   
Mayroon na tayong Central 911 para sa  crimes and  emergency, 8888 para sa reklamo sa mga kawani ng gobyerno, magiging 5 years na ang driver’s license ngayong Oktubre at magiging 10 years na ang dating 5 years nating passport.
   
Naniniwala tayong mas marami pang magagawa para sa bayan si Digong dahil wala itong bagahe.
   
Kaya lahat ay puwede niyang sagasaan para maisulong ang pagbabago dahil wala itong tinatanawan ng utang na loob sa kanyang pagkapanalo.
   
Kahit sinong oligarchs at mga taipan ay hindi ngayon makaporma kay Digong dahil ibinalik niya ang bilyun-bilyong pisong political contributions na tinangkang ibigay sa kanya sa kalagitnaan ng elek­siyon.
   
Ganito ang kailangan nating lider, nakatuon lang sa pag-aayos ng bayan, walang pakialam kahit kanino basta siya magtatrabaho. Sabi nga ni Digong, trabahante lang siya!

Sulong Pilipinas!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.