5,203 guests

Marami pang mabibigat na problema

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 207

Tingnan natin

SA isang demokratikong bansa, kagaya ng Pilipinas, hindi nawawala ang ba­ngayan ng  mga namumuno.
   
Okay ito kung sagutan  at paliwanagan lang ang mangyayari.
   
Sa totoo lang, makabubuti sa lahat kung  merong “constructive critics” sa isang ahensiya.
   
Hindi magandang pa­nay “yes sir” ang nakapaligid sa mga namumuno.
   
Dapat may mga “well-meaning fiscalizer.” Mabuti na rin merong nagsa­sabi na mali ang ginagawa ng isang pinuno.
   
Sa tingin natin, ganyan ang nangyayari sa aduana.
   
May mga “constructive critic” si BoC Chief Nicanor Faeldon.
   
Hindi siya pinupuna dahil sa kagustuhang pabagsakin siya sa puwesto.
   
Ang gusto lang ng mga taong ito ay maituwid ang inaakala nilang hindi magandang nang­yayari sa aduana.
   
Bilang isang tao, may mga pagkakataong na­kagagawa tayo ng mga maling desisyon.
   
Kaya nga dapat dinadaan sa magandang usapan ang pagresolba sa mga problema.
   
Tama ba kami, Secretary Dominguez?

* * *
   
Siguro mas mabuting pabayaan na lang natin ang mga pulis at lokal na ehekutibo na lutasin ang illegal drug problem.
   
Kayang-kaya na nila ito dahil nandiyan namang nakabantay si Pangulong Rody Duterte.
   
Hindi lang ang pagbaka sa iligal na droga ang dapat inaatupag natin.
   
Marami pang mabibigat na problema ang nagpapahirap sa atin.
   
Nandiyan ang kahirapan, kawalan ng trabaho, pagbabaha, pagsisikip ng trapiko at korapsyon.
   
Hangga’t nandiyan ang  mga magnanakaw sa gobyerno ay hindi gaganda ang kalagayan ng mga mahihirap.
   
Dapat i-background check ang mga opisyal ng mga opisinang hitik sa katiwalian.
   
Hangga’t nasa puwesto ang mga tiwaling opisyal at empleyado ay hindi titigil ang mga kawalanghiyaan sa gobyerno.
   
Pagtatanggalin na ni Pangulong Duterte ang mga tiwaling lingkod-bayan.
   
Pati ang mga lokal na opisyal na walang ginawa kundi  walanghiyain ang taumbayan sa pamamagitan ng pananakot.

* * *
   
Naniniwala tayo na mababawasan ng malaki ang bilang ng mga mamamatay at masasaktan dulot ng mga paputok sa taong ito.
   
Matatakot naman na siguro ang mga gumagawa ng mga paputok na magtinda ng mga nakakamatay at depiktibong paputok.
   
Siyempre ayaw nilang magalit sa kanila si Pangulong Duterte at PNP chief Director-General Ronald dela Rosa.
   
Ang dapat gawin ng pulisya at mga lokal na opisyal ay bantayang maige ang mga gumagawa ng paputok.
   
Kung maari lang ay maglagay ng mga checkpoint malapit sa mga pagawaan ng mga ito.
   
Kumpiskain kaagad ang mga ipinagbabawal na paputok at sampahan agad ng kaso.
   
Kung si Pangulong Duterte mismo ang magbababala sa gumagawa ng paputok ay hindi puwedeng hindi sila sumunod sa utos niya.
   
Hindi birong mabulag o maputulan ng daliri, kamay o paa dahil lang sa paggamit ng paputok.
   
Ngayon pa lang ay dapat masampolan na ng mga otoridad ang mga matitigas ang ulo.
   
Anong say niyo, PNP Chief dela Rosa at Local Government Secretary Mike Sueno?

* * *
   
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0921)4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan)