4,907 guests

Mga batang atleta sa Navotas, ginawang scholars

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 269

On the beat

IBA talaga kapag ang alkalde ng isang lungsod ay nagkaroon ng karanasan sa larangan ng palakasan dahil bilang isang dating atleta, may espesyal siyang pagtingin sa mga kabataang mahilig sa larangan ng sports.

Tulad na lang sa lungsod ng Navotas, may 150 kabataang estudyante sa elementary at high school na may kakaibang kakayahan sa larangan ng palakasan ang pinagkalooban ni Mayor John Rey Tiangco ng scholarship sa ilalim ng Navotas Athletic Scholarship Program.

Bilang dating mahusay na manlalaro at kabilang sa Philippine Tennis Junior sa kanyang kabataan, kakaiba ang pagtingin ng alkalde sa mga kabataang estudyante ng lungsod na mahilig at may kakaibang kakayahan sa iba’t ibang uri ng palakasan.

Naniniwala ang alkalde na hindi lamang nakakaiwas sa iligal na droga kundi nahahasa din ang kakayahan at lakas ng pangangatawan ang isang estudyanteng mahilig sa sports at nagkakaroon din ng sariling disiplina at respeto sa kapuwa.

Ang bawat athletic scholar ng lungsod ay tatanggap ng kabuuang halagang P16,500 para sa kanilang pagkain at transportasyon at P1,500 para naman sa kanilang uniporme at gamit sa buong taon ng pag-aaral. Muli nila itong matatanggap sa susunod na taon kung magiging seryoso sila sa kanilang pagsasanay at magwawagi kahit ikatlong puwesto lang sa mga regional o national competition.
   
Kabilang sa mga athletic scholar ng lungsod ay mga bihasa sa table tennis, taekwondo, swimming, badminton, athletics, arnis at chess. Plano rin ni Mayor Tiangco na mabigyan ng scholarship ang mga mahuhusay din sa larangan ng sining dahil pangarap niyang magkaroon ng mga bantog sa larangan ng sining na kikilalanin, hindi lang sa buong bansa kundi sa buong mundo na nagmula sa lungsod ng Navotas.

SI JM NG QC
   
May naghahari-harian na palang sakla operator sa Quezon City sa katauhan ng isang alyas JM na walang bukang-bibig kundi ang pangalan ng isang mataas na opisyal ng Quezon City Hall at isang  opisyal ng District Special Operation Unit (DSOU).
   
Kahit daw kasi wala namang pinaglalamayang patay, pirmihang  inilalagay ni JM ang kanyang iligal na sakla sa mga lugar ng Baesa, Balintawak, Bahay-Toro, Sauyo, Sangandaan, Nepa Q Mart, Cubao at La Loma at ipinagmamalaki na may permiso na siya sa city hall. Ano? Sakla, may business permit? Hindi kaya nananaginip itong si JM? Lagot ka kay Mayor Herbert Bautista kapag nalaman ’yan.
   
Ang isa pa raw kinakaladkad nitong si JM ay ang pangalan ng hepe ng DSOU na si Supt. Rogart Campo gayung wala naman daw alam ang naturang opisyal sa kanyang iligal na gawain. Hindi raw magamit ni JM ang pangalan ni QCPD Director Senior Supt. Guillermo Eleazar sa takot na madamay siya sa kampanya laban sa iligal na droga.

LAGOT KAY MAYOR
   
Tama lang pala ang naging aksiyon ni Manila Mayor Erap Estrada na sibakin sa puwesto bilang officer-in-charge ng Manila South Cemetery si Marco Alonzo dahil hindi niya pala kayang sawatahin ang kanyang kaanak na isang alyas “Tabako” na nagtakda raw ng tara sa mga tricycle driver at caretaker na naghahanapbuhay sa loob ng kampo-santo.
   
Nagsumbong kasi kay Mayor Erap itong isang alyas “Amar” na inuutusan daw siya ni Tabako na kolektahan ng tig-P10 kada araw ang lahat ng mga tricycle driver na naghahatid ng pasahero sa South Cemetery habang P150 naman kada linggo sa mga caretaker na nagtitinda sa loob.
   
Kahit siguro labag sa loob ni Alonzo ang ginagawa ng tiyuhin, hindi niya ito makontrol sa hindi malamang dahilan kaya nang makarating ito sa kaalaman ng alkalde, minabuting alisin na lang sa puwesto ang OIC para hindi na rin makaporma ang kanyang tiyuhin. Ang ayaw na ayaw pa naman ni Mayor Erap ay ang kotongan ang maliliit na naghahanapbuhay.
   
Pero may isa pa sigurong dapat pagtuunan ng pansin ng alkalde sa aktibidad ni Tabako dahil may impormasyon naman na mga vendor naman daw sa labas ng Obrero Market sa Blumentritt ang tinatarahan ni Tabako.
   
Naku, malalagot na siya kay Mayor kapag hindi pa tumigil sa iligal na gawain at baka pati market master sa naturang pamilihan ay maapektuhan kapag nagalit ang alkalde.

* * *
   
Sa puna, sumbong at reaksiyon, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. mag-text sa 0915-6492023.