9,698 guests

Toni, dinugo bago um-attend ng preem ng pelikula ni Alex

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 661

Due nang manganak si Toni Gonzaga anytime sa panganay nila ni Direk Paul Soriano. 

Ayon sa ina niyang si Mommy Pinty nang makatsikahan namin last Tuesday night after the red-carpet premiere night ng My Rebound Girl (pelikula ng bunso niyang anak na si Alex Gonzaga opposite Joseph Marco), bago dumalo sa event ay nag-spotting na ang panganay na anak.

“Actually, kanina, nu’ng nandu’n kami sa EDSA Shangri-La Hotel para pumunta rito, nag-make-up-an sila ro’n, si Toni, nasa CR, sumigaw, ‘Mommy!’” kwento ni Mommy Pinty.
   
Nang i-check daw niya ang anak, nakita niyang may spotting (light bleeding) na ito na kadalasang nangyayari during pregnancy at kapag manganganak na.
   
Nag-panic na raw siya at sinabihan si Toni na huwag nang tumuloy sa premiere night at baka manganganak na ito.
   
“Tinawagan si Doc, sabi niya, ‘hangga’t hindi naman ikaw nagku-contraction, okay, pwede ka mag-attend, pero observe mo ’yan, ’pag nagsunud-sunod na (spotting), pumunta ka na sa hospital bukas.’”
   
Magkasamang dumalo ang mag-asawang Direk Paul at Toni sa premiere night para suportahan ang first starrer ni Alex.
   
Ang sabi raw ng doktor, baka manganak si Toni ngayong Biyernes. Siyempre pa, excited na ang lola. Unang apo nga naman, ’no!
   
Feeling nga raw niya ay magiging spoiled ang first grandson.
   
Samantala, nahingan din namin ng reaksyon si Mommy Pinty sa eksena sa My Rebound Girl kung saan ay magkatabi sa kama sina Alex at Joseph.
   
Biniro namin ang conservative na ina na may bed scene ang anak niya.
   
“Ay, tumabi lang naman,” natatawang depensa ni Mommy Pinty.
   
May eksena ring hinalik-halikan ni Joseph si Alex sa pisngi nang sunud-sunod.    Say ni Mommy Pinty tungkol dito, “At least, hindi sa lips!”
   
Ipinagpaalam naman daw sa kanya ’yung eksenang ’yun pero ang scene sa kama, hindi.
   
“Eh, 28 na rin naman siya, okay lang ’yun,” sey ni Mommy Pinty.
   
Kaya nga hindi na rin daw siya masyadong mahigpit kay Alex pagdating sa lovelife dahil nasa edad na ang anak.
   
Basta ang house rule lang niya kung lalabas ito ng bahay para makipag-date, dapat by 12 midnight, nakauwi na.
   
Asked kung ano ang masasabi niya sa movie, ani Mommy Pinty, “Aba, maganda! Feel-good movie, kilig movie, magandang rom-com movie!”

* * *

Sa My Rebound Girl pa rin, pinatunayan nina Alex at Joseph ang lakas ng kanilang chemistry. May kilig factor sila. No wonder, nagkaroon sila ng following sa Pure Love drama series, ang first team-up nila kung saan ipinanganak ang SephLex loveteam.
   
May feelings na ba sila for each other sa totoong buhay?
   
“Siya siguro,” sey ni Alex, sabay-turo sa katabing si Joseph.
   
Tinanong namin si Joseph at hindi makasagut-sagot ang aktor. Ang isinagot na lang niya, “Kasi ayaw masira ni Cathy (real name ni Alex) ang friendship namin.”
   
Ano naman ang nararamdaman niya habang pinapanood ang movie?
   
“Nahiya ako,” sey ng dalaga. “Parang nakaka-dyahe pala. Ewan ko, nahihiya lang ako. Nakakahiya pala. Kasi parang... siguro kasi, unang pelikula.”
   
Favorite part daw niya ang Baguio scenes.
   
Asked kung ano ang masasabi nila na katapat nila ang pelikulang Ang Babaeng Humayo ni Charo Santos-Concio, ayon kina Joseph at Alex, magkaiba naman ang genre ng mga pelikula.
   
“Parang artsy ’yun (Humayo), ito naman (Rebound Giirl), kung gusto mong mag-enjoy at tumawa. Ibang-iba,” sey ni Joseph.
   
Bukod sa family ni Alex at sa iba pang cast, dumalo rin sa premiere night ang mag-asawang Aiza Seguerra at Liza Diño, ang anak ni Kris Aquino na si Bimby, ang Regal matriarch na si Lily Monteverde at ang direktor na si Emman dela Cruz.
   
Nagbukas na sa mga sinehan ang My Rebound Girl kahapon.