5,694 guests

Sunshine, umaming nakikipag-date na sa iba

  • Written by Chit Ramos
  • Published in Showbiz
  • Read: 710

INAMIN ni Sunshine Cruz na 39 years old na siya ngayon at naka-move on na raw siyang tuluyan sa paghihiwalay nila ng action superstar na si Cesar Montano.

Lalong totoo raw na nakikipag-date na siya ngayon. “It’s about time!” aniya. “Kailangan ko namang mahalin ang sarili ko at siyempre, nakakikilig din kung may tumatawag-tawag na sa ‘yo at babati ng ‘good morning’ at ‘kumain ka na ba?’ lagi.”
   
Balitang nakakikilig ang kaguwapuhan ng suitor ngayon ni Sunshine. Hindi naging problema sa kanyang tatlong anak (all girls) ang pagbubuhay-dalaga ng kanilang Mommy. “They want me to be happy,” patuloy ni Sunshine. “Iyon na nga lang, kailangan kong maramdaman na hindi lamang ako ang mahal niya, kundi ang mga anak ko rin. Buy one take three,” pabirong wika ni Sunshine.
   
Pero sino namang lalaki ang hindi magkakagusto kay Sunshine? At her age, maganda, sexy pa rin at pagkaputi-puti. Isa sa mga katangian ni Sunshine ay ang maputi niyang kili-kili. Laging hinihiling ng mga kaibigan niyang sina Karla Estrada at Vice Ganda na itaas ang kanyang mga kamay para makita ng iba ang sinasabi nila.
   
Kahit pala noong bata pa si Sunshine, ganun na siya kakinis. Tinutukso tuloy siya noon na anak-araw ng mga kasama sa That’s Entertainment ng yumaong si Kuya Germs Moreno. At mahilig din daw siyang manood sa TV ng “Snow White” at “Cinderella.” “Ewan ko ba, pero hindi ko sila pinagsasawaang panoorin,” dagdag pa ni Shine.
   
“Balot na balot din lagi ang katawan ko noon. Kapag nagbibihis ang mga kasama kong babae, hindi na sila nagtatago pa. Kasi nga, pulos babae naman kami. Nagpapaiwan pa ako sa kuwarto at saka magbibihis,” ani Sunshine.
   
“Iyon na nga lang, nang gawin namin ang pelikulang ‘First time, Like A Virgin,’ sa Regal Films noon, nawala ang hiya ko. Bathing suit at bikini kasi lagi ang costume namin,” paglalahad niya.

PAGKIKITA NINA RAMON SR. AT BONG, MAKABAGBAG-DAMDAMIN

KAHIT bumabagyo at bumabaha noong Linggo (Sept. 25) ng gabi, hindi nagpaawat si former Sen. Ramon Revilla Sr. na batiin ang kanyang anak na si Bong Revilla sa kanyang 50th birthday sa loob ng PNP Custodial Center sa Camp Crame.
   
Sino ang hindi sisikip ang dibdib sa senaryong itinutulak si Ramon, Sr. sa kanyang wheelchair papasok sa masikip na pinto ng lugar na iyon? Palabas na kami nang masalubong namin ang matandang Revilla. Pilit niya kaming pinabalik sa loob. Tanging sa mga natatanging okasyon tulad ng kaarawan ni Bong kami nagkikita-kita at nagdarasal na sana’y matuloy na ang paglabas niya, ganundin ng bespren niyang si Jinggoy Estrada na naroon din ang buong pamilya tulad ng mga Linggong nagdaan.
   
Ito ang mga panahong kailangang-kailangan ng industriya ang tulong nina Bong at Jinggoy, lalo’t nalalapit na ang Pasko at ang Metro Manila Film Festival. Kabilang sila, higit sa lahat, ang nakakapagbigay-sigla sa taunang MMFF, bukod sa ABS-CBN, GMA at ilang indie producers.

MAYOR LANI, IBINUKO ANG PAGBABALIKAN NINA JODI AT JOLO

ON a lighter note, punong abala si Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla sa okasyon ng kaarawan ng mister na si Bong Revilla kung saan nag-reminiscing sila ng masasayang nakaraan.
   
Hindi naman nakaligtas si Cavite Vice Governor Jolo Revilla sa panunukso dahil nagkabalikan na raw sila ni Jodi Santamaria. Dumating kasi si Jodi sa asalto para sa kaarawan ng Dad ni Jolo.
   
No comment si Jolo, pero, sa kuwento ng Mom niyang si Lani ay mukhang doon na rin patungo ang relasyon nila ngayon. Mukhang nakabuti kina Jolo at Jodi ang break-up nila dahil lalo nilang napatunayan ang kahalagahan ng isa’t isa.
   
Hindi pa pala annulled ang kasal ni Jodi sa kanyang asawa. Pero, inaasikaso na rin nila ito ngayon, dahil, hindi na rin naman bumabata pa sina Jolo at Jodi.
   
Samantala, isa pang tikom ang bibig tungkol sa kanyang relasyon ay ang Kuya Bryan ni Jolo.
   
Magkaibigan lang daw sila ni Dionne Monsanto, dating Pinoy Big Brother housemate at napansin na  rin pagkatapos  ng mahabang panahon bilang magaling na kontrabida sa teleseryeng “Tubig at Langis” bilang kapatid ni Zanjoe Marudo.
   
“Hindi ba puwedeng nasa friend zone lang kami?” tanging sabi ni Bryan.