6,392 guests

Ikukulong si De Lima, palalayain sina Revilla at Estrada?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 665

GUSTO nating batiin si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., na nagdiwang ng ika-50 kaarawan kamakalawa.

Hindi man pinayagan na makalabas kahit pansamantala, dinalaw naman si Revilla ng mga taong tunay na nagmamahal sa kanya.

Sabi ni Ate Amy Manzo, media relations officer (MRO) ng senador, halos dalawang araw ang pagdagsa ng mga bisita kay Revilla.
   
Patunay ito na kahit anong paninira ang ginawa sa kanya at Senador Jinggoy Estrada tungkol sa isyu ng pork barrel scam, wala pa ring naniwala rito at pulitika lamang ang tunay na naging motibo ng nakaraang administrasyon.
   
Kung hindi kasi ginawa ng Aquino administration na sirain sina Revilla at Estrada, baka isa sa kanila ay bise-presidente na ngayon.
   
Nagtagumpay ang Liberal Party (LP) sa pagpapakulong sa dalawang senador, kasama noon si dating Senate President Juan Ponce Enrile, pero hindi rito matatapos ang kanilang ‘political career’ dahil sigurado ako sa mga susunod na eleksyon, makababalik sa Senado ang magkaibigang mambabatas.
   
Sa nakalipas na dalawang taon, napatunayan ni Senador Jinggoy ang sinabi nitong ‘selective justice system.’ Natapos na lang ang termino ni Aquino na pinakatamad na naging Pangulo ng bansa,  wala kahit isang kapartido nito sa LP ang ipinakulong.
   
Kahit sabihin nating mas may matibay na ebidensiya pa sa mga LP members kumpara kina Revilla at Estrada.
   
Pero marunong po talaga ang nasa Itaas dahil sigurado tayo sa mga susunod na buwan ay magkakaroon ng panibagong pagbabago sa takbo ng pulitika sa bansa.
   
Hindi ko sinasabing ‘guilty’ agad si Senadora Leila de Lima hinggil sa mga intrigang inaabot nito patungkol sa koneksiyon sa ipinagbabawal na gamot.
   
Alam kong bilang isang magaling na abogado, kaya ni De Lima na ipagtanggol ang kanyang sarili.
   
Kaya lang, malalim ang mga naglabasang detalye sa Congress inquiry kamakailan. Sigurado ako, sa darating na susunod na pagdinig ngayong Oktubre 5 ay lalo pang madidiin nang husto si De Lima.
   
May nagsabi na hanggang ‘Anti-Money Laundering Council’ ay na-trace na rin ng Duterte administration ang perang kinita o umikot sa pondo ng senadora.
   
Bigyan natin siya ng ‘benefit of the doubt,’ pero dito natin makikita ngayon kung paano siya ipagtatanggol ng Liberal Party (LP).
   
Naniniwala kasi ako na ‘ilalaglag’ at ‘iiwan sa ere’ ng LP si De Lima, bagay na dapat pakiramdaman ngayon ng babaing mambabatas.
   
Isa sa pangitaing ito ay nang hindi umalis sa ‘majority bloc’ ang mga LP senator sa kabila ng ginawang pagsipa kay De Lima bilang chairman ng Senate Committee on Justice.
   
Dapat, kung ako kay De Lima ngayon, mag-iisip na ko nang husto.
   
Iyong tipong ikonsidera niya ngayon ang ideya na hindi man tigilan ang imbestigasyon tungkol sa extra-judicial killings (EJKs) ay panahon naman sigurong ituro na rin nito kung sinu-sino pa sa Malakanyang noon ang ‘patong’ sa ipinagbabawal na gamot.
   
Puwede naman niyang ituro sina dating Executive Sec. Jojo Ochoa kung may nalalaman itong koneksyon sa ipinagbabawal na gamot.
   
Si Ochoa kasi, bukod sa naging palpak na pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na may pondong P2.5 billion, ang binigyan ng listahan noon ni dating PDEA chief ret. Gen. Dionisio Santiago.
   
Ang listahan na iyon na hawak ngayon ng Pangulong Rodrigo Duterte ay binalewala lamang ni Ochoa noon dahilan para mahigit sa tatlong milyong Filipino ang adik sa Pilipinas ngayon.
   
Iyan ay kung may alam nga si De Lima laban kay Ochoa, pero kung wala naman, mag-isang haharapin nito ang mga isyung ibinibintang sa kanya.
   
Nag-piyesta nga pala sa social media kamakailan ang ilang makadilaw. Marami raw ang nagpasalamat sa pagbukas ng bagong Skyway na nagdudugtong sa NAIA at Macapagal Blvd., pero wala man lang ang nakaisip sa kanila na si PNoy din ang dapat sisihin kung bakit dumami ang adik at naging talamak ang ipinagbabawal na gamot sa nakalipas na anim na taon.
   
Take note, hindi basta marami  at hindi basta talamak kundi mahigit tatlong milyong Pinoy ngayon ang gumon sa ipinagbabawal na gamot.
   
Isang source ang nagsabi sa akin na malapit nang makalabas sina Revilla at Estrada.
   
Kung sakali, magiging baligtad na ngayon ang sitwasyon dahil si De Lima na dating Justice secretary ang nag-imbestiga at nagdiin kina Revilla at Estrada.
   
Ito ang nagsampa ng kaso at nagpakulong sa kanila.
   
Hindi malayong habang papalabas ng kulungan ang magkakosang senador ay siya namang papasok sa bilangguan si De Lima.
   
Ang tanong na lang ngayon kung magpapang-abot din si De Lima at Atty. Gigi Reyes, chief of staff ni Enrile, na isinangkot din sa pork barrel scam.
   
Nakakulong po ngayon sa Bureau of Jail Management and Penology Female Dormitory sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City na sigurado kong makalalaya na rin sakaling palayain na sina Revilla at Estrada.
   
Ayaw kong gamitin ang salitang ito, pero sigurado na marami sa mga supporter nina Revilla, Estrada at Enrile ang magsasabing kanya-kanyang ‘karma’ lang ’yan!
   
Happy birthday po uli, Senator Bong at goodluck na rin kay Senador Jinggoy.
   
Miss na po kayo ng mga beterano sa Senate media!