8,031 guests

Tuloy ang laban para sa ‘FOI’

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 229

BAGO ang lahat, binabati muna natin ng ‘advance happy birthday’ ang matagal nang kaibigan na si ‘ex-SOLCOM commanding general’ Roland Detabali sa kanyang kaarawan sa darating na Setyembre 21.

Happy birthday ulit, Sir, at salamat sa iyong imbitasyon! Darating ako kaya, pakihanda na ang ‘the usual’ na malamig na ‘San Mig Light,’ hehehe!

Si Gen. Roland na ang bagong “bosing” sa ‘OSAA’ (Office of the Sergeant-At-Arms) sa Kongreso, kaya, mula sa pagiging “kumander” ng libu-libong sundalo sa buong Southern Luzon, kumander naman siya ngayon… ng mga “sikyo” sa Kongreso, hehehe!
   
Sa kanyang kapanahunan sa Solcom ay ‘sandamakmak na rin ang mga naisulat kong artikulo hinggil sa naging ‘accomplishments’ ni Gen. Roland ng PMA ‘Makatarungan’ Class of 1978 kaya hindi na natin uulitin dito.
   
“Maliban” ’yung bahagi na “siya” ang “paboritong kaaway” noon ni Melito Glor Command chieftain (at kaibigan din natin) na si Tirso ‘Ka Bart’ Alcantara. Si Gen. Roland ang Solcom chief nang mahuli ng military sa Lucena City si Ka Bart noong Enero 2011.
   
Kumbaga, ilang taon bago pormal na nagretiro sa serbisyo, una na munang “pinagretiro” ni Gen. Roland si Ka Bart, hehehe.
   
Muli, salamat Gen. Roland at hindi ka pa rin “nakakalimot” sa paglipas ng panahon! Mabuhay ka!
 
At siyempre, ‘advance happy birthday’ din kay ‘Mommy’ Tess Lardizabal.

* * *   

Kahapon ay kasama ang inyong lingkod, bilang pangulo ng National Press Club (NPC) sa mga kinatawan ng media sa bansa na naging ‘resource person’ ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa pangunguna ni Sen. Grace ‘Ate Grace’ Poe.
   
Tinalakay kahapon ang mga “binuhay” na panukala hinggil sa pagsasabatas ng ‘Freedom of Information (FOI) Law’ na umabot na pala ngayon sa 13 panukalang batas.
   
Aprub sa atin ang argumento ng mga senador na bagaman nga mayroon na ngayong ‘Executive Order’ (EO) No. 2 hinggil sa ‘FOI’ para sa ehekutibo, kailangan pa rin talaga ang mas kumprehensibong batas para dito.
   
‘In fairness’ wika nga, kay Sen. Grace at sa ilan sa ating  mga mambabatas katulad nina Sen. JV Ejercito, Sen. Sonny Angara at Sen. Joel Villanueva, hindi lang natin nakikita, bagkus, “nadarama” natin ang kanilang sinseridad na maisabatas ang panukalang ito na pumasa naman noon pang Marso 2015 sa Senado.
   
’Yun nga lang, alam din ng lahat na sa isyu ng FOI ay masyadong “ipokrito” si Pang. Noynoy Aquino -- ‘press release’ lang ang kanyang sinasabi na pabor siya dito -- kaya nga pagdating sa Kongreso, “natulog lang ito sa pansitan” at hindi naaprubahan hanggang magtapos nitong Hunyo ang ika-16 na Kongreso.
   
Sa panig ng NPC, kaisa tayo sa sinasabi ng ilan pang ‘panelists’ na isa sa mga dapat na “busisiin” ng Senado pabor sa FOI ay ang sandamakmak naman na ‘exceptions’ na inilagay ng mga “bataan” ni Pang. Rody sa EO No. 2 na umaabot sa kabuuang 166 ‘restrictions.’
   
Banggit ko nga sa isang kaibigan sa Palasyo nang malaman natin ito, “mas mabuti” pa na hindi na lang naglabas ng EO para sa FOI si Pang. Rody kung pulos ‘exceptions’ din naman pala, hindi ba mga kabayan?
   
‘But to be fair’ wika nga, sa pamamagitan ng ‘committee secretariat’ nabigyan tayo ng kopya ng mga exceptions ng EO No. 2 kung saan nakita natin na lumalabas na ‘compilation’ lang pala ito ng mga samu’t saring exceptions mula sa mga umiiral na mga batas at regulasyon sa lahat ng sangay ng pamahalaan kasama na ang ‘proposed exceptions’ ng mga “nakabitin” na panukalang batas sa Kongreso hinggil sa FOI.
   
Kumbaga, “tumpak” naman pala ang sinasabi ng tanggapan ni Sec. Martin Andanar na ‘not yet final’ ang exceptions na ito at patuloy pa ring “hinihimay.”
   
Kumbaga ulit, hindi naman pala “nambobola” ang ‘Palasyo ni Digong’ na kaya halos dalawang buwan na ngayon matapos ilabas ni Pang. Rody ang EO No. 2 noong Hulyo, wala pa rin ang “IRR” (implementing rules and regulations) nito.
   
Higit pa sa mga kasapi ng media, dapat lang maunawaan ng ating mamamayan na ang FOI, sa dakong huli, ay “para sa kanila,” para sa kanilang impormasyon, para sa kanilang ‘empowerment’ dahil nga, ‘knowledge is power.’
   
Sa pagsisikap ng Senado na “tapatan” ang sinseridad ni Pres. Rody hinggil sa FOI, dapat lang natin itong suportahan, mga kabayan. Olrayt!!