8,835 guests

Kinati!

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 423

Joseph, nagparaya kay Alex sa location shoot

... aktor, mixed signals ang pagpaparamdam sa aktres

Tawa nang tawa ang entertainment press kahapon sa grand presscon ng My Rebound Girl sa kwentong “kati” ng mga bidang sina Alex Gonzaga at Joseph Marco.

May nangyari raw kasi sa shooting kung saan ang eksena ay tinatapak-takan nila ang coffee beans dahil sa kwento ay ginagampanan ni Alex ang papel na may-ari ng coffee shop at si Joseph naman ay may coffee farm.
   
May nahalo raw yatang higad sa coffee beans kaya kinati talaga nang husto ang mga paa nina Alex at Joseph.
   
Dito nakita ni Alex kung gaano ka-gentleman si Joseph.
   
“Nasa Benguet kami, super nangati ang paa namin. So, lahat nagbibigay sa amin ng rescue, ng tubig, ng sabon. Ako lahat ang pinauna ni Joseph, siya, tiniis niya ’yung kati. ’Di ba, ang bait niya?” kwento ni Alex.
   
Sabi naman ni Joseph, “Iba talaga, intense ang kati nu’n, but of course, sino ba naman ang hindi mag-a-adjust, ’di ba? You’re my girl,” sabay-tingin kay Alex.
   
Ano ang ginawa ni Marco para maalis ang kati sa paa ni Alex?
   
“Hindi ko pinakamot, eh. Kasi ’pag kinakamot, lalong kakati. So, hinataw-hataw lang niya. Tapik-tapik,” sabi ni Alex.
   
Nagtatawanan ang press kaya tanong ng aktres, “Ba’t kayo natatawa?”
   
Tinanong naman si Joseph kung ano ang ginawa ni Alex nu’ng nangangati ang paa niya at sagot ng aktor, “Ayaw niya ring ipakamot sa akin, so, tiniis ko na lang ang kati hanggang sa napigilan ko siya. Kaya tinawagan ko siya para sabihing huwag niyang kamutin dahil mawawala rin naman ang kati.”
   
Hahaha!
   
Anyway, halata sa mga tinginan nina Alex at Joseph na parang nagkakamabutihan na sila kaya natanong sila kung sila ba ay nagkaka-develop-an na o may ligawan bang nangyayari.
   
Ayon kay Alex, hindi niya maintindihan kung nanliligaw ba sa kanya si Joseph or what.
   
“For the record, hindi ko rin alam, kasi hindi ko rin alam kung talaga bang nagpaparamdam siya or talaga bang seryoso siya. Yes, mixed signals.
   
“Actually, hindi naman mixed signals, pero may time na parang feeling ko, oo,” pag-amin ni Alex.
   
Hanggang saan ang pagpaparamdam ni Joseph?
   
“May time na may mga ibinibigay siya sa akin, may ibinigay siya sa akin, touched na touched ako talaga, noong Valentine’s Day, binigyan niya ako ng bracelet. Terno kami,” pahayag pa ng dalaga.
   
Minsan naman daw, nagkaroon ng parade ang daddy niya dahil nga nangampanya ito noong eleksyon.
   
“So, kailangan ko ng mga kaibigan. Si Joseph no’n, isang text ko pa lang, nag-go na agad siya,” sey pa ni Alex.
   
Pero ayaw daw niyang mag-assume ng kung anuman.
   
“Siguro ’pag pumunta na si Joseph sa bahay ko nang unannounced, ’yun,” she said.
   
Kaya natanong si Joseph kung ano ba talaga, balak ba niyang manligaw or what.
   
“Ayoko kasing pilitin. I mean, gusto kong maging natural siya. ’Yun nga, sabi ni Alex, I really tried before, pero feeling ko, ’yun nga, nu’ng time na ’yun, hindi pa kami ready na dalawa.
   
“So, you’ll never know, nandiyan lang naman si Alex, you know, I’m single,” sey ni Joseph.
   
Dati nang nagkasama sina Alex at Joseph sa seryeng Pure Love at doon nagsimula talaga ang kanilang pagkakaibigan.
   
May kakaibang chemistry din sa tambalan nila at siguro nga, isang dahilan ay may attraction pala silang nararamdaman sa isa’t isa.
   
So far, biggest break nila pareho sa pelikula ang My Rebound Girl na talagang sila ang bida. Nagkaroon na sila ng ibang movies dati, pero hindi talaga sila lang ang lead.
   
Under Regal Films, showing na sa Sept. 28 ang My Rebound Girl mula sa direksyon ni Emmanuel dela Cruz.
   
Kasama rin sa movie sina Martin Escudero, Nathalie Hart, Carl Guevarra, Alora Sasam, Anna Vicente at marami pang iba.