4,792 guests

Eleazar: Walang tigil ang operasyon ng QCPD

  • Written by People's Tonight
  • Published in Nation
  • Read: 173

TULUY-TULOY ang mapangahas na operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Acting District Director, Police Senior Superintendent Guillermo Lorenzo T. Eleazar.

Nito lamang nakalipas na linggo, dalawang malaking pagsalakay ang isinagawa ng QCPD.

Kabilang na dito ang Oplan Galugad na isinagawa ng mga operatiba ng Talipapa Police Station sa pangunguna ni Supt. Danilo Mendoza sa loob ng Salaam Compound sa Bgy. Culiat sa Quezon City na humantong sa pagkakadakip ng 72 katao.
   
Ayon kay Senior Supt. Eleazar, mismong ang mga opisyal ng barangay at residente sa lugar ang nagbigay ng impormasyon kaugnay ng nagaganap na illegal drug activities sa Mujahaydin St. sa Salaam Compound.
   
Nabatid na ginagawa palang drug den ang sinalakay na lugar.
   
Notoryus ang nasabing lugar sa iligal na droga, at hindi ito madaling mapasok dahil naging pugad na ito ng mga adik na ang marami pa nga ay dayo at galing pa sa ibang lugar.
   
Pero kahit pa itinuturing na “impenetrable” o “untouchable” mula sa mga otoridad ang nasabing lugar, mapangahas pa rin itong sinalakay ng QCPD.
   
Gayunman, ang masaklap para kay Eleazar, lima sa mga naaresto ay mga menor de edad na mula 13 hanggang 17 taong gulang.
   
Ang isa pang pagsalakay ay isinagawa ng QCPD katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bgy. Pasong Tamo, partikular na sa tatlong bahay na nasa McArthur Avenue na ginagawa ring drug den.
   
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng 34 katao, pero ang masaklap, gaya ng tinuran ni Senior Supt. Eleazar, tatlong menor de edad ang kasama sa mga naaresto.
   
Dahil sa dami ng mga naaresto sa dalawang pagsalakay, aminado si Eleazar na siya ay naaantig na makitang nasasayang ang buhay ng mga guma­gamit ng iligal na droga.
   
Aniya, kahit silang mga pulis na sanay o bihasa nang makakita ng mga lulong sa droga, hindi pa rin maiwasan na sila ay makaramdam ng habag at galit.
   
Habag dahil siya ay naaawa sa kinasapitang buhay ng mga gumon sa droga na tila aniya mga zombie na ang mga itsura, at galit dahil ipinapakita lamang ng dalawang operasyon kung gaano na talaga kalala ang idinulot ng pamamayagpag ng mga sindikato ng mga iligal na droga.
   
“Sa mga hindi naniniwala dati sa sinasabi ni Pangulong Duterte kung gaano kalala ang problema sa iligal na droga, ito po ngayon ang pruweba -- itong resulta ng isang operation lang, na kung saan 72 ang huli. Kung titingnan mo sila parang mga zombie. Maaawa kayo sa kalagayan nila,” deklara ni Sr. Supt. Eleazar.
   
Isa aniyang malaking kabalintunaan na habang nagpapakasarap sa ma­ginhawang pamumuhay ang mga drug lord dahil sa malaking pera na kanilang kinikita mula sa iligal na droga, ang mga drug user naman ay halos napagkakaitan na mabuhay na bilang tao.
   
Idagdag pa aniya ang masaklap na sinasapit ng mga nabibiktima ng mga adik na nakakagawa na ng krimen dahil wala na sa katinuan at hindi na tuwid mag-isip bunsod ng epekto ng droga.
   
Pero punto pa ni Sr. Supt. Eleazar, kasama sa positibong idinudulot ng kampanya laban sa iligal na droga, ito ay ang pagbuhay sa diwa ng civic duty ng mamamayan.
   
“This operation again highlights the value of civic spiritedness and support for your police, without which we cannot be fully effective,” ang pahayag ni Sr. Supt Eleazar.
   
Partikular ding nais na pasalamatan ni Sr. Supt. Eleazar ang mga opisyal ng barangay sa Culiat, Quezon City, at ang mga community leader duon na aktibong nakikipagtulu­ngan sa mga otoridad.
   
“I highly commend Bgy. Chairman Vic Bernardo and the tribal leaders in the Salaam compound for pinpointing these undesirable people. They should be emulated by other community officials and leaders to keep our city free from criminal invaders out to endanger them. I also congratulate PS-3 Commander and his operatives for their successful efforts in fostering close ties to the community. The result of this operation is due to their community oriented approach to law enforcement,” ang saad ni Sr. Supt. Eleazar.