6,531 guests

‘State of Lawless Violence’, ’wag katakutan!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 1044

TULAD ng inaasahan, may ilang indibiduwal pa rin ang pilit nagbibigay ng maling kuru-kuro tungkol sa idineklarang State of Lawless Violence (SLV) ng Pangulong Duterte, ilang oras matapos ang Davao incidents bombing.

Hindi naman talaga lahat ay makukumbinsi ng Presidente at hindi lahat tayo ay may matinong pag-iisip.

Kahit sinong dekano at magagaling sa batas ang tanungin, walang nilalabag na batas o probisyon sa Konstitusyon ang SLV ng Presidente.
    
Tulad ng sinabi ko noong nagdaan nating kolum. Iba ito sa State of Emergency at lalong hindi ito Martial Law.
    
Uulitin ko, hindi tayo eksperto sa batas pero sa simpleng depinisyon, ang SLV po ay lalo lang pagpapalakas ng puwersa ng mga awtoridad, higit lalo ang matinding pagtulong ng Hukbong Sandatahan sa ating Pambansang Kapulisan.
    
Ito namang si Presidential Legal Adviser Salvador Panelo na sa halip ipaliwanag ‘on layman’s term,’ parang gusto pa nitong paypayan ang nagbabagang apoy para lumaki ang isyu ng SLV.
    
Sabihin ba namang kahit hindi pa nagaganap ang pagpapasabog sa Davao City Night Market ay ipalalabas na rin umano ni Digong ang SLV.
    
Naturalmente, todo paypay uli ang mga kritiko ni Duterte na nagsabing gobyerno mismo ang may pakana ng pagpapa­sabog para i-justify ang pagpapalabas ng Martial Law.
    
Hindi ko masisisi ang ilan na magkaroon ng ‘phobia’ sa Batas Militar, lalo na ’yung mga biktima nito, pero sana naman, idaan nila sa tamang lugar at tamang diskusyon ang pagpapaliwanag sa tunay na laman ng SLV.
    
Sa halip kasing maka­tulong ang mga pulpol na kritikong ito, dinadagdagan lamang nila ang pangamba ng ilan nating kababayan.
    
Sa press conference ni Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kahapon ng tanghali, inamin nito na naideklara na rin niya ang SLV noong nakapuwesto pa siya sa Malakanyang.
    
Ibig sabihin, hindi na ito ang unang pagdedeklara ng SLV at naipatupad ito nang walang pang-aabuso sa karapatang pantao.
    
Maging si Senador Chiz Escudero na miyembro ng minority sa Senado ay hindi nagbigay ng pagaalinlangan sa SLV. Karapatan aniya ng kahit sinong Pangulo na ideklara ito at lalong malayo na mag-ala Martial Law ang ating bansa.
    
Sabi pa ni Chiz, kahit ang Martial Law ngayon ay ‘toothless’ na rin at walang pangil dahil kahit anumang probisyon sa Saligang Batas ay hindi ito pinapayagan.

Alalahanin sana natin na 15 katao ang nasawi at 70 pa ang nasugatan. Kagimbal-gimbal ito dahil malaki ang posibilidad na maulit ito hindi lamang sa lungsod ng Pangulong Duterte kundi sa iba pang panig ng bansa.
    
Ang ginagawang ‘panggugulo’ ng mga kritiko ni Duterte ay lalo lamang nagpapalakas ng loob sa mga terorista dahil para na rin nilang binibigyan ng permiso ang mga ito na maghasik uli ng lagim.
    
Sana sa halip na mag­ngangawa sa social media, magtungo na lang sila sa Supreme Court para malinawan nang husto ang mga parametro ng SLV.
    
Tutal, kahit anong paliwanag siguro ang gawin sa kanila ng mga eksperto ay bingi pa rin sila at wala na ring ipinag-iba sa mga sindikato ng droga at bandidong Abu Sayyaf Group para ipahiya ang Presidente ng bansa.