4,969 guests

Malaking tulong ng Pangulo sa mga bayani!

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 279

KAMAKAILAN lang ay nagkaroon ng munting salu-salo sa Heroes Hall ng Malakanyang ang Pangulo at 64 sugatan na sundalo na nagpapagaling sa AFP Medical Center. Nagbigay din siya ng tulong sa ating mga bayaning kawal gaya ng pagbigay ng laptops, wheelchairs, at libreng bigas na dagdag pa sa kanyang ipinangakong halos walong bilyong piso na tulong sa pamilya ng mga sundalong sugatan o napatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

* * *   

Nand’yan rin ang ating Overseas Filipino Workers o OFW na mga bayani din ng ating bansa dahil sa kanilang mga “foreign currency remittance” na s’yang “katas” ng kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa. Laman sa mga balita ngayon ay ang ating mga kababayan sa Saudi Arabia na nawalan ng hanapbuhay dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng langis!
   
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration, mayroong 9,000-11,000 nating kababayan ang nawalan ng trabaho. Mayroon sa kanila ay nakakaawa ang sitwasyon dahil bukod sa nawalan na sila ng trabaho ay hindi pa sila nabibigyan ng sweldo ng ilang buwan! Kaya karamihan sa kanila ay nahihirapang umuwi ng Pilipinas dahil wala silang pambili ng tiket sa eroplano!
   
Buti na lang at nakapagbigay ng financial assistance ang ating Overseas Workers Welfare Office o OWWA sa iilan nating mga kababayan. Ang unang 24 na katao na nabigyan ng nasabing financial assistance ay nakauwi na ng Pilipinas para naman makapiling na nila ang kanilang pamilya at makapaghanap na sila ng maayos na trabaho!

* * *   

Akmang-akma itong ginawang pagbibigay ng tulong ng ating Pangulo sa ating mga bayani, lalung-lalo na at ginugunita natin ang National Heroes’ Day! Makikita natin ang respeto na ibinibigay ng ating Pangulo sa mga kababayan natin na inialay ang kanilang buhay hindi lamang para sa kanilang mga sariling pamilya kundi para na rin sa bayan.
   
Nasasalamin ng ating Pangulo ang sentimyento ng mamamayang Pilipino, kaya nga ang turing natin sa kanya ay “The People’s President!”

* * *   

Sana matulungan din ng ating pamahalaan ang pamilya ng 15 sundalo na namatay matapos makipagsagupaan sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu. Naging kontrobersyal po ang isyung ito dahil sa nag- “text message” pa raw ang isang bandido sa nanay ng isang namatay na kawal at sinabing patay na ang kanyang anak!
   
Tila yata hindi na tao ang mga kawatan at mamamatay-tao na mga ito at wala naman silang pinaglalaban na prinsipyo. Kaya tama lang nang idineklara ng Pangulo na kailangang tuluyang nang tugisin ng ating mga sundalo ang mga Abu Sayyaf na ito!

* * *   

Maganda itong panukala ng Department of Trade and Industry, Department of the Interior and Local Government at ng bagong opisina na Department of Information and Communications Technology na hindi lalampas ng dalawang araw ang pagproseso ng “business registration” ng mga negosyante sa buong bansa!
   
Dagdag pa dito, hindi daw dapat lalagpas sa tatlong hakbang ang dadaanang proseso ng mga negosyante upang maayos ang kanilang rehistro, at dalawang “signatories” lamang ang kailangan para hindi na mas matagalan ang pagproseso ng mga papeles!
   
Malaking tulong po ito sa mga negosyante para mabawasan na rin ang tinatawag na “red tape” sa ating mga local government unit.
   
Ito kasing “red tape” na ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng katiwalian at kriminalidad sa ating mga tanggapang-gobyerno. Imbes na hintayin nang maayos ang pagproseso ng mga papeles ay nanunuhol na lang ang ibang tao para mapabilis ang “processing” ng kanilang mga dokumento. Ang problema din, mas dumadami na ’ata ngayon ang tumatanggap ng suhol dahil alam nila na nagkakaroon ng ganitong kalakaran sa loob ng kanilang opisina!

* * *  

Kung mas maigsi ang proseso, mas mawawalan ng tsansa na maka-“diskarte” ang mga tiwali! Mas bubuti ang imahe ng gobyerno kung alam ng mga tao na walang nangyayaring lagayan sa loob ng mga tanggapan.
   
At ang pinakamahalaga, mas giginhawa ang buhay ng ating mga negosyante at dahil nakita nila na maayos ang pagproseso ng mga papeles ay gaganahan din ang ibang mga tao na magbukas ng negosyo!