20,213 guests

Si Duterte ang batas!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 247

MULA’T mula ay kaisa tayo ng mahigit sa 16 milyon Pilipino na bumoto kay Pangulong Rodrigo Duterte na umaasa at naniniwalang siya lamang ang nagiisang kandidato noong nagdaang halalan na may malinaw na kampanya kontra kriminalidad at ipinagbabawal na gamot.

Overwhelming ang pagkakapanalo ni Digong.

May nagsasabing nabawasan pa ang boto nito dahil may nagtangka pang mandaya, tulad nang sinapit ni Vice-Presidential candidate Bongbong Marcos.

Ang nakamit na boto ni Digong, kumpara sa mga katunggaling sina dating Vice-President Jejomar Binay, Senadora Grace Poe at DILG Sec. Mar Roxas ay patunay na sukang-suka ang taumbayan sa mga ‘bulok na pangako’ ng mga Trapo (traditional politicians).
    
Protest votes din kung ituring ang botong nakuha ni Duterte. Protesta at pagpapakita ng dismaya ng taumbayan sa nakalipas na Aquino administration na numero unong bumaluktot sa ipinangako nitong tuwid na daan.
    
Magtatatlong buwan na ang Duterte administration.
    
Sa maikling panahong ito, nakita’t naramdaman agad ng taumbayan ang ipinangakong pagbabago ng ‘Dirty Harry’ ng Davao City.
    
Oo’t nariyan pa rin ang malalang trapik sa Kalakhang Maynila, Metro Davao at Metro Cebu, pero kabi-kabila naman ang napapaulat na napapatay na kriminal na karamihan ay mga pinaghihinalaang tulak ng ipinagbabawal na gamot.
    
Wala tayong hawak na eksaktong datos ngayon mula sa Philippine National Police (PNP) pero hindi na siguro kailangan pa ng tunay na numero kung bumaba ba talaga ang krimen at naging mas safe ba ang mga kababayan natin sa lansangan ngayon.
    
Hindi na natin kaila­ngan pagdudahan ito dahil kahit sino ngayon ay magsasabing mukhang mas ligtas ngang maglakad sa kalsada ngayon.
    
Ang nakatatakot lang ay ang  walang patumanggang pagpatay sa mahihirap na pinagbibintangang tulak ng iligal na droga.
    
Nakatatakot din isipin na baka sabayan ito ng masasamang elemento para lamang pumaslang ng sinuman saka nila hahagisan ng ‘card board’ ang kanilang pinapatay at sasabihing sila’y mga drug pusher.
    
Aminin o hindi, posible at malamang na mangyari ito kaya dapat maging maingat at sensitibo tungkol dito si PNP chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
    
Hindi perpekto ang ating kapulisan para sa ‘immortal’ sila na hindi magkamali sa mga ginagawa nilang pagganap sa tungkulin.
    
Isang pagkakamali na posibleng mapunta sa pang-aabuso na kinatatakutan ng lahat.
   
Kamakalawa ay sinalakay ng mga operatiba ang bahay ng mga Parojinog sa Ozamis City. Sila ang pamilya ng mga politikong sangkot din daw sa ipinagbabawal na gamot.
    
Gayunman, ang resulta ng raid ay hindi masyadong naging posi­tibo. Nakatakas kasi ang angkan ng mga Parojinog at mangilan-ngilang droga at matataas na kalibre ng baril lamang ang nakuha sa kanila.
    
Ang sabi, naamoy agad ng pamilya Parojinog ang pagsalakay na gagawin ng mga awtoridad kaya raw sila nakatakas.
    
Sayang ang ganitong uri ng ‘accomplishment’ dahil sa ganito kalalaking operasyon uhaw ngayon ang taumbayan.
    
Naghihintay pa rin ang taumbayan na makarinig, makapanood at makabasa ng balitang may malalaking isda na nahuhuli at napapatay ang Duterte administration.
    
Pero ayaw nating pa­ngunahan ang tambalang Digong at Bato dahil tulad ng nasabi ko, nagtitiwala tayo sa kanilang kakayahan.
    
Sana lang, sa mga susunod na araw, mga malalaking isda na ang iprisinta nila sa media nang mawala na ang agam-agam na maliliit at mahihirap na pushers lamang ang kaya nilang patayin.
    
Naniniwala akong magle-level up na rin ng kanilang kampanya sina Digong dahil may kumukuwestiyon man ngayon sa paglabag at pag-abuso sa karapatang pantao, mayorya ng Pilipino pa rin ang umaasa ng tunay na pagbabago.
     Mangyayari iyan dahil ang tunay na batas ngayon ay si Duterte mismo!