6,272 guests

Duterte: Dapat ubusin ang Abu Sayyaf!

  • Written by Bebot A, Villar JR.
  • Published in Opinion
  • Read: 244

BINABATI natin si Secretary Benjamin P. Reyes sa kanyang pagkakahirang bilang bagong Chairman ng Dangerous Drugs Board o DDB! Si Secretary Reyes ay matagal na pong naglilingkod sa ating bayan sa larangan ng paglaban sa salot ng iligal na droga. Bago po s’ya itinalagang Secretary ay naging Head s’ya ng Drug Abuse Prevention and Treatment Program (DAPTP) ng Department of Health (DoH) bago naging Deputy Executive Director for Operations na may ranggo bilang Assistant Secretary ng DDB sa loob nang halos limang taon.

Noong tayo po ay naging Chairman ng DDB ay nakatrabaho natin si Secretary nang s’ya ay nasa DoH pa lamang at nang naging Assistant Secretary ng DDB. Kaya naging patunay na rin ang inyong lingkod na hindi talaga matatawaran ang kanyang kakayahan at karanasan sa isyu ng iligal na droga!
   
Maliban pa sa kanyang kaalaman ukol sa isyung ito na s’yang prioridad ng ating mahal na Pangulo, napakasipag at napaka­buting tao ng ating bagong Secretary kaya nakakaseguro po tayo na “in good and able hands” po ang DDB sa pamamatnubay ni Secretary Reyes!

* * *
   
Maganda po ang kalakaran ng “peace talks” na ginanap sa Oslo, Norway dahil pinalawig pa ng National Democratic Front o NDF ang “unilateral ceasefire” na matatapos sana noong ika-27 ng Agosto. Sa tingin ko po ay isang mabuting paraan ng pagpapahayag ito ng NDF ng kanilang sinserong pakikipagusap sa ating pamahalaan.
   
Halos limampung taon na po ang bangayan sa pagitan ng ating pamahalaan at ng rebeldeng Komunista. Marami na pong kababayan natin ang namatay at pamilyang mga nawalan ng tirahan dahil sa kaguluhang ito. Minsan po ay mga magkakapatid ang magkakaaway dahil sa magkakaibang ideolohiya!
   
Dahil din sa kaguluhang ito, imbes na gamitin ang kaban ng bayan upang tulungan ang ating mahihirap na mga kababayan ay napupunta ito sa pagbili ng mga armas, bala at iba pang kasangkapang pang-militar!
   
Sana po ay tuluy-tuloy na ang maayos na usapan ng dalawang grupo para matapos na ang kalahating-siglo na kaguluhang ito at tuluyan nating makamit ang kapayapaan sa ating bansa.

* * *
   
Kung tayo ay nakiki­pagusap sa NDF ay ubusin “up to the last man” naman ang pahayag ng ating Pangulo laban sa mga bandidong Abu Sayyaf! Kaya kamakailan lang ay humigit kumulang 22 bandido ang napatay ng ating mga sundalo habang isinasagawa nila ang kanilang operasyon sa Patikul, Sulu.
   
Sa palagay ko po ay hindi na asal-tao itong mga bandidong ito dahil pinupugutan nila ng ulo ang kanilang mga biktima kung hindi sila napagbibigyan sa kanilang “ransom demand!” Wala naman pong pinaglalaban na prinsipyo ang mga taong ito, at nais lang nila kumita ng pera sa iligal na paraan gaya ng mga ordinaryong kriminal!
   
Tama din po ang binanggit ng ating Pa­ngulo na ang mga tero­ristang grupo gaya ng Abu Sayyaf ay magiging malaking banta sa seguridad sa ating bansa sa mga susunod na taon, dahil pwede silang gawing “stepping stone” sa ating bansa ng malalaki at maperang pandaigdig na mga terorista gaya ng ISIS!

* * *
   
Sa okasyon ng National Heroes’ Day ay nabanggit ng ating Pangulo ang pagbigay ng halos limang bilyong piso para sa mga naulila ng ating mga kawal! Idagdag pa diyan ang isang bilyong pisong ibibigay sa mga retiradong sundalo!
   
Ang ating mga sundalo ay tunay na mga bayani at hindi dapat maka­limutan ng sambayanan ang kanilang inialay na pawis, dugo at buhay para sa ating bayan. Malaking sakripisyo po para sa kanila ang mawalay sa kani-kanilang mga pamil­ya para karamihan po sa atin ay maginhawang nabubuhay sa ating mga pamayanan.
   
Kaya saludo po tayo sa ating mga bayaning kawal ng ating bansa!

* * *
   
Mayroon daw panukala na taasan ang buwis sa mga produktong “unhealthy” gaya ng junk foods at softdrinks! Kasunod ito ng mga naunang “sin tax” na ipinataw sa sigarilyo at alak noong nakaraang administrasyon.
   
Suportado po natin ang planong ito upang magkaroon naman ng regulasyon sa mga produktong ito. Wala pong nadudulot na mabuti ang mga produktong ito sa ating kalusugan kaya tama lang din na patawan ito ng mas mataas na antas ng buwis kagaya ng sigarilyo at alak!