6,401 guests

NBI Director Gierran: Barilin si Nory Ega!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 368

GALIT na ipinag-utos ni National Bureau of Investigation Director Dante Gierran (NBI) na hulihin at barilin ang nagpapakilalang ‘bagman’ ng kanyang tanggapan na si Nory Ega!

Ipinalabas ang kautusang ito bilang reaksiyon sa isinulat natin kamakailan na isang dismissed policeman na may alyas Nory Ega ang hayagang gumagamit sa pangalan ngayon ng NBI director para mangotong sa lahat ng illegal gambling sa bansa.

Sa pamamagitan ni Nick Suarez, chief public information officer ng NBI, nakipag-ugnayan ito sa inyong lingkod para i-set ang ‘meeting’ naming dalawa ni Director Gierran noong Miyerkules ng hapon.
   
Gusto raw kasi akong makausap ni Director Gierran upang malaman ang buong katotohanan patungkol sa ating artikulo na lumabas noong Agosto 9.
   
Sa pagkikita namin ni Directot Gierran, galit ito!
   
Galit siya, hindi sa inyong lingkod kundi galit siya sa mga taong gumagamit sa kanyang pangalan.
   
“Matagal na ko sa trabahong ito (rose from the rank si Director Gierran dahil nagsimula ito bilang Agent 1). Hindi lang ako exposed dahil hindi ko ugaling magpa-media. Pero kapag ganito ang usapan, ibang usapan na yan!” sabi pa ni Gierran sa inyong lingkod.
     
Bilang tugon sa tanong ko kung ano ang kanyang magiging aksiyon, kaagad itong sumagot na: “Hin’di lang hulihin. Barilin ’yan! Pagdala sa pangalan ko, barilin n’yo! Hindi ko pinapahintulutan na gamitin ang pangalan ko,” sabi pa niya.
   
Ipinaliwanag ng NBI director na simula nang makatrabaho niya sa Davao ang Pangulong Rodrigo Duterte, hindi na siya sumira sa tiwalang ibinibigay nito sa kanya.
   
Bilang ‘fraternity brods,’ kaisa siya ng Presidente sa paglinis sa pamahalaan at isa sa nakaatang sa kanya ngayon ay linisin ang buong NBI, kasabay ng pagtulong sa pagsugpo sa malalaking krimen at pagpuksa sa ipinagbabawal na gamot.
     
Kahit kailan, wala siyang inatasan para mangotong dahil hindi niya ugali ito mula nang maging ahente siya sa NBI.
   
“Malinaw ang sinabi ko sa mga tao ko. No take at ’yung mga matutulis diyan, tumabi na sila dahil kahit sino dito sa bureau, kahit  kaibigan ko sila ay hindi ko sila papanigan,” sabi pa ni Gierran.
   
Tinanong pa ko ni Gierran kung taga-NBI ba mismo ang nagbigay sa akin ng impormasyon, ngunit kaagad ko rin itong tinanggi sa kanya dahil ang katotohanan, ang impormasyon tungkol kay Nory Ega ay galing mismo sa ‘illegal gambling community.’
   
Matagal din tayong naging police reporter at nakober ko rin ang NBI noong dekada ’90s. Noon pa man, naririnig ko na si Nory Ega tungkol sa koleksiyon nito sa illegal gambling.
   
Noon pa rin, sinabi ko kay Gierran na marami ng NBI director na ‘ginamit’ at ‘nabukulan’ si Nory Ega.
   
“Bakit ako? Hindi ko nga kilala ’yan? Hindi ko pinapayagan ang ganyan,” tugon pa sa atin ni Gierran na kaagad ko ring sinagot na isa na siya sa mga NBI director noon na nagamit ni Nory Ega, bagay na lalong nagpausok sa galit ng butihing opisyal.
   
Muli nitong pinanindigan na kahit kailan ay hindi siya mangungunsinti sa anumang illegal na gawain, lalo na’t gamit ang tsapa ng NBI. 
   
Dahil dito, sinabi ni Gierran na bagaman wala siyang hilig magpa-media, maaari natin siyang tawagan kahit anong oras lalo’t kung may mga impormasyon na gusto tayong ipaabot sa kanya o magtanong naman ng impormasyon patungkol sa ating trabaho.
   
Kahapon ng umaga, habang papunta tayo sa Senado, tumawag na rin sa akin si NBI Deputy Director Edmund Arugay para tanungin tayo tungkol sa isinulat nating artikulo.     Ipinaalam ni Arugay na naatasan na siya ni Director Gierran para aksiyunan ang tungkol sa isinulat natin laban kay Nory Ega!
   
Hindi pa man, Director Gierran, nagpapasalamat na po ang ‘Uncovered’ sa inyo, sir.
   
Salamat din kina Deputy Arugay at kay Chief PIO Suarez na ipinakita ang pagiging ‘resourceful’ para lamang tayo makontak.
   
Natunton kasi tayo ni Suarez sa pamamagitan ng ating Twitter account.  
     
Muli, goodluck sa inyo Director Gierran at salamat din dahil hindi kayo ‘pikon’ kapag may mga bumabatikos sa inyong media na talaga namang hindi maiiwasan sa lahat ng oras.
      
Mabuhay ang bagong NBI!