5,666 guests

All-out!

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 396

‘Tubig at Langis’ tatapusin na dahil ikakasal si Isabelle

Chavit, ipamimigay ang kayamanan

Tulad ng alam ng lahat, ikakasal na rin si Isabelle Daza sa French boyfriend niyang si Adrien Semblat ngayong September sa Italy. At isa ito sa dahilan din kung bakit tatapusin na ang afternoon series ng ABS-CBN na Tubig at Langis na pinagbibidahan nilang tatlo nina Zanjoe Marudo and Cristine Reyes.

Ayon sa Business Unit Head ng TAL na si Ruel S. Bayani (RSB) sa thanksgiving presscon last Saturday, ang gusto raw ng management ay patagalin pa ang serye at end of the year na lang tapusin pero dahil nga ikakasal si Isabelle, nagdesisyon na raw silang tapusin na ito on Sept. 9.
   
Nagkantyawan nga ang mga cast sa sinabi ni RSB at pabirong sinabi kay Isabelle, “kasalanan mo pala, eh.”
   
“Of course, we wanted to give Belle (nickname ni Isabelle) ’yung time na hindi siya mape-pressure. Huwag n’yong sisisihin si Isabelle,” say ni Direk Ruel.
   
Siyempre nga naman daw, ayaw naman nilang ma-stress pa si Isabelle na may iniiintidi pang trabaho kahit kakasal lang.
   
“We love Belle so much. Ang feeling ko, ‘oy, bigay na natin.’ Bigay na natin, ikakasal siya, magha-honeymoon siya, let her enjoy her new life,” ani RSB.
   
Sobrang thankful naman ni Isabelle sa pagiging supportive ng buong cast and production team.
   
“In fairness to the Tubig at Langis family, they’ve been so supportive of me, I also had to leave kasi I had an emergency and naibigay naman ni RSB, ni Mamu (Ryzza Ebriega, production manager ng TAL), at buong cast napaka-supportive nila. Something also happened, my dad passed away, and they were all also supportive, nag-adjust talaga sila sa schedule ko,” pahayag ni Isabelle.
   
Hindi pa raw niya alam kung kaIlan ang last taping day nila sa TAL, but she’s leaving for Italy na on Sept. 2 para sa wedding.

* * *

Nilinaw ni dating Ilocos Governor Chavit Singson na hindi siya sponsor sa Miss Universe 2016 na gaganapin sa ating bansa kungdi siya lang ang nagko-coordinate nito.
   
“All-out support ako sa Miss Universe dahil noong before elections, ino-offer na ’yan sa iba’t ibang company, walang tumatanggap dahil $12 million ang gastos diyan,” umpisang paliwanag ni Manong Chavit sa bonggang dinner presscon for the entertainment press last Saturday.
   
“Now, nu’ng ako ang kinausap, nakita ko na maganda para sa tourism natin, kasi domino effect ’yan na sinasabi, kapag marami tayong turista, maraming negosyo, mapo-promote ang buong Pilipinas.
   
“So, magandang support ito sa bagong administrasyon ni Pres. Duterte. Although sabi niya, ‘okay, pero walang gastos ang gobyerno.’
   
“So, magsasama-sama kaming lahat, mga NGO, kaya ako na ang nagagarantiya na ako ang maghahanap ng sponsor.
   
“Mali ’yung sinasabi nila na sponsor ako. Hindi po ako sponsor, ako lang ang nagko-coordinate sa mga mag-i-sponsor at ako na ang nag-garantiya na ’yung $12 million, mababayaran sila.
   
“So, kung marami akong makukuhang sponsor, hindi ako malulugi. Kung konti lang, malulugi ako.”
   
So far ay marami na nga raw ang sumusuporta, hindi lang dito sa ating bansa kungdi maging ang mga international companies.
   
Pero siyempre, ang unang-una raw na tutulong to make this possible ay ang Department of Tourism sa pamumuno ni Sec. Wanda Corazon Tulfo-Teo.
   
“Siya (Sec. Wanda) ang kapartner namin na NGO, kung wala siya, hindi namin magagawa ito. Siya ang nagko-coordinate, although walang gastos ang gobyerno, kailangan din ng suporta ng gobyerno. So under the leadership of Sec. Wanda, eh, alam naman niya na maganda sa turismo ito, so, all-out support din siya,” pahayag ni Manong Chavit.
   
Almost done na raw ang lahat para sa 2016 Miss Universe sa ating bansa pero si Sec. Wanda na raw ang mag-a-anunsyo kapag na-finalize na lahat.
   
“As of now, siguro mga 80% almost done, so kapag final na, ia-announce ni Sec. Wanda,” he said.
   
Bukod sa pagko-coordinate sa Miss Universe, abala rin si Manong Chavit sa kanyang ipino-produce na show na Happy Life na naglalayong makatulong sa turismo at mga mamamayan.
   
“Ang concept ng Happy Life, pupunta sila sa mga probinsiya, kukunan ang mga magagandang tanawin para sa turismo natin, tapos pupunta sila sa nangangilangan ng eskwalahan or hahanapin nila ang pinakamasipag na farmer, pupuntahan nila.
   
“Itong show na ito, ayaw namin ng dole-out. Gusto namin, reward system. So, sa probinsiyang ’yan, kung sino ang pinakamasigasig, pinakamasipag na farmer, iimbitahin sa Maynila, ititira sa first class hotel, pakakainin, shopping, lahat ng buhay-mayaman, pagbalik niya, bago na ang bahay niya,” paliwanag ni Manong.
   
Nakaka-pitong episodes na nga raw sila at tuluy-tuloy pa rin sa paghahanap ang production team ng mga taong nangangailangan ng tulong.
   
“Puro pagtulong po ang Happy Life. Ito ay travel show, charity show, lahat,” he said.
   
Ito rin daw ang paraan niya of giving back sa tagumpay na ibinigay sa kanya ng Panginoon mula pa noon. Katwiran niya, hindi niya madadala ang pera niya sa hukay kaya gusto niyang ipamigay lahat.
   
“Ang show na ’yun, to encourage others to do the same -- ipamigay ang pera dahil money is not yours until you spend it. So ako ipamimigay ko lahat. Bibigyan ko rin ang mga anak ko pero ipamimigay ko lahat, dahil ’pag namatay ako hindi ko madadala lahat ’yun,” he said.
   
Sa ngayon ay inaayos pa raw nila istasyong kung saan ieere ang Happy Life dahil kailangang makatapos daw sila ng 12 episodes bago tanggapin ng network. Puwedeng ABS-CBN-2 at puwede rin daw GMA-7.