4,982 guests

Lolo nilagyan ng gripo sa sikmura

  • Written by Gil Aman
  • Published in Top Stories
  • Read: 421

NAGMISTULANG gripo ang nakabaong kutsilyo sa sikmura ng isang 73 anyos na Hapon nang matagpuan ang bangkay sa loob ng kanyang bahay sa Calamba City, Laguna. Samantala, parang pulang tubig na nanatiling pumapatak ang dugo mula sa butas na katawan ng biktima.

Nakabaon pa ang kutsilyo sa sikmura ng isang 73 anyos na Japanese national nang makita ang kanyang bangkay sa loob ng kanyang bahay sa Jasmin St. Ceris 2 Canlubang, Calamba City noong Huwebes ng umaga.

Sa inisyal na ulat na ipinadala kay Acting Laguna Provincial Director P/SSupt. Joel C. Pernito ni P/Supt. Fernando Ortega, hepe ng Calamba Police, kinilala ang suspek na si Roderick Salibungay Tagura, 26, tubong Bangued Abra, at kasalukuyang naninirahan sa LEDC Barracks, Canlubang, Calamba City.

Samantala, kinilala naman ang biktimang si Takashi Tsutsui na nasawi bunsod ng malubhang tama ng saksak sa kanyang katawan na hindi nakapanlaban sa suspek.

Base pa rin sa ulat ni Ortega, ang  asawa ng biktima na kinilalang si Vanessa Landicho Tsutsui, 34, ay inaresto rin dahil sa umano’y hinihinalang kakutsaba sa pagpatay sa biktimang si Tsutsui.
   
Sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng Calamba Police, dakong alas-10 ng umaga noong Huwebes ay unang ipinagbigay alam ni Vanessa sa pulisya ang pangyayari matapos matagpuan ang wala ng buhay na mister.
   
Dahil sa masusing imbestigasyon na isinagawa ng pulisya, nagawang isalaysay ng ginang ang pangyayari, subalit hindi inaasahang bigla itong umiyak nang malakas.
   
Ipinagtapat ng ginang na may kinalaman siya sa pagpatay sa mister. Si Tagura ay kanyang kasintahan at inatasan niyang patayin ang biktima matapos pagnakawan.
   
Sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay walang forcible entry sa kuwarto ng biktima dahil ang ibang mga gamit ay walang nawala.
   
Tanging ang halagang P30,000 at isang laptop ang ipinagtapat ng ginang ang nawawala.
   
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso ng pulisya ang dalawang suspek.