7,906 guests

‘Walang katarungan kung walang katotohanan’

  • Written by Jojo C. Magsombol
  • Published in Provincial
  • Read: 595

ITO ang madamdaming pahayag ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas sa kanyang lingguhang pagbibigay-pugay sa watawat ng Pilipinas patungkol sa mga kaganapang sumalubong sa lalawigan ng Batangas nitong mga nakaraang araw.

Napag-alaman ni Mandanas na napatay sa isinagawang raid ng Batangas Provincial Intelligence Police (PIB) ang umano’y lider ng isang gun-for-hire group sa bayan ng Bauan na si Leonilo Bantugon, ng Bgy. Ba-guilawa, Bauan. 
   
Ayon sa police report, si Bantugon ang lider ng “Bantugon gun-for-hire group” na sangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad gaya ng gunrunning at gun-for-hire. Sa bisa ng search warrant ay pinasok noong Aug. 5, 2016 ang bahay ni Bantugon, kung saan narekober ang iba’t ibang kalibre ng armas. 
   
Samantala, nakasama naman sa listahan ng sina-sabing mga politiko, judge at police na sangkot daw sa droga, na binasa ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Aug. 7, si dating Bauan Mayor Ryanh Dolor.
   
Nagbigay ng pananaw si Mandanas patungkol sa dalawang Batangueñong ito na nasasangkot sa mga iligal na aktibidad. 
   
Ibinahagi niya na sa harap ng mga pangyayaring ito, kailangan nating tandaan na nabubuhay tayo sa ilalim ng batas.  Lahat aniya tayo ay may human rights. Kapag ang tao ay lumabag sa kanyang tungkulin, kanya na ring itinakwil ang kanyang right. 
   
Pero, sa kabila nito, kailangan pa ring dumaan sa tamang proseso ayon sa itinakda ng batas.
   
Ang listahang kinabilangan ni former Bauan Mayor Dolor ay tinatawag na kulang sa basehan at hindi dumaan sa wastong checking at validation. 
   
Ayon sa ilang mga mambabatas at law experts, isa daw itong “name shaming.”
   
Binigyang-diin din ni Mandanas na ang pagpapaganap ng batas ay hindi rin magagawa kung ang pagpapatupad nito ay hindi nakatuon sa katotohanan. Aniya, “Dapat alam ang tunay na nangyari at naganap dahil when there is no truth, you can never have justice.”