4,560 guests

Rob gang leader, 6 tauhan timbog

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 338

INaresto ng pulisya ang lider ng kilabot na “Cuya robbery holdup” group at anim na iba pa makaraan ang magkasunod na pagsalakay sa Bulacan at Caloocan City, iniulat kahapon.

Kinilala ni QCPD director Senior Supt. Guillermo Eleazar ang mga suspek na sina Jonathan Cuya, 26, Von Carlo Calla, 23, Kim Harold Gomez, 23, Jordan Strong, 18, Wilfredo Mislang Jr., 26, Deryle John Acero, 24, at Renato Garboni, 43, pawang mga residente sa Bgy. 138, Bagong Barrio, Caloocan City.

Sila ay inaresto ng mga tropa ng QCPD Theft and Robbery Section sa pamumuno ni Chief Insp. Allan dela Cruz sa bisa ng pitong warrants of arrest na inisyu ng QC Regional Trial Court.

Base sa imbestigasyon, nangyari ang operasyon noong August 4, 2016, alas-10 ng gabi, at dakong ala-1 ng madaling araw sa 326 Mariano St., Purok Cattleya, San Jose, Plaridel, Bulacan, at 135 De Jesus St., Bgy. 138, Bagong Barrio, Caloocan City.

Bago ito, mula August 2 hanggang Aug. 4, at armado ng search warrant, nagsagawa ang tropa ni Chief Insp. Dela Cruz ng mga operasyon laban sa mga wanted persons sa Bulacan at Caloocan City.
   
Matapos ang koordinasyon, nagsagawa ng agarang pagsalakay ang tropa ni Dela Cruz sa Bulacan sa lungga ni Cuya, pangatlo sa listahan ng most wanted persons sa National Capital Region (NCR). Nasamsam kay Cuya ang isang kalibre .45 na baril na may pitong bala.
   
Matapos nito, muling nagsagawa ang tropa ng follow-up operations sa Bagong Barrio, Caloocan City, na nagresulta sa pagkakarekober sa isang Suzuki Skydrive motorcycle na walang plaka na ibinenta nito kay Strong. Isang plaka na NE-70744 din ang narekober sa compartment ng nasabing motorsiklo.
   
Habang nagsasagawa ng inspek-syon ang mga operatiba sa narekober na sasakyan, pumasok si Garboni na lango sa alak at pinigilan ang mga operatiba sabay bitaw ng mga masasamang salita sa mga ito.
   
Mula dito, isang tip ang natanggap ng mga operatiba mula sa isang concerned citizen na ang nasabing bahay, partikular sa 3rd floor, ay ginagamit na drug den dahilan upang salakayin ito at madakip sina Calla, Gomez, Strong, Mislang Jr. at Acero habang aktong nagpa-pot session ng marijuana. Narekober din ang dalawang zip-lock plastic na may lamang marijuana.
   
Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila.