5,115 guests

Sino si Ka Bading sa BoC?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 549

PANGALAN pa lang ay dapat nang kabahan si Bureau of Customs Commissioner sa isang alyas Ka Bading.

Masyado kasing mapanganib ang bawat lakad nito na kung hindi iingatan ng dating Magdalo leader ay baka ikapahamak pa niya sa mga darating na araw.

Tao si Ka Bading ng isang mataas na opisyal sa BoC na hindi rin matawaran ang ‘kredibilidad’ pagdating sa ‘no take policy.’

Ang problema lang, itong si Ka Bading ang matagal nang kumakamal ng limpak-limpak na salapi kada linggo.
    
Sabi ng ating source, mahina ang P7 hanggang P8 million weekly kung pangungotong lang din ang pag-uusapan tungkol kay Ka Bading.
    
Hindi lang tayo sigurado kung nakarating ba ito sa kanyang ‘immediate boss’ na hindi na muna natin papangalanan.
    
Pero sigurado ako, bukod kay Faeldon, tiyak na pati si BoC Deputy Commissioner Jessie Dellosa ay magagalit dahil hindi malayong ipangolekta siya nito.
   
Weekly ay may lingguhang tara si Ka Bading sa mga dumarating na kargamento sa pantalan.
    
Kada container na dumarating ay binibilang nito at iba ang singil na tongpats kumporme sa laman ng kontrabando.
    
Kung regular items lamang ang laman ng kargamento ay tinatarahan ni Ka Bading ng P2,000 hanggang P3,000. Kabilang sa regular items na itinuturing sa Customs ay mga sapatos o general merchandise.
    
Pero kapag special ang laman ng container, tumatara si Ka Bading ng P15,000 hanggang P20,000. Ang laman naman ng misdeclared items na itinuturing na ‘special items’ ay bigas, asukal, alak, sigarilyo, ukay-ukay, bawang at sibuyas.
    
Sumahin na lang natin na mahigit 3,000 container ang dumarating sa North at South Harbor kada linggo. Labas na rito iyong mga container ng malalaking kompanya, tulad ng San Miguel, Coca Cola, Meralco, etc., dahil ‘no touch’ tiyak ito sa sinumang kumag sa pantalan.
    
Kung iku-compute natin ito sa P3,000-P5,000 na tara sa container at P15,000-P20,000 sa ‘special products,’ masisira ang ordinaryong calculator para bilangin ang malaking halaga na dumadapo sa kamay ni Ka Bading araw-araw. Milyon pisong halaga kada-araw at multi-million peso kada linggo o monthly na!
    
Ito ngayon ang catch, dahil ‘naglilinis’ nang husto si Faeldon sa BoC, nagpapalabas ngayon ng ‘text’ at ‘viber brigade’ si Ka Bading para iligaw ang kanyang pangalan.
    
Kung sinu-sino ang tinuturo nito at pinagbi­bintangan sa kanyang ‘text’ at ‘viber brigade.’
    
Pati ang ‘contractual employee’ na si alyas Lyod Kiko na pinakinabangan nito sa mahabang panahon bilang kolektor ay inilalaglag na rin ngayon ni Ka Bading.
    
Samantalang dati, si Lyod Kiko ang ginagamit nitong ‘striker’ at idinidiliber ang limpak-limpak na salapi sa kanya tuwing araw ng Biyernes.
    
Pati Intelligence Group ng BoC ay pinapaikutan at kinakasangkapan ni Ka Bading dahil ang ginagawang panghuhuli ay mga moro-moro lang pala, pero mas malaki ang nakalulusot araw-araw.
    
Palagi ngayong nakadikit kay Comm Faeldon si Ka Bading na animo’y walang ginagawang milagro, gayung isa ito sa pinaka-corrupt na opisyal sa Customs. Nangangarap na ma-retain para hindi mawala ang hinihigop na multi-million kotong araw-araw.
    
Ang tanong ngayon, may papel pa ba talaga si Ka Bading sa BoC?
    
Hindi ba dapat ay unang-una itong masibak sa puwesto o kung hindi man ay kasuhan na agad dahil sa garapalang korapsiyon sa loob ng BoC?
    
Lumabas  sa isang Customs newspaper kamakailan ang magarbong pamumuhay ni Ka Bading.
    
Dahil sa sobrang dami ng binukol sa kanyang ‘boss’, may resort na ngayon sa Mindoro si Ka Bading. May mansiyon na bahay na kung tawagin ay ‘glass house’ at siyempre mga luxury vehicle na iyong iba ay ipinangalan pa niya sa kapatid.
    
Eto pa catch, Finance Sec. Carlos Dominguez at Comm Faeldon, may sarili na ring hotel  si Ka Bading ngayon at karamihan sa mga muwebles, furniture at television sets na ginamit nito ay pinanghingi lamang sa smugglers.
    
Kahit itanong pa natin sa magkapatid na Gerry at Joel Teves.
    
Kung ako kay Faeldon ngayon, ipatatawag ko si Lyod Kiko para pasukahin ng impormasyon kung ga’no na kalaking pera ang nakulimbat ni Ka Bading noon at ngayon.
    
Puwede pa nga itong maging ‘state witness’ dahil ultimo  singko sentimos na kinotong ni Ka Bading ay kuwentado ni Lyod Kiko at nasisiguro ko ito!
 
Tingnan natin ngayon kung sino ang magaling maglaglag kina Ka Bading at Lyod Kiko.
    
Ano po sa tingin n’yo, Boss Nick?