6,270

Trapik ang primerang problema ng bansa

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 470

Magkaisa para sa bayan

SALOT ang katumbas ng trapik sa buong Metro Manila. Lahat ay apektado. Lahat ay nahihirapan. May ayaw nang lumabas ng bahay dahil sa trapik.

Tulad ng mga kamag-anak kong dumating mula sa America. Ipinasyal ko sila subalit naubos lang ang oras namin sa trapik. Mula Fairview hanggang Mall of Asia ay tatlong oras ang biyahe at ang biyahe pabalik ay ganuon din o sobra pa. Samakatuwid, sa biyahe lang ay anim na oras na ang nawala sa amin.

Dahil rito, ayaw nang lumabas ng bahay ng mga balik-bayan naming  kamag-anak. Halip na mamasyal sa MOA o Bonifacio Global City, mas gusto pa nilang huwag umalis ng bahay para makaiwas sa nakamamatay o nakapag-papasakit na trapik.

Kung naipit ka sa trapik at mahina ang iyong katawan, agad kang magkakasakit dahil sa init, alikabok at haba ng biyahe. Trangkaso ang aabutin mo.

Ang pag-aaral ng mga bata ay nasisira rin dahil sa trapik. Halimbawa, inaabot ng dalawang oras ang biyahe mula Novaliches bayan hanggang FEU Morayta. Kapag ang estudyante’y umalis pasado alas-5 ng umaga ay huli na siya sa klase sa FEU na nagsisimula sa alas-7 ng umaga.

Samakatuwid, kung ang klase ay alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, o 10 oras, inaabot siya ng 14  oras sa eskwela at kalsada, dahil dalawang oras sa pagpasok at dalawang oras o higit pa sa pag-uwi.
    
Sa sobrang pagod, hindi nakakapag-aral ang mga bata, nagkakasakit at tuloy naga-absent at ang grado’y bumababa.
    
Peste talaga ang trapik. Kalbaryo sa mamamayan, lalo sa mga mahihirap. Pero ang mayayaman ay ’di gaanong nahihirapan at napapagod dahil sila’y nagbibiyahe sa mga aircon at magagarang sasakyan.
    
Komento ng marami tungkol sa trapik. “Parang wala tayong gobyerno, halip na gumaan ang trapik ay lalo itong lumalala.”
    
Bakit ’di ito malutas ng gobyerrno? Napakalaking pera at kapangyarihan ang hawak ng gobyerno upang lutasin ang trapik, subalit bakit hindi ito magawa?
    
Parang mga inutil ang mga opisyal na itinalaga ni Pangulo Duterte sa MMDA at Department of Transportation. Wala silang nagawang solusyon sa trapik.
    
Ang kailangan sa malalang problema sa trapik ay mabilis na solusyon, tulad ng:
    
1. Itigil ang pag-ayos sa mga maayos na kalsada na pinagkakakitaan ng mga tiwaling opisyal ng DPWH at lokal na pamahalaan na sanhi ng matinding trapik.
    
2. Hulihin ang lahat ng sasakyan na nakaparada sa kalsada, tanggalin lahat ng basketball court o istruktura na nakabalandra sa mga kalye at pumipigil sa daloy ng sasakyan, lalo ang mga opisina ng barangay sa kalye.
    
3. Sidewalks are outside the commerce of men. Tanggalin lahat ng gamit paninda sa mga sidewalk, upang dito maglakad ang tao at ’di sa kalsada na sagabal sa trapik.
    
4. Kasuhan ang mga barangay chairman at opisyal ng pulis na hindi magpapatupad sa mga nabanggit sa kanilang barangay o istasyon.
    
5. Ang pagbiyahe ng mga truck patungo at mula sa Port Area ay dapat sa madaling araw lamang.
    
6. Ipatupad ang ASOS (Additional Sunday Observation Scheme) o pag-dagdag ng Linggo sa mga lungsod sa MM. Halimbawa, holiday ang Lunes sa Manila at Martes sa Quezon City. Ang ibang mga lungsod ay igrugrupo at bibigyan ng dagdag na Linggo para bawasan ang mga nagbibiyahe at transaksyon sa MM.   
    
7. Bilhin ng gobyerno ang isang milyong dyip upang mawala sa kalsada. Tunawin ang mga bakal nito at gawing foot bridges na makababawas sa trapik.
    
8. Gawing makina ng bangka ang mga makina ng dyip at ipamigay kasama ang sapat na halaga sa mga mahihirap upang umuwi sila sa probinsya at mangisda.  Mababawasan na ang mga dyip, mababawasan pa ang tao sa MM.  
    
Kung may political will ang ating mga lider ay malulutas ang pesteng trapik sa ating bansa. Sinumang makalulutas sa malubha nating problema sa trapik ang dapat President ng Pilipinas.