6,146

Tigil na mga kritiko ni Duterte; Shabu sa ‘green lane’ dumaan

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 957

MABUTI naman at sinuportahan ng Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao  ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Hindi biro ang kaguluhang nagaganap ngayon sa Marawi City. 

Nakakaawa at kalunus-lunos ang sinasapit ngayon ng ating mga kababayan sa Marawi.
    
Bukod sa takot na tamaan ng naglalabang pwersa ng militar at teroristang Maute, gutom at takot ang nararamdaman nila ngayon.
    
Ang  hiling na nga lang nila ngayon ay mailayo sila kung saan nagaganap ang kaguluhan.
    
Kaya naman sana tumigil na rin ang mga kritiko ng Administrasyong Duterte sa pagbatikos at pagkakalat ng mga maling impormasyon.
    
Ayon kasi sa naririnig natin sa ilang miyembro ng media na kaalyado ng dilawang grupo, hindi naman daw kailangang magdeklara ng martial law ni Pangulong Rody.
    
Ang deklarasyon daw ng martial law ay paraan lang umano ng administrasyon upang gipitin ang mga kalaban sa pulitika.
    
Hanggang sa ganitong panahon ba naman na may nagaganap na krisis sa bansa kasinungalingan at black propaganda pa rin ang pinaiiral ng mga dating tulisan sa gobyerno?
    
Ayon nga sa ilang eksperto, lumalabas na ngayon na kaya gustong kubkubin ng teroristang Maute Group ang Marawi ay upang maipakita nila sa ISIS na may sarili na silang teritoryo at handa na silang maghasik ng kaguluhan saan mang parte ng bansa.
    
Kaya makabubuti siguro na imbes na destabilisasyon at maling mga balita ang pinapakalat ng mga nagsamantala sa bansa, paghandaan niyo na lang ang mga kasong kakaharapin niyo sa mga ginawa niyong pagnanakaw sa kaban ng bayan!

* * *
    
Masusing iniimbestigahan ng  Bureau of Customs (BoC) kung paano dumaan sa ‘green lane’ ang kargamentong naglalaman ng shabung nagkakahalaga ng P6.25 bilyon.
    
Ang mga kargamentong dumadaan sa nasabing lane ay hindi dumadaan sa inspeksyon o X-Ray machine.
    
Ang mga shipment na dumadaan sa ‘yellow lane’ at ‘red lane’ ay subject for inspection.
    
“Whatever the reason why the shipment was classified to pass the ‘green lane,’ we are currently investigating it,” ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Chief Neil Estrella.
    
Sinabi ni Estrella, retiradong opisyal ng Philippine Marines, na ang kargamento ay galing ng China.
    
Pagkatanggap ng tip mula sa China na ang shipment ay naglalaman ng shabu, sinalakay ng mga tauhan ng CIIS, National Bureau of Investigation at PDEA ang isang bodega sa Valenzuela City.
    
Mahigit na 500 kilo ng shabu ang natagpuan sa bodega. Sinabi pa ni Estrella na ang pagkaka-sakote ng shabu ay produkto ng pagtutulungan ng BoC, NBI, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Valenzuela City Police Station.
    
Ang importer ng kargamento ay blacklisted na ng BoC.
    
Ayon pa kay Estrella ang consignee ay madalas mag-import ng general merchandise items.
    
Sinabi pa ni Estrella na ang mga taong nasa likod ng importasyon ay malamang na miyembro  ng isang organized crime group.
    
Ang pagkakasakote ng     shabu ay nagpapatunay na determinado ang BoC na tulungan ang Duterte Administration sa kanyang anti-drug campaign.
    
Napipilitan ang mga taong sangkot sa illegal drug business na mag-import ng shabu dahil ang mga malalaking shabu laboratory sa bansa ay isa-isang nalansag ng mga otoridad.
    
Karamihan sa mga nalansag na shabu lab ay pag-aari at pinapatakbo ng mga Chinese na galing China.
    
Kaya nga lalong pinaigting nina BoC  Chief Nicanor Faeldon ang pagbabantay sa mga lugar na puwedeng pagtaguan ng shabu.
    
Bibili pa nga ang BoC ng patrol boats at K-9 sniffing dogs para gamitin sa kampanya laban sa ismagling.
    
Hindi madali ang kampanya laban sa iligal na droga pero mahihirapan ang mga sindikato na magparating ng imported drugs dahil nandiyan ang mga taga-BoC.
    
Mahuhuli at siguradong mabubulok sa kulungan ang mga ito kung hindi titigil sa mga iligal na gawain.

* * *
    
Bad news ito sa mga magulang at estudyante.
    
Pinayagan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagtataas ng tuition at iba pang bayarin sa ilang pribadong kolehiyo at unibersidad sa bansa.
    
Sinabi ng CHED na 268 pribadong ‘higher education institutions’ ang pinayagang magtaas ng tuition at other school fees.
    
Kahit hindi magtaas ng tuition ang iba pang pribadong paaralan ay mataas na rin ang tuition na sinisingil.
    
Sa katunayan, maraming estudyante ang inaasahang lumipat sa mga pampublikong paaralan sa taong ito.
    
Ang problema lang ay iilan lang naman ang pampublikong HEIs sa bansa.
    
Marami nga ang nangangamba na malamang na imbes na mag-aral, maraming bata ang maghahanap na lang ng trabaho dahil sa kahirapan.
    
Sa totoo lang, ’yon lang may kamag-anak na OFW ang may kakayahang magpaaral sa kolehiyo ngayon.
    
Kawawa talaga ang mga anak ng mga ordinaryong manggagawa sa bansa.
    
Naging commercialized na ang edukasyon sa Pilipinas. Gustuhin man ng magulang na makatapos ng pag-aaral ang anak ay hindi uubra dahil sa kahirapan.

* * *
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o magtext sa 0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)