4,662 guests

Paalam Monica Stephens Feria

  • Written by Joey C. Papa
  • Published in Opinion
  • Read: 284

Pumanaw ang beteranong peryodista, aktibista, kaibigan, mabait na anak, at mabuting ina na si Monica Stephens Feria noong December 30 alas nuwebe ng gabi sa Philippine General Hospital.

Nakagugulat dahil tila mabilis ang mga pangyayari- ang mabilis niyang pagpanaw sa edad lamang na 62. Cancer ang ikinamatay niya.
   
Malungkot ang pag-alis ni Monica sa panahong nagdiriwang ang marami sa kapaskuhan at paparating na bagong taon.
   
Sa mga huling pagkukuwentuhan namin kahit sa landline , sa cellphone niya o sa mga okasyon ng UP High School batch nila  kung saan kaklase niya ang aking kabiyak at isa sa matalik na kaibigan hanggang sa bago siya pumanaw, hindi nawawala sa kanya ang mga salitang pagmamalasakit para sa mahihirap.
   
Naging bilanggong pulitikal siya noong Martial Law habang nagsusulat sa isang pahayagan. Hindi tumigil sa pagiging aktibista kahit noong makalabas siya ng kulungan.
   
Hindi ko kinakitaan ng pag-atras si Monica sa mga prinsipyong kanyang pinaniwalaan na nagsimula noong high school pa lang siya. Nanatili siyang matapang na naninindigan laban sa pagmamalabis at panlilinlang.
   
Nang magkaroon ng batas para mabigyan ng recognition at indemnification ang mga naging bilanggong pulitikal noong martial law, sinabi niya sa akin na hindi na siya mag-aaply sa itinayong Human Rights  Victims Claims’ Board (HRVCB). Dapat aniya na ibigay na lang ang kabayaran sa mga mahihirap hanggang ngayon na naging bilanggong pulitikal.
   
Sandali lang naman daw siya nakulong. Kung tama ang pagkakatanda ko, sinabi niyang anim na buwan lang daw siyang nakulong. Maigsi lang daw kung ihahambing sa mga ikinulong ng mahabang taon noong martial law.
   
Ngunit anim na buwan man o anim na taon ay patunay pa rin na nagkaroon ng martial law at pagkukulong sa mga aktibista, pagdukot at pagkawala, torture, na kinilala ng Republic Act 10368 o Human Rights Victims Reparation and Recogniton Act 0f 2003. Ito ang sinabi k ay Monica ng mga kapwa niya aktibistang nakulong din. Biniro pa nga siya na ibigay na lang sa mga kasama niyang aktibistang mahihirap ang makukuha niyang pera kung ayaw niya ‘ito. Ngunit sa huli’y sumang-ayon din siya na mag-aaply siya at naisip niyang may paggagamitan siya ng makukuhang reparation money.
   
Sa kuwento niya sa akin, lahat halos silang nasa loob ng bahay nila noon ay hinuli at dinala sa isang kampo. Kilala ang kanyang yumaong  inang si Dolores Feria, isang propesora sa UP Diliman, na matapang na tagabatikos ng pamahalaang Marcos at ng martial law. Nakulong din si Dolores sa Fort Bonifacio.
   
Hindi natinag si Monica nang pagkakakulong at paglaya niya ay humawak pa siya ng maseselang tungkulin sa pambansang demokratikong kilusan sa anyo ng isang underground activist. Ang kahusayan niya sa pagsusulat ang ginamit pa rin niya sa pagsusulong mga adhikaing sinimulan niya noong high school – ang pagkakamit ng isang malaya at demokratikong bansang Pilipinas.
   
Napakasimpleng tao nang mabait,  matalino at magandang si Monica. Unaassuming, humble at respectful sa ideya at pananaw ng iba. Nakikinig siya sa opinyon ng mga kasama niya.Napakamalumanay niyang magsalita at ipinaliliwanag niya ang kanyang panig sa maayos na paraan.
   
Malakas, masarap tumawa si Monica. Lagi siyang handang ngumiti sa mga bagong kakilala. Ang lahat ng mga katangian ni Monica na binanggit ko ang hindi mawawala sa alaala ng mga kaibigan niyang naging bahagi ng kanyang buhay kahit saan mang larangan – aktibismo, peryodismo, champion gymnast, at isang tunay na makabayang Pilipino.                     (This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.)