4,876 guests

2 patay, 2 malubha sa QC gun attack

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 184

Dalawang lalaki ang namatay at dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraang paula-nan sila ng bala ng hindi pa nakikilalang salarin habang nag-iinuman sa Bgy. Commonwealth, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rowel Manuel, 40, at Melchor Cielos Sr., 54. Nakaratay naman sa ospital ang mga sugatan na sina Paul Paulin, 23, ng Riverside, Bgy. Commonwealth, QC; at John Patrick Frael, 24, ng Castillo St., sa nasabi ring barangay.

Sa imbestigasyon ni PO3 Ronnie Ereño, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa harap ng isang bahay sa kanilang lugar dakong alas-12:10 ng madaling araw.

Sa pagsisiyasat, nag-iinuman sa nasabing lugar ang apat na biktima nang biglang sumulpot ang mga salarin saka sila pinagbabaril.

Ayon kay purok leader Luningning Baciones, nasa loob siya ng kanilang bahay nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril.
   
Àgad siyang lumabas ng bahay at nakita niya ang wala nang buhay na  si Manuel na duguang nakahandusay sa lugar kasama si Cielos na may matinding tama naman ng bala sa katawan at may katabi namang plakard na nakasulat na “Adik at mga pusher kami huwag tularan”.
   
Ang dalawang sugatang biktima na sina  Paulin at Frael ay nagawa pang makatakbo pero nabuwal din sila dahil sa tama ng bala ilang metro ang layo sa crime scene.
   
Agad na isinugod ng kanilang mga kaanak ang mga sugatang biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklarang dead on arrival si Cielos habang inoobserbahan naman sina Paulin na nagtamo ng tama ng bala sa magkabilang hita at Frael na may tama naman ng bala sa kaliwang balikat.
   
Ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ay nakarekober ng siyam na basyo ng bala, limang tingga at isang metallic fragment sa crime scene.
   
Inaalam pa ng otoridad ang motibo ng nasabing krimen.