7,993 guests

‘Bakit kami lang taxi drivers?’

  • Written by Jun I. Legaspi
  • Published in Metro
  • Read: 303

ITO ang mariing sigaw kahapon ni Fermin Octobre, national president ng DUMPER, samahan ng mga taxi driver sa buong bansa, matapos ilunsad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Oplan Isnabero.

Sinabi ni Octobre na hindi naman sila laban sa Oplan Isnabero ng LTFRB dahil mayroon naman talagang pasaway na taxi drivers na sumisira sa kanilang hanay at namimili talaga ng mga pasahero.
   
Bakit ang taxi lang ang may oplan? Bakit ang mga network vehicles gaya ng Uber, GrabCar at U-Hope na walang mga franchise kundi accreditation lang ay hindi isama sa oplan,” tanong ni Octobre.
   
Huwag naman sana kaming “i-single out” sa programa isama din ang ibang mga transportation company lalo na yung mga walang franchise, saad ni Octobre.
   
“Lalo ngayon at tataas na naman ng P1.40 ang presyo ng diesel at gasolina, dagdag kalbaryo na naman ito sa mga taxi driver, lalo na’t damang dama ng lahat ang traffic, mataas na boundary, P10 discount sa taxi meter at iba pang mga gastusin,” paliwanag pa ni Octobre. 
   
Nauna rito, sa Lunes mahigpit na ipatutupad ng LTFRB ang Oplan Isnabero laban sa mga abusadong taxi driver na namimili ng pasahero.
   
Ito ay para mahuli ang mga taxi driver na tumatangging magsakay ng mga pasahero ngayong holiday season.
   
Ayon sa LTFRB, nabunsod ang nasabing programa dahil sa dami ng mga reklamong natatanggap nila laban sa mga taxi driver na ayaw magsakay ng mga pasahero.