5,484 guests

Pagsama sa gimik ng mga estudyante, dapat ingatan

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 253

On the beat

DAPAT sigurong magsilbing aral sa mga kababaihan ang ma­saklap na sinapit ng isang 17-anyos na da­lagitang estudyante sa isang sangay ng System Technology Institute (STI) na nag­tiwalang sumama sa dalawang kaibigang lalake na kalaunan ay lumapastangan sa kan­yang pagkababae.

Nagpaunlak kasi ang biktima sa dalawang kaibigan sa pangakong ihahatid siya sa kanilang bahay pauwi noon lang Martes ng madaling araw pero sa halip, nilasing ang dalagita nang dalhin sa bahay ng mga suspek sa Bagong Barrio, Caloocan City at dito halinhinang pinagsamantalahan.

Hindi naman nagpabaya ang kapulisan dahil kaagad nadakip nina Senior Insp. Edgar Adona, SPO2 Joel Cabanatan, PO2 Dindo Liquiran at PO1 Berzon Embile, ang isa sa dalawang suspek na na­kilala sa pangalang Aron Santos habang hinahanap pa ang kasama nitong si Jimbo Marcelino.

Tinalakay natin ang isyung ito upang imulat ang mga kabataang estud­yante, lalo na ang kababaihan sa padalus-dalos na pagpapasiya na sumama sa iba’t ibang gimmick na ina­akala nilang maganda, maka­saysayan at masa­yang karanasan ng mga kabataan.

Hindi garantiya na kakilala o ka-klase ng mga dalagitang estudyante ang kanilang sasamahan para pagkatiwalaan dahil sa oras na mahimok na silang uminom ng alak o subukang tikman ang iligal na droga, hindi malayong ito na ang daan para sa kanilang kapahamakan.

DAGDAG NA SILID-ARALAN
   
Malaking bentahe kay Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang pagkakaroon ng katuwang sa mga proyektong pakikinaba­ngan ng ma­mamayan tulad ng ka­ragdagang silid-aralan. Noon nga lang naka­raang linggo, pina­sina­yaan ang karagdagang silid-aralan sa tatlong pampublikong paaralan na proyekto ng kanyang kapatid na si Rep. Toby Tiangco.
    
Kasama ni Rep. Tiangco ang alkalde at ang School Division Superintendent Dr. Romulo Ro­cena nang pasinayaan ang karagdagang silid-aralan sa Kaunlaran High School, San Roque National High School at San Rafael Technological and Vocational High School na nagkaroon ng karagdagang palapag na may 20, 12 at walong silid-aralan, ayon sa pagkakasunod.
    
Sinabi ni Rep. Tiangco na noon lamang nakaraang taon sinimulan ang paggawa ng mga silid aralan para sa implementasyon ng K-12 program sa pampublikong paaralan kaya’t maaga pa lang ay nagplano na sila ng Department of Education-Navotas Schools Division Office para sa karagdagang silid-aralan.
    
Naniniwala si Rep. Tiangco na ang kalidad ng edukasyon ay kinakaila­ngan para sa progresibong pag-unlad ng siyudad kaya’t inuuna nila ito sa kanilang listahan. Sa katunayan aniya, malapit na ring matapos ang walo pang gusali para sa elementarya at secondary schools na kasalukuyang nasa finishing touches na. Ganito rin sana ang gayahin ng iba pang lungsod.

SUMBONG NG READERS
   
Sino raw kaya ang ipi­nagmamalaki ng isang Rollie Tangca na uma­no’y fixer sa Land Transportation Office (LTO) para magkaroon ng lakas ng loob na lagyan ng dalawang malaking sementong bato ang bahagi ng Apitong Street sa Sta. Cruz, Manila na nagiging dahilan para mahirapan sa paglalakad ang mga pedestrian at nakakasagabal pa sa daloy ng trapiko?    Inangkin na raw bilang teritoryo ni Tangca ang lugar dahil ginawa pa nitong parking area ng kanyang sasakyan ang kabilang kalsada kaya’t nagtatanong ang mga residente kung sino ang kanyang backer.
 
Ang alam natin, hindi pinahihintulutan ni Mayor Erap Estrada ang ganitong uri ng abuso lalo na’t puspusan ang cleaning operation ngayon ng lungsod sa mga sagabal sa lansangan. Alam na alam ito nina Pareng Bambi Purisima at Boss Diego Cagahastian, ’di ba mga sir?

* * *

Sa sumbong ng isang Myrna ng Sta. Mesa, Manila, ginawa na raw paradahan ng mga may-ari ng sasakyan ang lansangan sa Bgy. 590 Zone 58 pati na ang paglalagay ng mga mesa at lona ng mga nagtitinda kaya’t sumikip na lalo ang kanilang daanan. Bukod pa ito sa mga aso na itinali sa harap ng kani-kanilang bahay na panganib sa mga nagdaraan. Isinumbong na raw nila ito kay Chairman Dauz,  pero mukha raw takot ang kanilang kabesa sa kanyang mga constituent kaya’t hindi masawata ang sagabal sa daan.

* * *
   
Sa text naman ng isang taga-Malabon na ang huling numero ay 0253, may nabasa raw siyang artikulo ng isang reporter na inililigaw daw ang mambabasa sa tunay na gambling lord sa kanilang lungsod. Inakusahan niya ang ama ng alkalde ng lungsod na nagbibigay daw ng protek­siyon sa tunay na gambling lord na isang alyas Mario na siyang pumalit sa dating gambling lord na namatay na raw.

* * *
   
Isa namang Jing Asinas ng Quezon City Hall police detachment ang kumakaladkad sa pa­ngalan nina Vice Mayor Joy Belmonte at Chief Insp. Lorenzo para umorbit sa mga pasugalan, hindi lang sa Quezon City kundi sa buong Metro Manila. Kahit itanong pa raw kay Liway na may puwesto ng peryahan sa tabi ng Sto. Niño Church sa Tondo na isa sa ino-orbitan ni Asinas.

* * *
   
Ibinahagi naman ng isang kagawad ng PNP ang napipinto raw na all-out war laban sa mga gambling lord sa susunod na taon. Kasama raw sa target ang isang Jojo Cedeno na tumatayo na ngayong Video Karera King sa Kamaynilaan. Pero pansamantala lang daw ang laban kontra sugal dahil isang paraan lang ito para makahirit ng mas malaking tara ang kapulisan.

* * *
   
Sa mga sumbong at reklamo, mag-email lang sa eddreyes2006­@ya­hoo.com o mag-text sa 0915-6492023.