5,469 guests

Masakit din para kay Pangulong Duterte

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 288

KAGAYA ng marami, hindi na tayo nagulat sa pagbibitiw ni Bise Presidente Leni Robredo sa Gabinete ni Pangulong Duterte. 

Sa tingin natin, alam din ni Robredo na hindi naman siya tatanggalin bilang chairman ng HUDCC.

Sa totoo lang, kasalanan niya kung bakit pinagbawalan siyang dumalo sa mga miting ng Gabinete.

Matindi ang mga banat niya sa ilang desisyon ni Pangulong Digong.

Lalo na ang tungkol sa pagpapalibing kay yumaong Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
   
Siyempre, masakit din ito kay Pangulong Duterte.
   
Bilang alter-ego ng Presidente, dapat ay suportahan niya ang mga  desisyon, programa at polisiya ng Malakanyang.
   
At kung hindi naman siya sang-ayon sa mga desisyon, dapat nanahimik na lang siya dahil nga alter-ego siya ng nakaupo sa Palasyo.
   
Pero ang masakit, lantaran niyang binatikos ang mga desisyon ng Malakanyang.
   
Siyempre ano pa ang resulta? Pinagbawalan siyang dumalo sa mga miting ng Gabinete.
   
At dahil nga sa nangyari, pinalagan niya ito at nagbitiw din siya bilang HUDCC chairman.
   
Paano naman kaya ang ibang miyembro ng Gabinete na tutol din sa pagpapalibing kay Marcos sa libingan ng mga bayani?

* * *   

Sa dami ng problema sa aduana ay dapat magdaos ng customs summit sa Enero 2017 para pag-usapan ang mga solusyon dito.
   
Sa nasabing summit, dapat ilahad ang mga problema at posibleng  solusyon. Isama sa nasabing pagpupulong ang lahat ng bumubuo ng tinatawag na “waterfront community.”
   
Dahil sila ang nandiyan sa aduana, sama-sama nilang lutasin ang mga problema.
   
Dapat pag-usapan din kung paano mapalaki ang importasyon ng bansa.
   
Huwag nating kalimutan na kung kaunti ang importasyon, siyempre maliit din ang makukolektang buwis ng BoC.
   
Pag-aralan din kung paano  pa mapapabilis ang release ng mga shipment na hindi naman nadedehado ang gobyerno.
   
Kung maari lang ay bigyan ng incentives ang mga matitinong importer at broker.
   
Pero ang mga kilalang mandurugas na port user ay bantayang maigi ang kanilang mga  kargamento.
   
Naniniwala tayo handa si BoC chief Nicanor Faeldon na pakinggan ang mga opinyon, suhestiyon at hinaing ng lahat.
   
Tama ba, Commissioner Faeldon?

* * *   

Walong araw na lang at magsisimula na ang Misa de Gallo sa mga simbahang Katoliko.
   
Ang nakapagtataka ay kung bakit wala pang mga nagpapaputok ng rebentador.
   
Baka naman wala nang maibili ng paputok ang mga tao dahil sa kahirapan.
   
O baka naman wala pang nagbebenta ng paputok dahil baka ipagbawal ng Malakanyang ang paggamit ng rebentador.
   
Pero kung hindi man ipagbawal ang pagpapaputok ng rebentador ay kailangang i-regulate ang pagtinda at paggamit ng paputok.
   
Maraming perhuwisyo ang dulot ng paggamit ng paputok at pyrotechnics sa panahon ng Kapaskuhan, lalo na kung New Year’s Eve na kung saan ay wala ka nang makita sa kapal ng usok dulot ng paggamit ng mga paputok.
   
Ang kawawa dito ay ang mga bata, matatanda,  mga may hika at iba pang sakit sa baga.
   
Okay lang siguro sa mga mayayaman dahil may pambayad sa ospital.
   
Paano na lang ang mga walang pambayad sa doktor? Baka mamatay pa sila dahil lang sa kapritso ng iba nating kababayan.
   
Magisip-isip naman tayo!

* * *   

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong panagalan at tirahan.)