6,379 guests

‘Takot’ muling bumabalik, Mr. President

  • Written by Paul Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 328

Paul's Alarm

HABANG sinusulat natin ang piyesang ito ay nalulungkot na naman tayo, mga kabayan.

Ito ay sa naibalita sa atin ng isa kong pinsan na may pinaslang na naman pala sa aking kawawang lungsod ng San Pablo City, Laguna.

“Pinasok” daw noong Huwebes ng gabi sa kanyang bahay sa Riverina Subdivision si Dra. Genevieve Ojeda, isang dentista at saka pinatay ng salarin (o mga salarin).

At kung muling mapabilang sa listahan ng ‘cold case files’ (unsolved murder) ang insidenteng ito, hindi na tayo magtataka, mga kabayan.

“Notoryus” kasi sa pagiging tamad at corrupt ang mga “antigong” pulis d’yan, sa totoo lang, dahil kung hindi patong sa jueteng at VK, patong sa iligal na droga ang iba sa kanila.
   
Ganito rin ang bulok na estilo ng mga opis­yales sa mga barangay na kunsintidor sa mga “siga-siga” at mga pasaway sa kani-kanilang mga lugar.
   
At sinu-sino ba ang mga notoryus din na mga “iligalista” d’yan? Hindi malayo na karamihan and’yan lang sa city hall at konseho, tsk, tsk, tsk!
   
Matagal na rin tayong hindi nakakauwi d’yan sa San Pablo at kung “magawi” man tayo ay saglit lang dahil pinapasyalan lang natin ang ating mga kamag-anak at kapamil­ya.
   
’Yun nga lang, hindi rin kaila sa atin na patuloy na ‘bad record’ ang aking bayang sinilangan dahil sa problema sa iligal na droga at krimen, katulad ng sinapit ni Dra. Ojeda.
   
Harinawa naman na maresolba ang kasong ito na isang malaking hamon sa ating kumpare at Laguna PD Joel Pernito, na matagal ding naging hepe ng SPC. ‘In fairness,’ sa kanyang termino, gumanda ang imahe at ‘performance’ ng lokal na pulisya.
   
At hamon din siyempre kay COP Reynold Rosero ang insidenteng ito, hindi ba, Kuya Nani Cortez?
   
‘And to be fair,’ wika nga, gusto nating bigyan ng ‘benefit of the doubt’ itong si COP Rosero. Gusto nating maniwala na kaya niyang resolbahin ang kasong ito dahil kung hindi, aba’y and’yan naman palagi ang Laguna district office (Lagdo) ng National Bureau of Investigation, hehehe!
   
Dapat nating “pagbig­yan” si COP Rosero, una, dahil hindi ko pa siya nakakaharap nang personal at ikalawa, alam natin na hindi maglalagay ng “patakbuhin” na hepe sa SPC si PD Joel dahil nga alam niya ang “likaw ng bituka” ng mga tagarito.
   
Kung may panahon naman si COP Rosero na “pasyalan” ang FB account ng kanyang istasyon, malalaman niya na andaming reklamo at kritisismo na “nakapaskil” doon.
   
At kumusta na ba itong si ‘Donald Guevarra’ ng Bgy. Sto. Angel na ayon sa reklamo sa atin ay palaging may “bitbit” na baril lalo na nga at “lango” na sa alak?
   
“Nasita” man lang kaya ito ng mga bataan ni COP Rosero?
   
Dangan kasi, “wala” rin umanong ginagawang aksyon ang mga opisyales ng Bgy. Sto. Angel? Baka naman pati sila, “natatakot” dito kay Donald kahit mistulang “terorista” na sa kanilang lugar?
   
Sayang nga lang at wala na ang mga “pogi” sa lugar na ’yan at kahit ang 202nd Brigade ay lumipat na rin ng kampo.
   
Kung nagkataon kasi, natitiyak natin na may “paglalagyan” ang “ta­pang-alak” na kumag na ito.
   
Muli, pakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ni Dra. Ojeda.

* * *
   
Hindi lang sa malala­yong lalawigan, bag­kus, kahit sa Metro Manila malaking problema pa rin ang ‘heinous crime,’ hindi ba mga kabayan?
   
Dangan kasi, lahat tayo -- kahit ang mga awtoridad -- ay “nakatutok” sa isyu ng iligal na droga kaya… paano naman ang gawaing kri­minal ng iba pang mga “halang ang bituka?”
   
Aber, halos kasabay ng mga balita na may “i­binuwal” na mga drug pusher at user, may mga ordinaryong mamamayan ang “natutumba,” mga biktima ng mga ‘Akyat-Bahay,’ mga holdaper, kidnap for ransom, etc., etc.
   
Hindi ba dapat, may “mailatag” din sa hanay nila? At nasaan ang hustisya sa kanilang mga biktima?
   
Minsan ay narinig natin si Pang. Digong na “ipinagyayabang” ang “pagbaba” ng insidente ng lahat ng klase ng krimen pagkaupo niya sa puwesto.
   
Totoo naman ito, mga kabayan.
   
’Yun nga lang, Mr. President, kung hindi mo napapansin, “bumabalik” na naman ang karahasan sa maraming lugar at sa mga lansangan na dala ng mga kriminal.
   
Translation? Muling bumabalik ang “takot” sa ating mamamayan.