11,827 guests

Dilawan, humahalo sa pulahan

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 163

PILIT kong hinahanapan ng sagot ang  sarili kong mga tanong kung anong katwiran ang mayroon ang mga taong hanggang ngayon ay ginagambala ang nanahimik na bangkay ni Marcos.

Gusto ko silang paniwalaan na dalisay at wagas ang pagmamahal nila sa bayan kaya lahat ng multo ng mahigit tatlong dekada ay pilit nilang   binubuhay.

Alam kong sumapit na sa climax ang kanilang pakikipaglaban at mukhang naubusan na sila ng  kalaban na mga buhay kaya mas gusto nilang sa patay naman ibaling ang kanilang nagpupuyos na galit.
   
Ang dating galit na humupa na sa Intensity 1 ay lumagpas na sa Intensity 5 dahil dinaig pa ng kanilang ngitngit ang maalab na pagmamahalang Dayan-De Lima.
   
Pero iba ang ramdam ko sa sitwasyon, hindi na purung-puro ang galit na ito. Wrath of chopsuey ang tingin ko rito dahil nagsanib-puwersa na ang mga natalong dilaw sa eleksiyon at ang inaakusahang nanalo sa pamamagitan ng pandaraya.
   
Pilit nilang ibinubuhos ang galit dahil hindi sila makapaniwalang ilalampaso sila ng isang probinsiyanong si Duterte.
   
Sa kabilang banda naman, iyong nanalo sa pagkapangalawang  pangulo ay hindi naman  matahimik dahil sa alegasyon ng pandaraya nang likutin ang nanahimik na PCOS sa kainitan ng bilangan.
   
Ang totoo, ang mga pulahan lang ang totoo d’yan, ang grupo nina Ka Nato Reyes, Teddy Casino at Satur Ocampo. Sila lang ang hindi ko mabutasan dahil genuine ang kanilang pagtayo sa lahat ng isyung sa tingin nila ay agrabyado ang bayan.
   
Sila ngayon ang ginagamit na sandalan ng mga dilawan para hindi mabuko ang tunay nilang motibo sa pagkundena sa pagkakahimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
   
Sina Ka Nato, tumindig laban sa pork barrel scam, kinastigo ang DAP, hinataw ang Mamasapano SAF44 masssacre, ang sabwatan KKK ni Noynoy, ang lutong macau sa pag-award ng kontrata sa LP boys ng MRT maintenance at talagang nilabanan ang pang-aabuso ng Aquino administration.
   
Pero itong mga dilawan, isinubo at nilunok ang lahat ng kapabayaan ni Noynoy, lahat ng katiwalian ng nakaraang administrasyon lahat noynoying style of governance ay kanilang bukas-palad na tinanggap. Iyong ibang laos na artista ay pinupuri pa nga.
   
Tapos ngayon, sa libing lang ng bangkay, nag-aalburuto na sila at nakikihalo pa talaga sa red crowd para hindi  mahalata ang tunay na kulay nilang dilaw.
   
Hoy, bistado na kayong mga madidilaw ang mukha, alam namin ang tunay na agenda n’yo ay makabalik kayo sa puwesto at magbakasakaling makabuo kayo ng critical mass laban kay Presidente Duterte at makumbinsi ang mga sundalo na makipagsabwatan sa inyo.
   
Kumita na ’yang gimik n’yo kaya nga wala pa kayong limang daan sa Luneta rally.
   
Tigilan n’yo na ’yan gimik n’yo dahil ramdam natin ang mga pansarili n’yong interest!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.