4,925 guests

Duterte, determinadong wakasan ang korapsyon

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 250

SISIMULAN na ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang kampanya laban sa mga tiwaling lingkod-bayan.

Naniniwala tayo na determinado si Duterte na walisin sa gobyerno ang mga salot ng lipunan. 

Sila ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay naghihirap ang bansa at taumbayan.

Ginawa na nilang negosyo ang pagsisilbi sa bayan.

Hindi naman lahat ng opisyal at kawani ng gobyerno ay mga magnanakaw at sinungaling.
   
Marami diyan ang masisipag, mababait at tapat na nagsisilbi sa taumbayan.
   
Pero tama si Pangulong Duterte na panahon na para matanggal sa serbisyo ang mga tiwali.
   
Sinabi ni Duterte na tutuparin niya ang mga ipinangako niya noong nakaraang political campaign.
   
“I said if I become president, l will do away with corruption in government and it will be.”
   
Hihiyain daw niya sa publiko ang mga tiwali para mapilitan silang umalis sa gobyerno.
   
Kaya nga hinikayat niya ang publiko na ireport sa kanya, sa pamamagitan ng text, ang pangalan ng mga korap na lingkod-bayan.
   
Ilalabas daw ng People’s Television Network ang mga sumbong ng taumbayan.
   
“Never mind about libel and all,” dagdag pa ni Duterte.
   
Ang mahalaga ay malaman ng publiko “the idiots who are corrupting this country.”
   
Nakahanda daw siyang mag-sorry araw-araw “if anybody would be wrongfully accused.”
   
“Fair is fair. But to the others, I’m sorry... I will really put you to shame. I will ask you to resign. That’s the only,” ani Duterte.
   
Ang problema lang, Pangulong Duterte, mahihiya pa kaya ang mga mapapangalanang tiwaling  lingkod-bayan? 
   
Baka naman hindi na tablan ng hiya ang mga ’yan dahil sa kapal ng pagmumukha.
   
Biro nga ng isang kasama sa hanap-buhay, lagyan na lang ng karatula ang harapan ng kanilang mga bahay na nagsasabing, “huwag akong tularan. Ako’y isang magnanakaw.”
   
Pwede!!!

* * *   

Wala na tayong nababasa sa diyaryo, nakikita sa telebisyon at naririnig sa radyo kundi patayan, katiwalian, away sa pulitika, batuhan ng putik at tsismis sa showbiz.
   
Hindi natin masisisi ang mga mamamahayag dahil ito naman ang sinusubaybayan ng publiko.
   
Mukhang nawawala sa eksena ang malawakang kahirapan sa bansa, kataasan ng presyo ng bilihin at serbisyo, kakulangan ng tirahan at kawalan ng trabaho.
   
Ang hindi lang mawala sa balita ay ang nakabubuwisit na pagsisikip ng trapiko sa maraming lansangan.
   
Tama naman dahil maraming apektado ng problemang ito.
   
Talagang mapapamura ka sa tagal ng biyahe.
   
Sa dami ng problema, hindi natin masisisi si Pangulong Duterte kung hindi na siya napagkakatulog.
   
Naniniwala tayo na hangad ni Duterte na mapabilis ang pag-unlad ng bansa.
   
Pero paano niya gagawin ito eh, problema lang sa iligal na droga ay hindi na matapus-tapos.
   
Hindi biro ang dinatnan niyang problema sa droga.
   
Ang mahalaga siguro ay ang tulong ng sambayanang Pilipino sa kampanya ni Pangulong Digong na maiangat ang buhay ng mga mamamayan.
   
At kailangan,  lahat ng kanyang mga opisyal ay sumunod sa kanyang kumpas kagaya ng isang orkestra.

* * *   

(Para sa inyong komento at subestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buing panagalan at tirahan.)