11,782 guests

Rhian, pinatawad ang nambastos na lalaki

  • Written by Nitz Miralles
  • Published in Showbiz
  • Read: 274
Rhian Ramos Rhian Ramos

Hindi na pala idinemanda ni Rhian Ramos ang lalaki na nambastos sa kanya sa isang bar nang pisilin ng dalawang beses ang kanyang butt. Sabi ni Rhian sa interview sa kanya, humingi ng tawad ang lalaki nang kanyang makausap.

Na-resolve nila ang kanilang problema na hindi na umabot sa demanda at hindi niya pinangalanan ang lalaki. Kung natuloy man ang demanda ni Rhian, hindi lang para sa kanya, para rin sa ibang babae na nabiktima gaya niya.

May kapalit na good news ang pagpapatawad ni Rhian sa nambastos sa kanya at ito’y ang pagkakasama ng Saving Sally sa 2016 MMFF. Ten years in the making ang movie, she was 19 years old nang simulang gawin ang movie at ngayon lang natapos dahil sa budget constraint. Kaya hindi nila napigilang maiyak nang malaman ang magandang balita. Kasama niya rito sina TJ Trinidad at Enzo Marcos.

* * *

Mas personal ang nakaraang pagharap ni PAO Chief Atty. Persida Acosta sa entertainment press dahil kung siya ang mapipiling isa sa uupong Associate Justice ng Supreme Court, magiging busy ang schedule ni Atty. Persida. Kaya naman, sinulit nito ang pakikipagkita sa mga taga-entertainment press.

Sinimulan ang pagtitipon sa pagkanta ng mga ka-opisina ni Atty. Acosta, sinundan nang kantahin nito ang favorite song niyang Ikaw at nagkaroon ng singing contest ng mga reporter. Open din siya sa interview ng press people.
   
Nabanggit ni Atty. Acosta na first week ng December magmi-meeting ang Judicial and Bar Council para piliin sa mga nominadong maging Associate Justice. Kapag si Atty. Acosta ang napili, isa sa matutuwa si Sen. Miguel Zubiri dahil ito ang nag-nominate sa kanya. Naniwala itong she did well sa interview at nasagot ang mga itinanong sa kanya na ibinatay niya sa batas.
   
Malaking karangalan sa kanya kung mapipiling Associate Justice at okay din sa kanya kung hindi siya papalarin dahil ibig sabihin, mananatili siya sa PAO na kanyang minamahal at masakit sa kanya kung kanyang iiwan. Sakaling mapili, kailangan niyang sumunod sa tawag ng tungkulin.
   
Sinagot ni Atty. Acosta ang tanong sa pagiging malapit niya sa entertainment press. “Kaya ako malapit sa media dahil ang media ang daan para malamang may PAO o Public  Attorney’s Office at para malaman kung sino ang tatakbuhan ng mga kababayan nating nangangailangan ng tulong.”

* * *

Nasa Phuket, Thailand ang magdyowang Luis Manzano at Jessy Mendiola at sa nakita naming pictures, hindi lang swimming at bakasyon ang ipinunta nila sa Phuket, nakapag-sparring pa sila ng Muay Thai.
   
’Wag nang hintaying kumpirmahin pa in public nina Luis at Jessy ang kanilang relasyon, ayan na ano pa bang ebidensya ang gusto ninyong makita o marinig?
   
Ang sweet ni Luis, niyayang magbakasyon si Jessy bago maging busy sa promo ng Mano Po 7: Chinoy  na showing sa December 14. First Regal Films movie ito ni Jessy, love interest siya ni Enchong Dee at may kissing scene sila.

* * *                                                                                                

Sina Marlon Rivera at Tony Y. Reyes ang directors ng Enteng Kabisote 10 and The Abangers. Nagdidirehe rin ng indie films si Direk Marlon at sabi nito, hindi niya ina-identify ang sarili niya kung indie o mainstream director, director lang. Dapat daw walang pagkakaiba at hindi siya sumasama sa mga nagtatalo tungkol dito.
   
Nalungkot din si Direk Marlon na hindi nasali sa MMFF ang Enteng Kabisote 10, pero naniniwala sila nina Direk Tony at Vic Sotto na magandang playdate ang November 30. Tiniyak ng mga director na walang hindi matatawa sa mga eksena sa pelikula lalo’t magagaling na komedyante ang kasama sa cast.
   
May ilang pelikula si Vic na hindi si Direk Tony ang director at hindi isyu sa kanya ito dahil naiintindihan niyang kailangan ng ibang director ang ibang movie ni Vic. Pero kahit hindi siya ang nasa harap ng camera, kasama pa rin siya sa production.