5,103 guests

Pailaw, murang kuryente

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Nation
  • Read: 491

MATAPOS hirangin bilang bagong tagapangasiwa ng National Electrification Administration (NEA), nanumpa ang dating party-list congressman at respetadong pinuno ng mga kooperatiba sa enerhiya na si Edgardo R. Masongsong ngayong Linggo na isasakatuparan nito ang pangako ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ihatid ang kaunlaran sa pinakamalalayong rehiyon sa bansa sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa mga programang titiyak sa pagpapailaw ng mga kanayunan at pagsulong upang ibaba ang presyo ng kuryente sa Pilipinas.

“Ang pagpapailaw ng ating mga kanayunan ay dapat na maging prayoridad dahil malaki ang kaugnayan ng kuryente sa pagpapalago ng kita,” ayon sa bagong NEA administrator na itinalaga noong nagdaang Biyernes lamang.
   
Ayon umano sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), “ang paghahatid ng kuryente sa mga kanayunan ay nakakapagdulot ng 36% na pagtaas sa per capita income, kaya makikita dito ang papel na ginagampanan ng pagpapailaw sa pagpapabuti ng antas ng buhay ng ating mga kababayan.”
   
Ayon pa kay Masongsong, “ang pagtalima sa mandatong ito ang siya naming ambag sa kampanya ni Pangulong Duterte na ipaabot ang kapayapaan at pag-unlad sa mga kanayunan, lalung-lalo na sa Mindanao.”
   
Minsan nang binigyang diin ni Pangulong Duterte ang pangangailangan sa pagpapaunlad ng mga rehiyon, lalo na sa Mindanao. Sa pagpapasinaya sa programang elektripikasyon ng DOE-NEA sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) noong ika-29 ng Oktubre, muling ipinangako ng Pangulo na “pauunlarin” nito ang “Moro land.”
   
“Bigyan niyo ako ng panahon,” ayon sa punong ehekutibo.
   
Sinang-ayunan din ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang tinuran ng Pangulo at ni Masongsong hinggil sa prayoridad sa elektripikasyon ng mga kanayunan kasabay ng pahayag sa nasabing okasyon na “kailangan nating gawan ng paraan ang pagpapailaw sa mga sitio at mga kabahayan upang makasabay naman ang ating mga kababayan at mabigyan ng pantay na pagkakataon.”
   
Dahil dito, inihayag ni Masongsong na isa sa pangunahing layunin ng NEA sa unang 100 araw nito sa panunungkulan ay ang pagpapaigting sa pagpapatupad ng Sitio Electrification Program (SEP) at Barangay Line Enhancement Program (BLEP) sa pakikipagtulungan ng mga electric cooperative, Office of the President, Department of Energy at Department of Budget and Management.
   
Isusulong din ng kanyang ahensya, ayon kay Masongsong, ang mga paraan upang mabawasan ang presyo ng kuryente sa bansa sa pamamagitan ng pagtugon sa mga sanhi ng pagtaas sa presyo ng enerhiya kagaya ng “generation at transmission; distribution at supply costing; governmental charges, tulad ng VAT; at mga subsidiya sa life-line consumers.”
   
“Bilang dating mambabatas, naniniwala tayo na malaki ang maitutulong ng ating karanasan sa Kongreso upang makapaglingkod tayo kasama ang mga dating kasamahan sa Kamara tungo sa pagpasa ng mga panukala na magpapababa sa presyo ng kuryente upang mahikayat ang pamumuhunan sa ating bansa.”
   
Ang dating mambabatas na kumatawan sa 1-Care partylist sa nagdaang Kongreso, ay may mahigit 20 taong karanasan sa pamumuno sa sektor ng enerhiya, mga kooperatiba at pagpapaunlad ng kanayunan. Dati na rin itong nagsilbi bilang general manager at Chief Executive Officer ng Bukidnon II Electric Cooperative Inc. at bilang Cebu City assistant city administrator for Economic Enterprises Management.