6,596 guests

Alisin na sa MM ang gov’t agencies

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 197

Halabira

SA dami ng genius na bumabatikos ngayon kay DOTr Secretary Art Tugade, hindi natin maiwasang magtanong kung ano na ang naiambag ng mga ito sa bayan, lalo na sa paglutas ng matinding problema ng Metro Manila sa trapiko.

Ang nakakatuwa, ang mga bumabatikos kay Tugade ay iyong mga taong sobrang puri sa Aquino administration at nagpakatuta sa naka­raang pangulo kahit sangkatutak na kabulastugan ang nangyari sa bansa.

Anim na taon silang walang ginawa, anim na taon nilang pinabayaan ang MRT na ang maintenance contractor ay taga-Liberal Party at anim na taon din silang hindi nagpatupad ng infrastructure projects tapos sila nga­yon ang nabubuwisit kay Secretary Tugade.

Kung hindi gago ang mga taong ito, tiyak na mga baliw na tinata­kasan ng bait.

Iyong hindi n’yo ginawa ng anim na taon, gusto n’yo parang instant noodles na tapos agad ang problema sa trapiko sa Metro Manila, lalo na sa Edsa, Commonwealth at C5.
   
Iyong mga politikong maingay ngayon na kumakastigo kay Tugade ay mga halimaw sa pagkita ng pera sa panahon ni Noynoying king.
   
Mabuti pa itong si Negros Congressman Albee Benitez, sa tuwing kikilos, walang fanfare, walang arte sa katawan pero may solusyon.
   
Dinadaan niya sa kilos ang pagtulong na malutas ang problema ng congestion sa NCR gaya ng isinusulong ni­yang House Bill 83 na naglalayong bumuo ang gob­yerno ng Capital City Planning Commission.
   
Sound proposed legislation ito ni Benitez dahil ang komisyon na ma­bu­buo ay mag-aaral kung paano paluluwagin ang Metro Manila.
   
Sa pamamagitan ng Administrative Capital City Planning Commission, titingnan nito kung paanong maaalis sa NCR ang mga ahensiya ng gobyernong hindi naman kailangang narito sa kalunsuran.
   
Ang problema kasi natin, walang visionary leader na dumating sa bayang ito after kay Marcos. Kung hindi pa nga dumating si Presidente Duterte ay hindi natin makikita pare-pareho ang problema sa krimen, droga at ka­kula­ngan ng mga pagawaing bayan.
   
Dito sa binabanggit ni Congressman Benitez na komisyon, magkakaroon ng isang chairperson at anim na commissioners na hihirangin ng Pangulo ng republika. Sila ang  mabusising mag-aaral kung saan dapat ilipat ang National Government Center para mabawasan ang foot and vehicle traffic dito sa Metro Manila.
   
May mga naunang plano na buhayin ang government center sa East Avenue, QC dahil may malaking property ang gobyerno d’yan sa area ng LRA at SSS. Doon nga sana plano noon na ilipat ang Senado.
   
Tama itong panukala ni Congressman Benitez dahil maraming ahensiya ng gobyerno ang dapat ay wala sa kapitolyo ng bansa tulad ng DENR, DA, DoTr, BFAR at sang­katutak pang iba.
   
Sa tingin ko, kaila­ngan natin na malaki at maayos na lugar para maging bagong NGC. Ang Clark sa Pampanga lang ang nakikita nating malapit-lapit at maluwag na property ng gob­yerno na puwedeng maging lugar na mapaglilipatan ng mga ahensiya.
   
Lalo na kapag natuloy ang North at South Railway, mas magiging madali nang hanapan ng komisyon kung saan dapat malipat ang mga ito.
   
Binabanggit din ni Benitez na kung saan man ang lugar na ma­tukoy ng study group, importante rin na masabayan ng mga housing project and complex development para mahikayat ang mga em­pleyado na manirahan na sa area na mapagli­lipatan ng kanilang ahensiya.
   
Kapag nangyari ang panukalang ito kahit bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte, naniniwala tayong aabot sa 30 to 45% ng mga behikulo ang mababawas sa Metro Manila.
   
Mabuti nang masi­mulan ang panukalang ito ni Benitez dahil ma­tindi ang political will ni Pa­ngulong Digong na ayusin ang bansa mula sa mga kalat ng nakaraang administration.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.