7,394 guests

Desisyon ng Korte Suprema sa libing ni Marcos dapat igalang

  • Written by ATTY. JAY DE CASTRO
  • Published in Opinion
  • Read: 316

ANG Korte Suprema ay nagpapasya batay sa mga ligal na argumento.

Kahit kailan, hindi nagpapasya ang mga mahistrado ng Mataas na Korte ayon sa silakbo ng damdamin o bugso ng galit sa kapwa.

Anuman ang desisyon ng Korte Suprema ay sinusunod ng lahat ng abogado, kahit ang abogado ay hindi sang-ayon sa pasya ng mayorya ng mga mahistrado.
   
Sinasabi ko ito bilang abogado na kumikilala at gumagalang sa pasya ng mataas na korte, hinggil sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.
   
Ang pagtalakay at pagpasya ng korte ay bahagi ng demokratikong proseso.
   
Ganoon din ang pagkilala at pagsunod ng mga mamamayan dito.
   
Hindi tama na kapag salungat sa opinyon ang minoryang Pilipino ay aakusahan ng hindi maganda ang Korte Suprema.   
   
Ididiin ko, ang pasya ng mayorya ng Korte Suprema mula sa ponente, si Associate Justice Diosdado Peralta na walang nilabag na batas si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapalibing kay Marcos.
   
Binanggit sa pasya ng korte na hindi inabuso ni Duterte ang kanyang kapangyarihan sa pagpapalibing kay Marcos, sapagkat wala pang napapatunayang kaso ang alinmang korte sa Pilipinas laban kay Marcos.
   
Sa simpleng mga punto, nasupalpal nang husto ang mga petitioner laban sa pagpapalibing kay Marcos.
   
Hindi umubra sa siyam na mahistrado ang argumentong hindi bayani at maraming kasalanang karapatang pantao, at iba pa si Marcos.
   
Kumbinsido ang mayorya na hindi usapin ang pagiging bayani, o hindi, ni Marcos dahil hindi naman ito ang paksang pinag-uusapan sa LNMB.
   
Isa pa, ang mga nakalibing ba sa LNMB ay pawang mga bayani? O, karamihan sa kanila ay mga sundalo? 
   
Sa kabila nito, aapila pa ang mga petitioner sa Mataas na Hukuman na baguhin ang desisyon nito.
   
Ang mga petitioner ay sina dating Bayan Muna party-list Rep. Satur Ocampo, Albay Rep. Edcel Lagman, dating Commission on Human Rights Chair Etta Rosales, pangkat ni dating Senador Heherson Alvarez, mga aktibistang galing sa University of the Philippines, dating Autonomous Region of Muslim Mindanao Human Rights Chair Algamar Latiph at Sen. Leila de Lima.
   
Idiniin ni Duterte na ipinatutupad niya ang batas kaugnay sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB bilang dating pangulo at dating sundalo.
   
Sinabi ng SC na hindi batayan ang pagpapatalsik kay Marcos sa pamamagitan ng people power, para hindi siya payagang malibing sa LNMB gaya ng iprinisintang argumento ng pitong petitioner.
   
Malinaw ang desisyon ng Korte Suprema na walang pag-abuso sa kapangyarihan sa parte ni Pangulong Duterte nang ipag-utos niya na ilibing si Marcos sa LNMB.
   
Ayon pa sa SC, may kapangyarihan si Duterte na iutos ang pagpapalibing kay Marcos sa ilalim ng batas.
   
Inaasahan na sunud-sunod na maghahain ng motion for reconsideration ang pitong petitioner, gaya ng nauna nilang pahayag na i-aapela ang kautusan ng SC para baliktarin ang nasabing desisyon ng mayorya ng mga mahistrado.
   
Sa kabila naman nito, mabibigo ang pitong petitioner, dahil sa tiyak na walang bagong ihahaing argumento ang mga ito, tulad ng paulit-ulit na sinasabing si Marcos ay diktador, maraming pinahirapan, magnanakaw at hindi isang bayani.
   
Dahil sa proseso sa ilalim ng batas, may karapatan ang mga petitioner na i-apela ang naging desisyon ng SC, bagama’t supalpal ang mga ito sa naging desisyon ng korte at mahihirapan silang baguhin ito.