6,724 guests

Kris, umaasa pa rin kay President Digong

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 498

HINDI nangyari ang inaasahang exclusive one-on-one interview ng dating Presidential daughter and sister na si Kris Aquino kay Pangulong Rodrigo `Digong’ Duterte na nakatakda sanang mangyari last Friday, November 11 sa GoNegosyo Forum na ginanap sa Davao City.  Hindi nakarating ang controversial president ng bansa dahil inatake umano ito ng matinding migraine.  Nakatakda sanang i-air ng TV5 at ng PTV-4 ang nasabing interview na pinaghandaan nang husto ni Kris. Gayunman, umaasa pa rin ang tinaguriang Queen of All Media na mangyayari pa rin ang exclusive interview niya sa presidente.

Samantala, hanggang ngayon ay bitin pa rin ang supporters ni Kris kung kelan talaga ito babalik sa telebisyon.  It’s been over 7 months na magmula nang siya’y  magpaalam sa dati niyang home studio, ang ABS-CBN at maging sa kanyang “Kris TV” dahil kinailangan niya ng pahinga na may kinalaman sa kanyang kalusugan. 
   
But she was ready to face  the camera again, wala namang maibigay na time slot para sa kanya dahil naibigay na ang time slot ng kanyang “Kris TV” sa “Magandang Buhay” nina Karla Estrada, Jolina Magdangal at Melai Cantiveros.
   
Nakapag-tape na umano si Kris ng kanyang pilot episode para sa isang bagong TV show (for GMA), pero hindi na ito nasundan pa.  Wala ring linaw kung sa GMA mapapanood ang bagong programa ng Queen of All Media dahil maging si Kris ay walang sini-share sa kanyang Instagram account.

AI AI: MAY PURPOSE SI GOD SA AKIN
   
SA pamamagitan ng Roman Catholic Bishop of the Diocese of Novaliches na pinamumunuan ni Most Reverend Antonio Tobias DD, isang special  thanksgiving mass at Solemn Investiture of the Pro Ecclesia et Pontifice award ang iginawad sa Comedy Queen na si Martina Eileen `Ai-Ai’ de las Alas na ginanap mismo sa araw ng kanyang ika-52 na kaarawan, November 11, alas-3 ng hapon sa Cathedral of the Good Shepherd in Novaliches, Quezon City.
   
Si Bishop Antonio Tobias mismo ang nanguna sa concelebrated mass kung saan din kabilang sina Rev. Fr. Allan Samonte at Rev. Fr. Erick Santos kasama ang mga seminarians ng UST Central Seminary at clergy of the Diocese of Novaliches.
   
Kasama na si Ai-Ai ni Bishop Tobias, ng mga kaparian at buong mass entourage sa opening ceremonial march patungong altar na naka-black long dress at doon pa lamang ay halos mangiyak-ngiyak na si Ai-Ai habang naglalakad papuntang altar.
   
Sa halip na red carpet ang gamit, kulay puti ang carpet na dinaanan ng mass entourage ni Bishop Tobias kasama si Ai-Ai and the church was fully dressed up in black for the special occasion.
   
Ang Papal award sa pamamagitan ng medalya at malaking framed certificate ay personal na iginawad kay Ai-Ai ni Bishop Tobias sa tulong nina Fr. Eric Santos at Fr. Allan Samonte at iba pang kaparian kaya hindi napigilan ng singer-comedienne ang kanyang pagluha (ng kagalakan).
   
Bukod sa Santo Papa, pinasalamatan ni Ai-Ai si Bishop Tobias, ang kanyang mga kaibigang pari, ang choir ng simbahan, ang kanyang pamilya  at mga kaibigan na pinangunahan ng megastar na si Sharon Cuneta, ang BFF ni Ai-Ai na hindi umano nang-iwan sa kanya.  Naroon din sina Alden Richards (na agad umalis after the offertory), Wally Bayola, John `Sweet’ Lapus, Nova Villa at Erik Santos.
   
Hindi naman nakarating ang dating BFF ni Ai-Ai dahil kasalukuyan itong nasa Davao City (para dapat sa one-on-one interview with Pres. Rodrigo Duterte pero hindi ito nangyari) pero nagpadala ito ng kanyang donation (P50,000) para sa tinutulungang itinatayong simbahan ni Ai-Ai, ang  Kristong Hari Church sa may Commonwealth Avenue in Quezon City,bagay na pinasalamatan ng singer-comedienne.
   
Dahil sa natanggap na Papal award ni Ai-Ai, siya na mismo ang nagdesisyon na kanyang sundin ang celibacy hangga’t hindi sila nakakasal ng kanyang batang boyfriend na si Gerald Sibayan.
   
Naniniwala si Ai-Ai na may purpose ang Diyos  kung bakit siya ginawaran ng ganitong priceless award na nagmula pa sa Santo Papa sa Vatican.

MAY-ARI NG SKIN CLINIC, DAIG PA ANG ENDORSERS
   
SINABI namin sa may-ari ng Skin Central, ang maganda at seksing  si Cristine Ricarte  na hindi na niya kailangan pa ng mga kilalang celebrity endorsers para sa kanyang skin clinic (now with five branches) dahil siya mismo ay puwedeng maging endorser ng sarili niyang skin clinic.
   
At 41, dadaigin pa ni Cristine ang ibang kilalang female celebrities kung ganda ang pag-uusapan.
   
Ganunpaman, kinuha pa rin ng Skin Central bilang celebrity endorsers sina Ritz Azul, Nicole Estrada, Claire Ruiz at actor na si Jao Mapa.  Sa apat, tanging si Ritz ang hindi nakarating sa grand opening last Friday afrernoon ng ika-limang branch ng Skin Central na matatagpuan sa lower ground ng SM North EDSA-Annex.
   
Ayon kay Cristine, nagsimula umano siya sa pagiging distributor ng glutathione in 2007 hanggang sa maisipan niyang mag-develop ng sarili niyang brand ng whitening cream.
   
Na-inspire umano siya sa iba’t ibang  malalaking skin clinics kaya siya nagtayo ng Skin Central Clinic na kanyang sinimulan sa may St. Francis Square in Ortigas Center, Pasig City, sa SM Makati, Ayala Center; sa Alabang and most recently sa SM North EDSA-Annex.
   
Si Cristine ay under-board sa nursing pero hindi nagpapahuli ang kanyang Skin Central Clinic pagdating sa modern technology sa larangan ng pagpapaganda.
   
Very hands-on din si Cristine at mister niyang si Gani Ricarte sa pagma-manage ng lima nilang branches ng Skin Central all over Metro Manila.

SOFIA, NAGPASAYA SA VIVA 35TH ANNIVERSARY
   
ISA si Sofia Gonzalez, panganay na anak ng dating singer-actress at ngayon ay mayor ng Tacloban City na si Cristina `Kring-Kring’ Gonzalez-Romualdez at mister nitong si G. Alfred Romualdez, dating mayor ng Tacloban, sa mga nagpasaya sa ika-35th anniversary ng Viva Entertainment Group of Companies na ginanap sa Auditorium ng Philippine Stock Exchance last Friday evening.
   
Very attentive ang Viva big boss na si Boss Vic del Rosario habang nagpi-perform si Sofia na siyang pinakabagong talent ng Viva Artists Agency na pinamumunuan ni Veronique del Rosario-Corpus
   
Kahit pagod at puyat at kalilipad pa lamang galing Tacloban, sinamahan si Sofia ng kanyang inang si Mayor Kring-Kring Romualdez na masaya para sa kanyang panganay dahil unti-unti na nitong natutupad ang kanyang mga pangarap na may kinalaman sa kanyang singing career.
   
Si Sofia ay nakapag-record na ng kanyang debut song under Viva Records,, “Pikit-Mata” na komposisyon ni Rica del Rosario na malapit nang i-launch.