5,409 guests

Nambaril dahil sa bangkito

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 197

ARESTADO ang isang dating kagawad ng Philippine National Police (PNP) makaraang pagbabarilin ang lalaking nakasagutan dahil lamang sa isang kahoy na bangkito kamakalawa ng umaga sa Malabon City.

Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ni Fernante Zapanta, 36, ng Blk. 24, Lot 2, Phase 3, E-1 Parus Alley St., Caloocan City, matapos madakip ng mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 5 dakong alas-7 ng umaga.

Himala namang nakaligtas sa tiyak na kamatayan si Marcos de Jesus, 47, ng No. 18 Gervacio St., Barangay Hulong Duhat, matapos mabilis na nakatakbo at hindi tamaan ng bala nang pagbabarilin ng suspek.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief Senior Supt. John Chua, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at biktima dahil lamang sa pag-aagawan sa pagmamay-ari ng isang bangkitong kahoy dakong alas-6:45 ng umaga sa Gervacio Street.

Sa gitna ng mainitang pagtatalo,biglang bumunot ng baril ang suspek at sunud-sunod na pinaputukan ang kaaway na mabilis namang nakatakbo papasok ng kanyang bahay at masuwer­teng hindi nasapol ng bala.
   
Nakahingi naman ng tulong sa pulisya ang kapatid ng biktima na si Arturo de Jesus na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. Kasong attempted murder at trespass to dwelling ang kinakaharap na kaso ng suspek sa piskalya ng Ma­labon.