4,737 guests

Proteksiyon sa media source

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 259

PULUTONG na pugay-kamay ang nais nating ipaabot kina Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III at Senadora Grace Poe na chairperson ng Committee on Public Information and Mass Media.

Umusad na kasi  ang pag-amyenda sa tinawag na Sotto Law na naglalayong isama sa proteksiyon ng Republic Act 53 ang mga source ng radyo, telebisyon at ‘accredited online media.’

Taong 1946 pa nang iakda ng lolo ni Tito Sen na si Senator Vicente Sotto ang RA 53 na ang sakop lamang  bigyan ng proteksiyon ay sources mula sa mga pahayagan.
   
“Hindi pa kasi ganoon karami ang radyo at wala pang TV noon. Lalo na ngayon dahil may online media na kaya importante ito para sa mga tagapaghatid ng balita sa ating mga kababayan at sa buong mundo,” ani Sotto.
   
Sa pagdinig na isinagawa noong Miyerkules ng tanghali, mismong mga opisyales ng National Press Club (NPC) at Philippine Press Institute (PPI) ang nagpahayag ng pagpabor sa naturang panukala na magandang hakbang dahil magiging ‘kapatid’ ang batas na ito sa inaasam na Freedom Of Information (FOI) bill.
   
Sinabi ni PPI President Al Pedroche, editor-in-chief din ng Pilipino Star Ngayon (PSN), maituturing na ‘advancement’ ng media ang panukala dahil mahalagang mabigyan ng proteksiyon ang sources na humihiling ng ‘anonymity’ at maituturing na ‘betrayal of confidentiality’ kung ito ay lalabagin.
   
Dahil dito, tiniyak nina Sotto at Poe na isasalang agad sa plenaryo ang nasabing panukalang batas at asahan na maaprubahan ito sa lalong madaling panahon.
   
Bukod kay Sotto, may hiwalay ding ganitong panukala si Senador Antonio ‘Sonny’ Trillanes na dapat ding papurihan.
   
Muli, maraming salamat po, Senators Sotto, Poe at Trillanes.
   
Malaking bagay para sa aming mga mamamahayag ang ganitong uri ng panukalang batas para higit pa naming mapagbuti ang pagbibigay ng tamang impormasyon sa ating mga kababayan.

HILONG TALILONG
   
Pinag-usapan na rin lang ang proteksiyon sa ‘media source,’ alam n’yo bang isang Assistant Commissioner mula sa Bureau of Immigration (BI) daw ang hilong talilong ngayon para hanapin kung sino ang ating ‘insider’ dahil sa pagkakabunyag sa umano’y anomalya sa deportasyon ng 154 Chinese na nahuli sa illegal online gambling operation sa Subic noong September 8.
   
Diumano, pilit ipinapahanap ni ACom kung sino ang ating ‘mole’ sa BI dahil halos ‘accurate’ at natutumbok natin nang husto ang isyu sa kontrobersiyal na deportasyon.
   
For your information, Mr. Assistant Commissioner, matagal nang nagsusulat ang ‘Uncovered’ sa mga anomalya sa BI.
   
Hindi po sa pagbubuhat ng sariling bangko, kahit noong panahon pa po ni BI Commissioners Ricardo David at Fred Mison ay sandamakmak na anomalya na rin ang isinulat natin laban sa kanila.
   
Dahil din dito, dumarami ang mga taga-BI na nagtitiwala sa ating magbigay ng mahahalagang impormasyon.
   
Nagtataka lang tayo kay ACom dahil sa halip na ayusin nang tama ang ginagawang imbestigasyon tungkol sa ibinunyag nating anomalya ay mas pinagkakaabalahan pa nitong ipahanap ang mga taga-BI na nagbibigay sa atin ng impormasyon.
   
Guilty ka ba, ACom?
   
’Wag kang mag-alala, kung wala ka naman talagang kinalaman sa anomalya, sigurado tayong makukuha mo rin ang inaasam mong puwesto na maging BI Commissioner.
   
Iyan ay kung makakalusot ka sa talas ng imbestigasyon ng NBI.

ATTENTION, NBI!
   
Speaking of NBI, pa-check n’yo nga po Director Dante Gierran ang ginagawang ‘hulidap operation’ ngayon ng inyong ahente at ilang tiwaling taga-Bureau of Customs.
   
Isang warehouse raw kasi ang pinasok ng taga-NBI at BoC sa 142 Cuneta Avenue, Pasay City dahil dito itinatambak ang mga pekeng produkto ng sapatos, damit, bag, salamin sa mata, laruan at kung anu-ano pang itinitinda sa Baclaran at Divisoria.
   
Wala po sanang problema kung lehitimo ang operasyon, Boss Idol Gierran.
   
Ang problema lang, ayon sa ating source, hinihingan daw ng P15 million ang mga tenant ng gusali para hindi na kumpiskahin ang kanilang mga nakaimbak na pekeng produkto.
   
BoC Commissioner Nick Faeldon, pirmado n’yo raw po ang Mission Order No. 11-07-2016-244?
   
Pa-check nga po kung totoong may naganap na ‘aregluhan?’
   
Gusto ko lang pong linawin na wala po sanang problema kung ‘legit’ nga ang operation. Pero paano po magiging ‘legit’ kung may bulihan na P15 million?
   
Ano ’yan, maagang ‘ops’ para mamasko?
   
Pa-check n’yo na lang po, Director Gierran at Comm. Nick kung totoo ang impormasyong ito dahil sigurado ako, ayaw ni Presidente Rody Duterte ng ganyan.