8,263 guests

Richard, itsa-puwera na sa pagpipilian ni Sharon

  • Written by Aster Amoyo
  • Published in Showbiz
  • Read: 594
Sharon Cuneta Sharon Cuneta

MUKHANG balik naman ang energy ng megastar na si Sharon Cuneta ngayong kabi-kabila na naman ang kanyang projects na kailangang gawin.

Matapos ang kanyang successful concert sa The Theatre ng Solaire, haharapin naman agad ni Shawie ang kanyang much-awaited movie under Star Cinema na nakatakdang idirek ng box office director na si Cathy Garcia-Molina.  Ayaw pang i-reveal ni Sharon kung sino ang kanyang makakapareha sa movie.  Nariyan din ang bagong album na kanyang gagawin under Star Music.  May bago rin siyang TV show na malamang magsimula sa buwan ng Enero 2017, her birth month.

May mga humuhula na malamang isa kina Robin Padilla at Gabby Concepcion ang kanyang makasama sa movie at tila out na sa picture si Richard Gomez dahil abala na ito sa pagiging mayor ng Ormoc City in Leyte.

Maganda ang naging desisyon ni Sharon na tapusin na ang kanyang kontrata sa Kapatid Network (TV5) at bumalik siya sa kanyang dating home studio, ang ABS-CBN na naging tahanan niya sa loob ng halos tatlong dekada.

Samantala, kung balik sa pagiging super busy ngayon ni Shawie sa kanyang showbiz career, tila napapag-iwanan naman ang kanyang panganay na si KC Concepcion (sa ex-husband na si Gabby Concepcion) dahil matagal-tagal na rin itong walang bagong TV and movie assignment.
   
Bakit nga kaya?

SA PELIKULA LANG PUWEDE SI DINGDONG SA ABS-CBN

MASUWERTE ang mister ni Marian Rivera na si Dingdong Dantes na patuloy siyang nakakagawa ng mga de kalibreng pelikula sa bakuran ng Star Cinema and given the chance to work with Kapamilya stars tulad na lamang ng bago niyang movie na “The Unmarried Wife” na pinagtatambalan nila ni Angelica Panganiban with Paulo Avelino mula sa direksiyon ni Maryo J. de los Reyes.
   
Nagsimulang gumawa ng pelikula sa bakuran ng Star Cinema, film company ng ABS-CBN, ang rival network ng GMA kung saan nakakontrata si Dingdong noong 2011 nang gawin nila ni Kris Aquino ang MMFF movie na “Segunda Mano”.  Nasundan pa ito ng “One More Try” with Bea Alonzo and “She’s The One” with Angel Locsin, Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo.
   
Si Dingdong ay may TV network contract with GMA pero hindi siya nakatali sa GMA Films pagdating sa pelikula kaya malaya siyang nakagawa ng pelikula sa bakuran ng Star Cinema at maging sa ibang film outfit.
   
Ang isa pang Kapuso star na nakakagawa ng pelikula with Star Cinema ay si Jennylyn Mercado.

MAY DAHILAN KUNG BAKIT LOYAL SI DEREK SA TV5

SALUDO kami sa pagiging loyal ng actor na si Derek Ramsay sa bakuran ng TV5 sa kabila na siya na lamang halos ang natitirang showbiz talent ng Kapatid Network habang ang dati niyang mga kasamahan ay nagsilipatan na sa bakuran ng ABS-CBN.
   
Matagal na ring walang bagong TV show na pinagkakaabalahan si Derek kaya pelikula at product endorsements ang kanyang  pinagtutuunan ng pansin ngayon.
   
Marami ang nanghinayang kay Derek nang ito’y lumipat ng TV5 samantalang napakaganda na ng kanyang status bilang Kapamilya actor.
   
Pero, guaranteed umano ang kontrata ni Derek sa TV5 kaya kahit wala itong programang tumatakbo ay patuloy siyang binabayaran ng TV network ni G. Manny Pangilinan.
   
Speaking of TV5, may isa kaming nakausap na TV executive ng naturang TV network ang nagsabi sa amin na wala na umano sa entertainment ang focus ngayon ng Kapatid Network kundi sa sports at news na raw siya nakatutok.
   
Mula sa sports industry ang kinuhang bagong pangulo ng TV5 na si Chot Reyes.

UTOL NI COCO, AARANGKADA NA RIN

MATAPOS humakot na major awards sa recently-concluded 2016 Cinemalaya ang pelikulang “Pamilya Ordinaryo” mula sa panulat at direksiyon ni Eduardo Roy, Jr. including Best Full Length Film, Best Director, Best Actress (for Hasmine Kilip), NetPac Prize at Best Editing, at makakuha ng special award sa acting at direction, ang pelikulang tinatampukan din ng nakababatang kapatid ni Coco Martin na si Ronwaldo Martin ay isa naman sa mga kalahok sa pelikula sa ongoing Hanoi International Film Festival sa Vietnam kung saan dalawa sa mga jurors ay ang aktres na si Iza Calzado at si Prof. Ed Lejano.
   
Bukod sa lone Filipino entry, very proud si Iza na maging bahagi ng film jurors ng isang international film festival at maging kinatawan ng Pilipinas.  Isa umano itong experience na hinding-hindi niya makakalimutan.
   
Samantala, tiyak ding very proud ang Kapamilya drama king na si Coco Martin sa kanyang nakababatang kapatid na si Ronwaldo Martin na unti-unti na ring nakikilala sa indie movie kung saan din siya nagsimula.

BIRTHDAY GREETINGS

PERSONAL: Belated birthday greetings sa mga nagsi-celebrate ng kanilang mga kaarawan sa buwan ng Oktubre tulad ng anak kong si Aila Marie Reyes, Tintin Bersola-Babao, Vic del Rosario, Jr., Boy Abunda, Annabelle Rama, Christopher de Leon, Nadine Samonte, Tito Al Chu ng Anaheim, California, USA,  at maging kay Rep. Vilma Santos-Recto noong November 3.