6,352 guests

May kumita kaya sa deportation ng 154 Chinese?

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 431

POSITIBO ang naging reaksiyon at tugon, hindi lamang ng ating mga kababayan kundi pati na rin sa bansang Vietnam ang ginawang pagpapalaya sa 17 Vietnamese fishermen na hinuli habang illegal na nangingisda sa karagatan ng Vigan City, Ilocos Sur noong Setyembre 8.

Ang Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang nanguna sa ‘send off ceremony’ kamakalawa na ginawa sa Sual, Pangasinan kung saan ay pinabaunan pa ng bigas, sariwang gulay, tubig at maging ‘toiletries’  ang mga Vietnamese na maglalayag pabalik sa Vietnam sa loob ng limang araw.
   
Sa pamamagitan ni Vietnamese Ambassador Truong Trieu Duong, ipinabot ni Vietnam President Tran Dai Quang ang kanilang pasalamat at pagpugay kay Duterte, gayundin sa bansang Pilipinas.
   
‘First time’ nangyari na mismong Pangulo ng bansa ang nanguna  sa send-off ng mga nahuhuling banyagang mangingisda. Magandang hakbangin ito para maipakita sa mga kapitbahay sa Asya na sinsero ang pakikipagkaibigan natin sa kanila.
   
Napatunayan ng 17 Vietnamese na hindi totoong illegal silang nangisda sa ating karagatan kundi napadpad lamang sila sa ating teritoryo bunsod na rin ng bagyong Ferdie.
   
Lingid sa kaalaman ng marami. Setyembre 8 rin ng kasalukuyang taon ay nakahuli rin ang magigiting nating awtoridad ng 153 Chinese nationals at isang Taiwanese.
   
Sila’y inaresto ‘in flagrante delicto’ habang nag-ooperate ng online gambling sa Clarkfield, Pampanga. Nagtatrabaho sila sa online gambling sa ’Pinas nang walang kaukulang Special Working Permit (SWP) o working visa.
   
Walo sa 154 naaresto ay  menor de edad.
    
Ayon sa ating source, gusto sana nina Bureau of Immigration Associate Commissioners Al Argosino at Michael Robles na isailalim sa ‘Summary Deportation Order’ (SDO) ang mga naarestong Chinese.
 
Pero, mas gusto umano nina Homer Arellano at Arvin Santos ng BI Legal Division na pabalikin na lamang sa kanilang bansa ang mga naaresto sa pamamagitan ng Voluntary Deportation Order (VDO).
   
Bagaman medyo pareho, may pagkakaiba rin kahit papaano ang SDO sa VDO.
   
Kung tama ang ating pagkakaintindi, ang sinumang banyaga na ide-deport sa pamamagitan ng SDO ay may isinampang kaso, samantalang sa VDO, bukod sa inamin nila ang kanilang pagkakasala sa bansang pinuntahan, wala namang asunto na isasampa laban sa kanila. Sa sistemang ito, madali ring magkaroon ng ‘lagayan,’ depende sa hiling ng arestadong pugante.
    
Ang tanong ngayon, SDO o VDO man ang naging paraan ng pagpapaalis sa kanila, napa-blacklist kaya silang lahat?
   
Sa mga hindi nakakaalam, ‘blacklist order’ din ang isa sa paboritong pinagkakakitaan ng ilang tiwaling Immigration officers noon at ngayon.

Puwedeng ipanakot ito sa sinumang banyagang nais pumasok sa bansa at puwede ring ipa-lift o bawiin ito basta may maayos na dahilan o ‘cashunduan.’
   
Ang tanong pa natin ngayon sa mga idol nating sina BI Commissioner Jaime Morente at BI Intelligence chief ret. Gen. Charles Calima, nasingil kaya ng ‘administrative fine’ na P50,000 kada isa ang 154 na naarestong banyaga?
   
Pinagmulta rin kaya sila ng P5,000 bilang ‘express lane fee?’
   
Gawa po tayo ng simpleng ‘mathematics’ mga ate at kuya. Kung imu-multiply natin ang P55,000 (administrative at express lane fee) sa 154 katao , aabot po sa P8.470 million ang makukolekta ng ating pamahalaan. Ito ay kung may resibo!
   
Sana lang, hindi totoo ang natanggap nating impormasyon na kahit singkong duling ay hindi siningil ang mga pinabalik na Chinese nationals o kung hindi man ay ‘binigyan sila ng discount’ bawat isa na isang malaking katarantaduhan kung totoo man!
   
Eh, kamusta naman kaya ang mga nakumpiskang laptop sa 154 Chinese nationals? Naisauli kaya sa kanila, ‘nai-turn over for forensic’ ba naman kaya o nanenok na rin ng ilang tiwaling Immigration officers?
   
Alalahanin nating ‘online gambling’ ang  negosyo ng mga naarestong Chinese at hindi sila tiyak gagamit ng mga pipitsuging ‘gadget’ kasi ang dinig ko, karamihan pa sa mga narekober na cellphones at laptop ay latest na Lenovo i-7 na hindi bababa sa P40,000 ang bawat isa.
   
Ayaw ko rin sanang paniwalaan na pati cellular phones ng mga naarestong Chinese ay pinagkakitaan na rin ng ilang kumag na miyembro ng Civil Security Unit (CSU) na bantay sa Philippine Immigration Academy (PIA) kung saan sila ikinulong.
 
Dahil walo sa mga naaresto ay minors, 144 na lang po ang nakakulong sa PIA at ang dalawang Chinese ay nauna nang ipina-deport.
   
Kung tanong n’yo ay bakit naiwan ang 144 at ngayon lamang sila pinababalik sa kanilang bansa, iyan din ang malaking tanong na dapat sagutin ng ating  BI officials. 
   
Sa pagkakaalam ko uli, sa loob ng tatlong araw ay kayang i-deport ang sinumang banyagang lumabag sa batas ng Imigrasyon ng Pilipinas. Maliban na lang siguro kung may nagaganap na ‘negotiation in aid of collection.’
   
Sa impormasyon ng ‘UNCOVERED,’ P10,000 kada isang cellphone ang tara o lagay, payagan lamang silang magpasok ng mobile phone sa loob ng kanilang ‘selda.’
   
Nababoy na rin ang PIA dahil pinayagang mag-yosi, magbaraha at magsugal ang mga detenidong Chinese. Halos wala na rin silang ipinagkaiba sa  naipupuslit na kontrabando ng high profile inmates sa New Bilibid Prisons (NBP).
   
Hindi ko sinasabing totoo agad ang mga akusasyong ganito, Executive Secretary Salvador ‘Bimbong’ Medialdea at Justice Sec. Vitaliano Aguirre.
   
Pero wala po sigurong masama kung punto por punto ay alamin ni Commissioner Morente ang mga nabanggit nating isyu.
 
Alalahanin nating mainit pa rin ang mata ng Pangulong Duterte sa ating BI officials dahil wala pa ring tigil ang mga nakararating na sumbong sa Malakanyang tungkol sa pagiging talamak pa ring korapsiyon sa BI.
   
Sana lang, maaksiyunan ito hangga’t maaga!

HEADS UP!
   
Kunin na rin natin ang atensiyon ni Sr. Insp. Alex Recinto na isa ring police senior inspector (police captain) at technical assistant ni Morente. Gayundin kay Mr. Usman Abinal na chief of staff ni ACom Mike Robles,
   
Mga sir, boss-tsip, manager, amo.
 
Pakipasadahan nga po ang mga ‘lifting’ sa ‘blacklist order’ at ‘recall exclusion’ na inilalabas ngayon. Masyado na raw kasing talamak at pinagpipiyestahan ang mga tabakuhang ganito.
   
Parang halos araw-araw, daig pa ang mga taga-MWSS sa pag-agos sa gripo ng pera para lang sa pagbawi sa mga nabanggit nating kautusan.
   
Kung dati, ma-delay  lang ang ‘overtime pay’ (OT) ay nanggagalaiti na sa galit at inis ang ilang BI officials, pero ngayon, mukhang hindi na ito iniintindi. Kasi, siksik, liglig at nag-uumapaw na ang kanilang kuwarta, salapi at anda!
 
Ang catch, masama ang loob sa karamihan ng BI employees ngayon. Nag-long weekend kasi nitong Undas, pero hindi naibigay  ang kanilang mga OT pay.
   
Samantalang iyong ibang nagkakamal sa pagkulimbat dahil sa ‘blacklist’ at ‘recall exclusion order’ ay balewala na lamang sa kanila ito.
   
Kasi nga, mala-MWSS na ang pag-agos ng pera sa kanilang pitaka at bulsa. Me suweldo na, may sahod pa!
   
Kilala n’yo naman siguro sila, Sir Alex at Sir Usman.
   
Para lang ’yang usong laro ngayon na... Pak, Pak, Ganern!