6,411 guests

Korapsyon sa BoC talamak pa rin

  • Written by Paul M.Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 289

BAGO ang lahat, binabatikos natin ang napakasagwang serbisyo ng ating  ‘telcos,’ partikular na itong kumpanyang Globe ng mga Ayala na noong Miyerkules ng gabi ay bigla na lang nawala ang ‘signal.’

Alam kong milyones sa mga kostumer ng Globe ang naperwisyo -- at araw-araw na napeperwisyo dahil sa ‘bad service’ nito at ng kanyang “kalaban” (daw) na Smart Philippines (kung dalawa lang kasi kayong “dambuhala” sa ‘telecomm industry’ nasaan ang kumpetisyon dito?).
   
Kahapon ay patuloy tayong naperwisyo sa masamang serbisyo ng Globe dahil sa kasamaang palad, Globe din ang aking ginagamit sa aking ‘pocket wifi’ na nawalan din ng silbi habang ginagawa ko ang aking kolum sa kahabaan ng NLEX.
   
Aber, Pang. Duterte, dapat talagang madaliin mo na ang pagbuwag sa ‘duopoly’ nitong Globe at Smart sa pamamagitan ng pagbubukas sa industriya sa iba pang  ‘players’ na may kakayahang bigyan ng nararapat na serbisyo ang mga Pilipino.

* * *   

Naniniwala tayo, mga kabayan, na hindi alam ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon na walang nangyayari sa kanyang ipinagyayabang na kampanya laban sa katiwalian sa Bureau of Customs.
   
Dangan nga kasi, patuloy na ‘banned’ sa pantalan ang ‘local tabloid papers’ sa inisyatiba na rin ni Comm. Nick, batay sa kanyang ‘memorandum’ na may petsang Oktubre 26, 2016 kung saan isa sa kanyang “binusalan” ay ang ‘Customs News’ ni National Press Club (NPC) lifetime member, Mitos Garcia.
   
Sa ‘banner story’ ng Customs News ngayong linggo, ibinisto na “pinakamasahol” pa rin ang BoC kung pagdating sa katiwalian at korapsyon ang pag-uusapan.
   
Ang istorya ay batay naman sa ‘survey’ na isinagawa ng ‘Economist Intelligence Unit (‘Illicit Trade Environment Index’).
   
Ayon pa nga sa istorya ni kasamang Mitos: “The survey rated the Philippines 12th based on four gauges, namely: intellectual property, transparency in trade, customs environment and supply and demand.
   
“Under customs environment, the country scored ‘zero’ -- which means ‘worst’ -- in terms of customs corruption and having a trusted trader and client accreditation program.
   
“On the flip side, customs clearance and inspection got a high 83.3 (points) while automation efforts were graded 48.4 (points).”
   
Sa ganang atin na matagal nang ‘nagku-cover’ sa BoC (halos dalawang dekada na ngayon), naniniwala tayo sa resultang ito.
   
Kumbaga, ano man ang ipinagyayabang ng bagong liderato ng Aduana na “paglaban” sa korapsyon, malayo pa rin ito sa nakahihiyang katotohanan -- talamak pa rin ito sa pantalan, period!

* * *   

Kung ayaw naman ni Comm. Nick na “makantyawan” na “bogus” ang kanyang kampanya laban sa smuggling --  katulad ng hinala ng ilang miron -- dapat lang niyang sagutin ang hamon ng ‘SINAG’ (Samahang Industriya sa Agrikultura) ni Ka Rosendo So, na “sampahan” niya ng kasong ‘economic sabotage’ ang mga umano’y “nahuli” ng kanyang mga tanggapan na mga smuggler ng mga bigas, sibuyas at bawang.
   
Ang “tinutumbok” ng grupo ay itong ‘RPR International Trading’ na bago ang Undas ay “ipinarada” pa ni Comm. Nick sa POM/South Harbor ang mga kargamento nitong bigas (deklaradong ‘leatherette’) na umano’y may halagang P20 milyon.
   
Batay sa Republic Act 10845, ‘economic sabotage’ ang dapat isampang kaso sa sino man na magtangkang magpalusot ng bigas sa halagang P10 milyon o higit pa.
   
Sa kaso nitong RPR International Trading, P20 milyon ang halaga ng kargamento kaya dapat lang na “swak” ito sa “balde,” wika nga, ‘di ba Sen. Cynthia Villar na siyang may akda ng RA 10845.
   
At hindi natin mapigilan ang mga miron kung “tamang hinala” sila dito sa kaso ng RPR International mga kabayan dahil Agosto pa pala ito dumating sa POM, noong lang Oktubre 25 ito “hinuli” ng BoC!
   
Hindi raw kaya… hindi naging maayos ang ayusan kaya hinuli na lang, hehehe!
 
Dangan nga naman kasi, noong nasa BoC pa si DCI Jessie Dellosa, kapag natimbog ang kargamento, kinabukasan ‘media viewing’ na agad -- para malinaw sa lahat na walang nangyayaring “ayusan,” “pakiusapan” o “aregluhan.”
   
At hindi lang ito, mga kabayan, basta nahuli ng BoC sa nakaraang administrasyon, minsan, ‘in a matter of minutes,’ wika nga, alam na ng media, hindi katulad ngayon na ‘accomplishment’ na, itinatago pa, bakit kaya?
    
At totoo nga siguro na may “pusong mamon” si Comm. Nick sa mga smuggler -- at “pusong bato” naman sa mga empleyado ng Aduana (binantaan niyang “papatayin”) at kasapi ng media (media ban sa BoC) -- kaya nga ang kanyang desisyon ay “suspendihin” na lang ang ‘accreditation’ nitong nasabing ‘trading company.’