7,149 guests

Angelica sa isyu kay John Lloyd: Masaya ako ngayon, masaya siya

  • Written by Vinia Vivar
  • Published in Showbiz
  • Read: 585

Naka-relate si Angelica Panganiban sa kanyang role bilang married woman na si Anne sa The Unmarried Wife sa aspeto ng pagkakaroon ng relasyon at heartaches na dulot nito.

“Unang-una, hindi ko pa naman naranasang ikasal, magkaroon ng isang pamilya, magkaroon ng isang anak, magkaroon ng asawa,” pahayag ni Angelica sa presscon kahapon para sa naturang pelikula.

“’Yung relationship, very relatable na siya dahil hindi ko naman naitago ’yung mga naging karelasyon ko, open book naman na talagang nagkaroon ako ng  boyfriends at heartaches, happiness, breakups, sadness, rainbows, unicorns,” dagdag niya.
   
Dahil sa mga karanasan niyang ito at karanasan na rin ng mga ibang tao sa paligid niya ay naka-relate siya sa kanyang karakter.
   
“Doon naman papasok ’yung lahat ng sakit na nangyari siyempre sa past, eh, nagamit ko naman.”
   
Isa sa mga intense na eksena sa pelikula ay nang sampalin niya si Dingdong Dantes.
   
Inamin ni Angelica na mukhang natodo niya kaya nag-sorry siya sa aktor.
   
“Kasi dati, ’pag nakakakita ako (ng sampalan scene), sabi ko lang, ‘ay, ano ba ’yan?,’ ngayon, may chance ako na sampalin ’yung karakter ni Geoff (Dingdong), nasampal ko. Sabi ko, ‘sorry ha, hindi ko kasi nalabas dati,’” natatawang kwento ni Angel.
   
Sa totoong buhay, ano ba ang ginagawa niya ’pag nalaman niyang niloloko siya ng lalaki?
   
“Nu’ng una, siyempre, ta-try mong kausapin. Kasi sa pagkakakilala n’yo, mukha lang talaga akong mataray, pero ’pag nagmahal ako, ako ’yung mas maintindihin. Mas mahaba siguro ’yung pasensiya.
   
“Siguro kasi girl ako ’pag may karelasyon ako. Babaing-babae, kumbaga.
   
“So, siyempre, ta-try mong kausapin, ’di ba? Eh, pero wala naman, idi-denay lang talaga nang idi-denay kahit nakita mo na, ’di ba?
   
“Kaya nu’ng mga huli, tumahimik na lang ako. Parang hindi ko na kinu-confront, hinintay ko na lang na mapagod ako,” she said.
   
Walang sampalang naganap?
   
“Kahit tanungin mo siya (the guy), wala,” sagot niya.
   
Asked kung sino ba ’yung boyfriend na ’yun para matanong, siyempre, tumawa na lang ang aktres at hindi sinabi kung sino ’yon.
   
So, naranasan niya talaga in her past relationship na niloko siya at totoo ba ’yung hugot line niya sa movie na kapag inuulit-ulit ang panloloko ay hindi na ’yun pagkakamali kundi sakit na?
   
“Feeling ko. Kasi hindi ka natututo, eh. Saka bakit hindi mo nakikita ’yung worth ng taong mahal mo? Bakit kailangan laging may iba? Pero hindi naman ito ’yung tina-tackle namin sa pelikula,” sey ng aktres.
   
Aminado siyang tanga siya ’pag umiibig, pero may hangganan naman daw.
   
“’Yung katangahan, matatapos din ’yan. May hangganan ang pagmamahal. Walang forever, mars (mare)!” natatawa niyang sabi.
   
Hindi raw siya naniniwala sa forever, pero naniniwala siya na pwede namang magmahal ng forever ang isang tao.
   
“Pwede ka namang magmahal na mahal mo lang kahit hindi ka mahal. Ikaw, mahal mo lang. So, forever ’yun, ’di ba? Forever mo siyang mahal. May forever. Mayroong pagmamahal nang wagas.”
   
After the question and answer portion, nakatsikahan pa rin namin si Angelica. Dito siya tinanong kung ano ba talaga ang estado nila ngayon ni John Lloyd Cruz since nakita sila recently na magkasama.
   
Kung hindi man sila nagkabalikan, may pag-asa pa ba?
   
“Hindi ko alam,” aniya. “Siguro, ang masasabi ko lang ay masaya ako ngayon and masaya siya, magkaibigan kami at alam nating lahat na halos imposible sa dalawang tao na nagkaroon ng relasyon na maging magkaibigan in the end.
   
“But siguro, isa ’yun sa mga bagay na proud kami. Dahil kahit gaano kahirap, may struggle siyempre sa umpisa, kung paano ma-maintain ’yung friendship, pero gaya ng sabi natin, nagmahalan kayo dati, bakit naman kailangang mauwi sa away, ’di ba?” she said.
   
Basta sa ngayon, hindi pa niya masabi kung si Lloydie na ba talaga para sa kanya dahil masyado pa raw maaga.
   
“Ngayon, hindi ko siya masasagot. Masyadong maaga or baka may mali akong masabi. So, mas magandang wala na lang akong sabihin about that.”
   
Samantala, showing na sa Nov. 16 ang The Unmarried Wife mula sa direksyon ni Maryo J. delos Reyes under Star Cinema.
   
Kasama rin nina Angelica at Dingdong sa movie si Paulo Avelino.