4,953 guests

3 babaing ’di nagbayad ng ininom sa bar kulong

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 334

SA kulungan nasadlak ang tatlong kababaihan na nagliwaliw nang husto sa isang videoke bar matapos magwala at tumangging bayaran ang nakonsumong alak at pulutan kahapon ng madaling araw sa Navotas City.

Kahit nasa likod na ng rehas na bakal, hindi pa rin nagpatinag sina Marjorie Geronimo, 24, ng Sta. Catalina St., Grace Park, Caloocan City; Jelly Ann Reyes, 24, at Jasmine Omega, 26, kapwa nakatira sa Dagat-Dagatan, Caloocan City, sa paniwalang pinatungan ang halaga ng kanilang nakonsumo kaya’t lumobo nang husto ang kanilang babayaran.
    
Sa tinanggap na ulat ni Navotas police deputy chief for operation Supt. Bernabe Embile, nagka-tuwaan ang magkakabarkada na mag-inuman at magkantahan sa Bistro Kakamberta KTV Bar sa C-4 Road, North Bay Boulevard North, kamakalawa ng gabi hanggang ala-1 ng madaling araw kahapon.
 
Nang dalhin sa kanila ng waiter ang bill at sabihan na malapit na silang magsara, dito na nagwala ang tatlo kaya’t tumawag ng mga barangay tanod ang manager ng establisimyento.
    
Gayunman, maging ang mga nagrespondeng tanod ay pinagmumura at nilait-lait umano ng tatlo kaya’t humingi na sila ng ayuda sa pulis na naging dahilan para ika-laboso ang mga ito.