12,203 guests

Silang mga nagpapa-resign kina Pres. Digong at Sec. Tugade

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 288

Hala bira!

MAY mga tao talagang pinaglihi sa sama ng loob.

Sila iyong mga taong habang pinagbubuntis ng kanilang mga ina ay hindi man lang nakalasap ng pagmamahal, sila iyong mga taong pagkasulpot ng kanilang kabuwanan, inatake ng LBM ang kanilang mga nanay dahil sa sama ng loob.

Kaya nga ang mga ganitong klase ng tao ay walang kapasidad na tumanggap ng pag­katalo, mga hard loser at talagang ugaling talangka na walang ma­buting naiisip sa kanyang kapwa.

Kung matitino ba naman ang mga ito, nakaka-isandaang araw pa lang si Pangulong Duterte, kung anu-ano na ang kanilang naiisip. Kudeta, impeachment, pagpapakulong, pagsasampa ng kaso sa International Criminal Court at panawagan ng pagre-resign.

Ang totoo, sa likod ng kanilang mapurol na bungo, hindi naman pambayan ang kanilang agenda bagkus ay hindi nila kayang tanggapin na ang isang dekada nilang hindi nagawa ay kaya palang gawin ni Duterte sa isang daang araw!

Sino ba sa kanila ang nakaisip na puwede naman palang magkaroon ng Central 911 na ma­giging sumbungan ng bayan laban sa mga kri­minal at pag-uulat ng mga emergency?
   
Ang palagi nilang katwiran, hindi pa natin kaya ang 911 ng Amerika dahil first world sila samantalang tayo ay third world. Ergo, pinatunayan ni Digong na kung hindi nanakawin ang pera at may common sense ang leader, puwede naman pala!
   
Sino rin ba ang mag-aakala na isang pindot lang ng 8888 ay puwede mo nang isumbong ang katiwalian sa pamahalaan at mapatino ang isang ahensiya sa isang banta ng pananampal at panghihiya?
   
Ang driver’s license na dating renewable every 3 years ay puwede naman palang 5 years, ang passport na karaniwang 5 years ay puwede na rin palang maging 10 years?
   
At ang Freedom of Information Bill na paulit-ulit ipinapangako tuwing eleksiyon, kinamatayan na ng maraming bolerong pulitiko, ay puwede naman palang gawin ng Pangulo sa pamamagitan lamang ng executive order?
   
Bagama’t limitado ito sa ehekutibo, ang paglalabas ni Digong ng kautusang ito ay humuhudyat sa Legislative at Judiciary na mahiya naman kayo!
   
Wala rin sa ating nakakaalam na kahit pala anong busy ng isang Pa­ngulo at amoy eroplano pa siya at hilo sa jetlag ay puwede naman palang puntahan ang mga lugar na hinataw ng bagyo tulad ng ginawa ni Duterte sa mga lalawigang binayo nila Karen at Lawin?
   
At puwede rin palang dumating agad ang tulong ng gobyerno kahit hindi pa man nahahawi ang mga nagbagsakang poste at puno sa kalye. Hindi naman natin alam na lahat ng iyan dahil sa naging ugali ng mga nakaraang lider, lalo na sa panahon ni Noynoy na hari ng batugan!
   
Lahat tayo, pinaasang ang tunay na good governance ay nakakulong lamang sa konsepto ng “tang inang tuwid na daan na ’yan, tang inang kung walang korap, walang mahirap at tang inang kayo ang boss ko.”
   
Ang masaklap, ang mga taong ito rin ang nagsusulong ngayon na mapatalsik si Pangulong Digong at nanawagan ng resignation ni Transportation Secretary Art Tugade dahil hindi raw kayang ayusin ang trapik.
   
Talaga palang may uod ang utak ng mga taong ito! Bukod kay Digong, si Tugade man ay mahigit isang daang araw pa lang sa posis­yon. Ang mga hinayupak, sila iyong anim na taong nagpabaya, walang ginawang bagong kalsada, nag-apruba ng libu-libong Grab car, Uber at mga prangkisa ng bus plus colorum, sila ngayon ang naghahanap ng agarang solusyon sa trapik.
   
Hoy, mga ulol kayo ng ina n’yo, ang mga ginawa n’yong kabulukan sa nakaraang anim na taon ay gusto n’yo agad malutas sa isang daang araw?
   
Dapat naisabay na kayo sa crematorium para hindi na kayo inabot ng Undas, mga ungas!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.